Editoryal

Labanan ang Task Force Philippines ng imperyalistang US

, ,

Dapat buong-lakas na batikusin at labanan ang binuong Task Force Philippines ng imperyalistang US na gagamitin nito sa ibayong panghihimasok militar sa bansa. Sa pagbubuo ng Task Force Philippines, lalong garapal na kinokontrol ng US ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang pwersang panseguridad ng estadong neokolonyal para magsilbi sa heyopulitikal na interes ng US sa Asia.

Ang Task Force Philippines ay isang bagong yunit ng militar ng US na nakabase sa Pilipinas. Layunin nitong itakda ang direksyon, plano at mga operasyon ng AFP sa “depensang panlabas” mula sa South China Sea hanggang sa Luzon Strait, laban sa diumano’y “mapamwersa at agresibong” kilos ng China sa karagatan.

Malaking kabulastugan ang deklaradong layunin nitong “pag-ibayuhin ang pagtutulungan ng US at Pilipinas.” Katawa-tawa na inamin mismo ng hepe ng AFP na wala siyang alam na detalye tungkol sa planong task force na ito ng US. Ang alam lamang niya ay nakabatay ito sa konsepto at operasyon ng Task Force Ayungin na itinayo ng US noong nakaraang taon.

Itinayo ang naunang task force na ito noong 2024 at binuo ng mga upisyal militar ng US. Ito ang nagplano ng mga operasyong “resupply” ng AFP sa barko nitong BRP Sierra Madre na nakabahura sa Ayungin Shoal. Ipinadala ng US ang kanyang kagamitang militar at sandata, at sinuportahan ng kanyang sarbeylans panghimpapawid at pangkalawakan (satellite). Sa madaling salita, ang mga “resupply mission” ng AFP ay mga operasyong pangkaragatan na direktang utos at kontrol ng US.

Ang pagbubuo ng Task Force Philippines ay pinakahuling pakana ng imperyalistang US at tandang-bato ng mas mataas na antas ng panghihimasok sa bansa. Nagsisilbi ito sa balangkas ng Indo-Pacific Strategy ng US sa pakay na palibutan ang imperyalistang karibal nitong China, at pigilan ang lalong paglago ng kapangyarihan nito sa militar at ekonomya.

Ilang taon nang ginagamit at ginagatungan ng US ang hidwaang pangkaragatan ng Pilipinas at China, upang bigyang matwid ang paggamit sa Mutual Defense Treaty at iba pang mga tagibang na kasunduang militar para palakasin ang presensya ng mga pwersang militar nito sa Pilipinas. Itinayo nito ang hindi bababa sa siyam na base militar ng US na kinikilala sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Mas marami pang hindi inaaming base at pasilidad ng US sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang itinayong pasilidad ng AFP sa Mavulis island sa Batanes para magamit ng US. May presensya rin ang militar ng US sa mga pasilidad sa Ilocos Norte, sa Aurora, Quezon, Mindoro, Panay, at iba’t ibang bahagi ng Palawan. Tinatauhan ang mga ito ng mga upisyal at sundalong Amerikano, o pinaglalagakan ng mga sandata katulad ng Typhon missile system at iba pang mga mapamuksang armas. Balak din ng US na itayo sa bansa ang mga pagawaan ng bala, drone at iba pang armas. Dagdag pa rito ang plano ng US na magtayo ng refuelling depot sa malawak na karagatan ng Davao Gulf.

Permanente din ang presensya sa karagatang sakop ng Pilipinas ng mga barkong pandigma ng US, kabilang ang mga dambuhalang aircraft carrier na lulan ang libu-libong sundalong Amerikano. Malaya itong naglalayag at dumadaong sa alinmang bahagi ng Pilipinas. Ginagamit ang mga ito sa sunud-sunod at sapin-saping inilulunsad na pagsasanay sa gera sa Pilipinas, na pawang nakatuon sa senaryo ng pagsiklab ng digmaan sa China.

Sagadsaring tuta si Marcos sa kanyang imperyalistang among US. Lalo pa siyang nagiging sunud-sunuran dahil sa desperasyong kunin ang suporta ng US. Ito ay sa harap ng kumukulong pampulitikang krisis bunsod ng nabunyag na dambuhalang mga kaso ng korapsyon at nagpapatuloy na malawak na kilusang protesta laban sa kanyang rehimen.

Sa pulong kamakailan ng ASEAN, si Marcos ang nagsilbing tagapagdala ng adyenda ng US, at itinulak ang aniya’y “enhanced defense cooperation” ng mga bansa sa Southeast Asia laban sa “banta at agresyon” ng China. Nasupalpal si Marcos nang wala ni isang sumuporta sa kanyang panukala.

Alinsunod sa utos ng US, sunud-sunod na pinasok ni Marcos ang mga kasunduang “visiting forces” sa Japan at Canada, na pawang mga bansang may alyansang militar sa US. Pakay nito na pahintulutang gamitin ng mga bansang ito ang teritoryong pandagat at kalupaan ng Pilipinas para sa mga kasanib-ng-US na mga operasyong militar. Ngayon naman ay ipinagmamalaki ni Marcos na bibili siya ng mga kagamitang pandigma sa US upang diumano’y makalaban ng isang buwan bago humingi ng tulong sa ibang bansa.

Katugma ng adyenda ni Marcos, kumikilos ang iba’t ibang maka-US na partido, organisasyon, mga institusyon at bahagi ng masmidya para suportahan ang papalaking presensyang militar ng US sa Pilipinas, sa tabing ng pagtatanggol sa “West Philippine Sea.” Ang mga ito ay pawang pinopondohan ng imperyalismong US na dumadaan sa mga institusyong tulad ng National Endowment for Democracy at dumadaloy sa grupong tulad ng “INCITEgov.” Noong 2023, naglaan din ang gubyernong US ng $1.6 bilyon para sa 5-taong programa para sa “propagandang kontra-China”.

Pinapaypayan nila ang Sinophobia o ang pagkamuhi sa lahat ng may kinalaman sa China. Tulad ni Marcos, pinalalabas nilang may banta ng “pananakop” at “agresyon” ng China, subalit tahimik kung papaanong ang Pilipinas ay nanatiling neokolonya ng imperyalismong US. Pinalalabas nila na “maka-China” ang sinumang tumututol sa mga panghihimasok militar ng US sa Pilipinas.

Umaasta ngayon ang mga Duterte na anti-US upang tabunan ang usapin ng korapsyon na dawit ang kanilang pamilya. Hungkag ang astang ito. Nang nasa poder, walang ginawa si Rodrigo Duterte para ipasara ang mga EDCA site at tuluyang ibasura ang VFA at mga kasunduang militar sa US. Pinalaya niya ang sundalong Amerikano na pumatay kay Jennifer Laude. Tahimik ngayon ang mga Duterte sa plano ng US na itayong refuelling depot sa Davao Gulf.

Sa harap ng lumalakas na tulak ng US para mang-upat ng digmaan at kaladkarin o gamitin ang Pilipinas sa panggegera laban sa China, mahigpit ang pangangailangang magkaisa ang sambayanan upang kumilos para sagkaan at labanan ito.

Dapat palakasin ang sigaw ng bayan para lansagin ang lahat ng base militar ng US, alisin ang lahat ng mga misayl ng US sa mga sikretong lokasyon sa Pilipinas, at palayasin ang nanghihimasok na mga pwersang militar ng US sa bansa. Dapat iugnay ang sigaw na ito sa pakikibaka ng sambayanan para makawala sa mga kuko ng imperyalistang mandaragit, kamtin ang kasarinlan at itayo ang bansang malaya at maunlad.

Labanan ang Task Force Philippines ng imperyalistang US