Dambuhalang protestang bayan kontra kurakot, inihahanda para sa Nobyembre 30

,

Nakatakdang ilunsad ang isang dambuhalang protesta ng mamamayan kontra korapsyon sa Luneta Park sa Maynila at iba pang bahagi ng bansa sa Nobyembre 30. Pangungunahan ang pagkilos ng bagong tatag na Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) na ibinunga ng protesta ng 100,000 indibidwal sa tinaguriang Baha sa Luneta noong Setyembre 21. Ipapanawagan ng grupo: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”

Ayon sa KBKK, tanging sa pagpapanagot lamang sa lahat ng dawit sa anomalya mawawakasan ang sistemikong korapsyon na pumepeste sa sambayanan. Kabilang sa “lahat” si President Marcos na siyang nagbuo at nag-apruba sa taunang badyet na batbat ng anomalya at si Vice President Duterte na nasasakdal sa paglustay sa daanmilyong confidential and intelligence funds.

Sa buong Nobyembre, linggu-linggong ilulunsad ng mga kaanib ng KBKK ang Black Friday Protest, mga piket at kalampagan sa mga komunidad, unibersidad, pagawaan, palengke at kung saan natitipon ang mamamayan. Pangungunahan rin nito ang mga porum, malalaking pulong at paglaladlad ng mga istrimer para abutin ang mas maraming Pilipino.

Noong Oktubre, sunud-sunod ang naging protesta at mga aktibidad ng mga organisasyon sa ilalim ng KBKK. Nagmartsa mula Liwasang Bonifacio tungong Mendiola sa Maynila ang libu-libong magsasaka, kasama ang ibang demokrating sektor noong Oktubre 21. Panawagan nila ang tunay na reporma sa lupa at pagpapanagot sa rehimeng Marcos sa katiwalian. Nagkarooon din ng mga pagkilos sa Cebu, Bacolod, Davao at Santiago City sa Isabela, at sa mga prubinsya ng Southern Tagalog at Panay. Sumuporta sa mga magsasaka at naglunsad ng “global kalampagan” ang mga migranteng Pilipino mula sa US, Canada, Australia, United Kingdom, Japan, Hong Kong at South Korea.

Noong Oktubre 24 isinagawa ang Black Friday Protest ng Bayan-NCR sa mga syudad ng Maynila, Quezon, Pasig, Taguig, at Valenzuela. May katulad na aktibidad sa Laguna at Albay. Sinugod naman ng mga myembro ng Kalikasan-PNE, People Surge at Kadamay ang compound sa Taguig City kung saan nag-uupisina ang ICI.

Noong Oktubre 27, nagtipon sa San Juan City ang mga obispo, pari at pastor mula sa iba’t ibang denominasyon na nakabase sa National Capital Region para itatag ang Church People Against Corruption. Kinabukasan, nagprotesta ang mga balangay ng Gabriela sa Pambansang Araw ng Protesta ng Kababaihan.

Noong Oktubre 30, nagprotesta ang mga manggagawang pangkalusugan sa Quezon City para kundenahin ang korapsyon, at manawagan ng dagdag sweldo, pagbabayad sa mga benepisyo at karagdagang tauhan sa mga ospital ng gubyerno. Kumilos rin ang mga estudyante sa UP-Tacloban at University of Eastern Philippines sa Northern Samar.

Noong Oktubre 31, muling nagmartsa ang mga grupo sa ilalim ng Bayan sa Mendiola sa Maynila. Inilunsad rin sa araw na iyon ng Concerned Artists of the Philippines ang #StopKorap Halloween Party na may temang “Ghost Projects: The Exorcism!” sa Quezon City. Nagkaroon rin ng Black Friday Protest sa Caloocan at Pasay City, San Pablo City sa Laguna, at sa Cagayan de Oro City.

Pangil ng pasismo

Sa harap ng lumalawak na galit ng mamamayan, tuluy-tuloy ang pagtatangka ng rehimeng Marcos na supilin at sindakin ang kabataan. Noong Nobyembre 3, nag-anunsyo ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na nagsampa ito ng mga kaso sa 97 hindi pinangalanang indibidwal kaugnay ng protesta noong Setyembre 21 na humantong sa marahas na pagsupil ng mga pulis.

Dagdag sa kanila, apat na lider-estudyante mula sa University of the Philippines-Diliman, Polytechnic Uni-versity of the Philippines at De La Salle-College of St. Benilde ang pinadalhan ng PNP-CIDG ng subpoena para ipailalim sa imbestigasyon. Tumanggi ang mga lider-kabataan na humarap sa mga pulis. Isang protesta rin ang idinaos nila noong Oktubre 27 sa hedkwarters ng PNP sa Quezon City para batikusin ang mga subpoena.

Liban dito, sampu sa mga inarestong 270 indibidwal noong Setyembre 21 ang inirekomenda ng prosekyutor sa Maynila na pormal na humarap sa kasong tumult and other disturbances of public order. Samantala, ibinasura ang mga reklamong iligal na asembleya at direct assault na isinampa sa mga inaresto dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.

Dambuhalang protestang bayan kontra kurakot, inihahanda para sa Nobyembre 30