Sa diwa ng kilusang pagwawasto: Pinalalakas ng Kaguma ang hanay ng mga rebolusyonaryong guro
Mapagpasyang pinangingibabawan ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) ang mga kahinaan at kamalian nito sa nagdaang mga taon, sa inspirasyon ng kilusang pagwawasto ng rebolusyonaryong kilusan. Patunay nito ang pagdaraos ng rebolusyonaryong grupo ng mga guro ng kanilang Ika-apat na Pambansang Kongreso noong Oktubre.
Nagtipon ang hindi bababa sa 79 kasapi mula sa mga balangay ng Kaguma mula sa iba’t ibang rehiyon, akademikong institusyon at unibersidad sa sektor ng edukasyon para sa kongreso. Nagkaisa ang mga delegado sa temang “Sulong rebolusyonaryong kilusang guro! Magwasto! Magpalawak! Makibaka! Magtagumpay! Buong kakayahang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba!”
Higit dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang ilunsad ang huling kongreso ng grupo. Ang mga una nitong kongreso ay isinagawa noong 1985, 1987 at 2003. Naitatag ang grupo noong Marso 28, 1971.
“Muling ibangon ang Kaguma, mapangahas na magpalawak at magpalakas sa buong bansa. Puspusang isulong ang mga komprehensibong tungkulin para sa rebolusyon,” ayon sa Pambansang Kalihiman sa ulat nito sa pagsisimula ng kongreso.
Sa pagtitipon, iniulat ng kalihiman ang pagsusuma ng Kaguma sa sariling organisasyon sa nakalipas na dalawang dekada. Tampok dito ang mapagkumbabang pagpupuna sa sarili sa pagbitiw sa batayang prinsipyo ng rebolusyonaryong organisasyon at sa mga pamamaraan nito sa nakalipas na mga taon.
Naipinal at napagkasunduan ng kongreso ang mahahalagang dokumento ng Kaguma kabilang ang oryentasyon, saligang batas at ang tatlong taong taktikal na plano nito. Binalangkas sa kongreso ang anim na resolusyong gagabay sa tuluy-tuloy na pagsulong ng organisasyon.
Naghalal din ang kongreso ng bagong Pambansang Konseho at Pambansang Komiteng Tagapagpaganap na tatayong pamunuan ng organisasyon sa buong bansa. Pinili si Guia Umili bilang tagapangulo at tagapagsalita ng Kaguma.
Binati ng National Democratic Front of the Philippines at ng Partido Komunista ng Pilipinas ang kapasyahan at pagpupursigi ng Kaguma sa pagdaraos ng Ika-apat na Pambansang Kongreso nito.
“Umaasa kami na sa kongresong ito ay makokonsolida ninyo ang inyong hanay, makakahalaw ng mga aral mula sa mga karanasan, at mas matatag na susulong sa pagtupad sa mga tungkulin sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong hanay ng mga guro,” pahayag ni Elias Dipasupil, pangkalahatang kalihim ng NDFP.
Ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP, hindi mapasusubaliang makasaysayan ang nailunsad na kongreso, hindi lamang dahil naidaos ito matapos ang mahabang panahon, kundi dahil tiyak na bungad ito ng bagong panahon ng pagsulong sa mas mataas na antas ng rebolusyonaryong kilusang guro.
Ani Valbuena, ang Kaguma ay nagsisilbing sinag para sa mga guro na nagbibigay ng liwanag sa landas na dapat nilang bagtasin para makamit ang hangarin nila at ng buong bayan. “Sa inyong pagpupunyagi, binibigyan ninyo ng inspirasyon ang mga guro para tumanaw lagpas sa kasalukuyang mga kahirapan, at makiisa sa pakikibaka ng mas malawak na sambayanan para ganap na baguhin ang kaayusang panlipunan,” mensahe niya sa Kaguma.
Sa pagtatapos ng kongreso, sama-samang muling sumumpa ang mga kasapi at mga bagong halal na pamunuan na sinundan ng pangwakas na pananalita ng tagapangulo. Sa kanyang talumpati, kinilala at pinarangalan ng tagapangulong si Umili ang mga martir ng sektor at ng sambayanan. “Silang nag-alay at nagbuwis ng buong buhay para sa rebolusyon. Pagpugayan natin ang mga kasamahan nating nasa kanayunan, at tumatangan ng mataas na uri ng pakikibaka,” aniya.
Nag-iwan din ng hamon sa mga delegado ng kongreso si Umili: “Nawa’y patuloy na lumakas ang ugnayan ng ating rebolusyonaryong teorya at praktika; nawa’y ang mga dokumento’t mga pag-aaral ay hindi maging tigil na kaalamang nakaimbak lamang sa ating mga isipan kundi maging gabay sa pagpapaunlad ng ating pagkilos; at ang ating pagkilos nama’y itulak tungo sa mas mataas na antas ang ating rebolusyonaryong teorya.”