Mga pakikibakang manggagawa

,

 

Laban ng manggagawa sa Wyeth Philippines. Muling nagprotesta ang mga manggagawa sa pangunguna ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union-DFA-KMU sa harap ng planta ng kumpanya sa Cabuyao City, Laguna noong Oktubre 24. Kinundena nila ang patuloy na pagtanggi ng kapitalista na tugunan ang panawagan nilang makatarungang sahod at regularisasyon sa halos apat na buwan nang negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA).

Sahod at karapatan, panawagang igalang sa Kowloon. Nagpiket ang mga manggagawa ng Kowloon House West sa labas ng restawran sa West Avenue, Quezon City sa pangunguna ng Kowloon House West Chapter ng Glowhrain-KMU noong Oktubre 24. Kinundena ng unyon ang tinawag nitong tahasang pagbalewala ng maneydsment sa karapatan ng mga manggagawa at paglabag sa kanilang CBA. Ayon sa unyon, bigo ang restawran na ipatupad ang mga prubisyon ng CBA tulad ng across-the-board na pagtaas ng sahod alinsunod sa atas ng regional wage board at wastong proseso sa mga kaso ng pagdisiplina. Hindi rin ito nagbibigay ng nararapat na benepisyo at proteksyon.

2 unyon sa UA&P, naghahandang magwelga. Nagsumite ng ulat ng strike vote ang University of Asia and the Pacific (UA&P) Union of Faculty Members at UA&P Union of Allied Employees sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) noong Oktubre 27. Tugon ito ng dalawang unyon sa pagtanggi ng administrasyon ng unibersidad sa panawagang dagdag sweldo, benepisyo at maayos na kalagayan sa trabaho. Apat na buwan na ang pakikipag-areglo ng mga unyon sa administrasyon sa antas ng NCMB ngunit nanatiling matigas at bingi ito sa kanilang panawagan.

Mga pakikibakang manggagawa