Kalagayan ng mga Pilipinong migrante, lumulubha
Sa nagdaang mga linggo, sunud-sunod ang mga ulat ng kaaba-abang kalagayan ng mga Pilipinong migrante na marahas na tinutugis, inaabuso, dinedeport at pinagkakaitan ng hustisya at mga karapatan. Sa pag-igting ng pandaigdigang krisis sa ekonomya, napagbubuntunan sila ng reklamong pang-aagaw ng trabaho, sinisisi sa implasyon at pagtaas ng tantos ng krimen sa kinalalagyan nilang mga bansa.
Sa Canada, Japan at Korea, mas umigting ang pagtugis sa mga imigrante dulot ng anti-migranteng polisiya at lumalalang kultura ng rasismo at xenophobia.
Sa Taiwan, umabot sa 169 ang naitalang bilang ng biktima ng panggagahasa sa hanay ng mga migranteng manggagawa sa bansa noong nakaraang taon. Nasa 22 sa mga biktima ay Pilipino. Mayorya sa mga biktima ay nagtatrabaho sa pagawaan at bilang domestic helper.
Sa US, 143 Pilipinong marino ang idineport mula nakaraang taon. Noong Setyembre, kinansela ng embahada ng US sa Pilipinas ang aprubado nang mga US visa ng mga marino na paalis pa lamang sa bansa. Tulad sa mga pinadeport na marino, ginamit ng embahada na dahilan ang paratang na kasong child pornography kahit walang ebidensya o imbestigasyong isinagawa.
Sa Thailand, higit isang daang Pilipinong biktima ng “scam-hub trafficking” ang nakarating na sa hangganan ng Myanmar at nangangailangan ng agarang saklolo at kagyat na aksyon.
Sa Kuwait, hilaw na hustisya ang nakamit ng pamilya ni Dafnie Nacalaban, isang domestic helper na pinatay ng kanyang amo. Pinatawan lamang ng 14 na taong pagkakakulong ang naturang amo na mababang sentensya para sa kanyang krimen.
Sa The Netherlands, ipinagkait din ang hustisya sa 11 Pilipinong migranteng manggagawa sa desisyon ng Public Prosecution Service na ibasura ang reklamo nilang human trafficking laban sa Saints and Stars Gym na nakabase sa Amsterdam.
Ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga migrante ay direktang bunga ng labor export policy ng reakyunaryong gubyernong Pilipino. Sinusuhayan ng mga patakarang ito ang migrasyon ng mga manggagawang Pilipino sa halip na tugunan ang problema ng kawalan ng trabaho, nakabubuhay na sahod at disenteng serbisyong sosyal.