Ang tumitinding pasistang panunupil ng rehimeng Trump sa mamamayan ng US
Sasampung buwan pa lamang mula nang maupo muli si Donald Trump sa kapangyarihan, umaabot sa bagong antas ng igting ang kanyang patakarang anti-mamamayan at anti-demokratiko.
Sinasagad ni Trump ang hangganan ng kanyang kapangyarihan bilang presidente ng US. Umaasta siyang hari at diktador na ginagawa anuman ang kanyang naisin nang walang pananagutan. Hayagan niyang idinidirehe ang kanyang administrasyon tungong paghaharing pasista at diktadura. Hayagan din niyang sinisikil ang mga kalayaan at karapatang sibil ng mamamayan at sinasagasaan ang sariling mga batas, proseso at institusyon.
Sa pag-aastang diktador, ginagamit ni Trump ang mga pwersang militar (US Marine at National Guard) upang paluhurin ang mga sanctuary state o mga estadong kumikilala sa karapatan ng mga imigrante. Noong Setyembre, ipinahayag ni Trump ang kanyang planong gamitin ang militar upang supilin ang mga paglaban sa kanyang mga patakaran. Aniya, walang pinag-iba ang mga taong tumututol sa kanyang rehimen sa mga kaaway ng US sa ibang bansa.
Binigyan ni Trump ang Immigration and Customs Enforcement (ICE) ng “kota” na 3,000 pang-aaresto ng mga imigrante kada araw at binigyan ng awtorisasyon ang paggamit ng pinakamararahas at brutal na pamamaraan. Target ng pambubugbog, pamamaril, pagtugis at deportasyon ang sinumang tumutuligsa kay Trump, ang mga “mukhang imigrante” at mga aktibista.
Umabot na sa 23 indibidwal ang nasawi habang nasa kustodiya ng ICE, karamihan dulot ng pagkait ng atensyong medikal. Nasa 515,000 na indibidwal ang napadeport at nasa 1.6 milyong imigrante ang sapilitang lumayas o kusang umalis ngayong taon. Halos 60,000 ang iligal na nakakulong sa mga pasilidad ng ICE kung saan dumaranas sila ng pang-aabuso, pagmamaltrato at kawalan ng serbisyong medikal.
Sakim sa kapangyarihan, ilang beses nang ipinahayag ni Trump ang kanyang intensyon na tumakbong muli bilang presidente sa ikatlong termino sa anumang paraan, kahit labag ito sa konstitusyon ng US. Iniluklok niya sa kapangyarihan ang kanyang mga alyado at sariling mga abugado, habang kinasuhan, tinugis at tinanggal sa trabaho lahat ng kumakalaban at hindi sumusunod sa kanyang kapritso. Pilit niyang pinaluluhod sa kanyang nais ang mga kumpanya ng midya, husgado, mga ahensya ng gubyerno, mga kritiko, at mga unibersidad.
Pinaigting din ni Trump ang dayuhang panghihimasok ng US. Sa pamamagitan ng pagsuplay ng mga misayl at armas sa Zionistang estado ng Israel, aktibong nakikipagsabwatan si Trump sa henosidyo laban sa mga Palestino. Sinulsulan niya ang paglusob ng Israel sa Iran noong Hunyo at ipinag-utos ang paghulog ng malalaking bomba doon. Idineklara niya ang planong lusubin ang Venezuela para pwersahang patalsikin ang anti-imperyalistang presidente na si Nicolas Maduro. Patuloy ang pakikipaggerang proxy ng US laban sa Russia sa Ukraine. Palawak nang palawak ang panghihimasok nito sa Taiwan at Pilipinas.
Garapalang ginagamit ni Trump ang kanyang pusisyon upang lalong magkamal ng yaman. Kinasuhan niya ng “fake news” ang isang kumpanyang media, para lamang tumanggap ng ilang milyong dolyar na “pakikipag-ayos.” Buong tuwa niyang tinanggap ang isang $400-milyong jumbo jet mula sa gubyerno ng Qatar bilang “donasyon” na mapupunta sa kanyang pag-aari pagkatapos ng kanyang termino. Noong Oktubre, iginiit niya sa tao niya sa Department of Justice na dapat siyang bayaran ng ahensya ng halagang $230 milyon bilang kumpensasyon dahil diumano sa paglabag nito sa kanyang karapatan nang imbestigahan siya ng gubyerno noong 2023 at 2024.
Sa kasalukuyan, nakapailalim sa “shutdown” o sarado ang gubyerno ng US dahil sa di pagkakasundo ng mga kongresista kaugnay sa badyet ng estado para sa 2026. Walang pakialam ang rehimen sa nararanasang pagdurusa ng mga empleyado ng gubyerno na nagtatrabaho nang walang sahod, o sa paubos nang ayudang pagkain para sa mga pamilyang tumatanggap lamang ng minimum na sahod. Sa halip, abala siya sa pagtatayo ng 90,000 metro kwadradong ballroom (bulwagang-sayawan) sa White House na nagkakahalaga ng $300 milyon, na plano niyang ipangalan sa kanyang sarili.
Nasasagad ang galit ng mamamayan ng US sa rehimeng Trump. Maging ang mga dating sumuporta sa kanya ay nagpahiwatig na ng galit at pagkadismaya sa kanyang pamamalakad. Hindi pa siya umaabot ng isang taon sa katungkulan ngunit nais na siyang patalsikin sa pwesto ng mga Amerikano.
Lumalakas ang sigaw ng mamamayang Amerikano: Patalsikin sa trono si Trump! Daan-dang protesta na ang inilunsad sa iba’t ibang bahagi ng US upang kundenahin ang kanyang anti-mamamayang mga patakaran. Nagbuklod ang mga komunidad upang protektahan ang mga imigrante mula sa marahas na pagtugis ng ICE.
Umabot sa pitong milyon ang dumalo sa protestang “No Kings” noong Oktubre 18 upang ipakita ang kanilang disgusto sa pasista at anti-mamamayang pamamahala ni Trump. Ito ang pinakamalaking pagkilos sa bansa ngayong taon. Ito rin ang ikatlong pambansang protesta ngayong taon.
Aktibong lumalahok ang mga demokratikong organisasyon ng mga Pilipino sa mga pagkilos sa US. Naglunsad sila ng mga kampanya, sa ilalim ng Tanggol Migrante Movement, upang ipanawagan ang pagpapalaya, bigyan ng proteksyon at serbisyo ang mga iligal na ikinulong na mga Pilipinong migrante, at singilin ang gubyernong Marcos sa pananagutan nitong protektahan ang mga Pilipino sa US.
Sa Nobyembre 8, sa unang taon ng pagkapanalo sa eleksyon ni Trump, nakatakdang maglunsad ng protesta ang iba’t ibang tsapter ng mga organisasyon sa US sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan.