North Caloocan, inaatake ng 12th CMO at NTF-Elcac

,

Isang buwan nang nililigalig ng 12th Civil Military Operation (CMO) Battalion at NTF-Elcac ang mga residente ng North Caloocan. Kaliwa’t kanan ang ginawa nitong Red-tagging, paniniktik at panggigipit laluna sa mga myembro ng progresibong organisasyon sa mga barangay.

Unang nadeploy ang batalyon sa Barangay 181-182, Pangarap Village noong Oktubre 3 sa tabing ng Community Support Program. Plano ng militar sa supilin ang paglaban ng mamamayan na kumakaharap sa banta ng demolisyon mula sa pamilyang Araneta.

Nagsimulang magkampo ang 12th CMO sa pangunguna ni 2nd Lt. Julie San Jose sa likuran ng covered court ng Barangay 175, Camarin noong Oktubre 6, sa tabing ng kapayapaan at katiwasayan. Dito na nagpokus ng operasyon ang batalyon. Pagkalipas ng ilang araw ay sinaklaw ng kanilang operasyon ang Barangay 187-188 Tala.

Noong Oktubre 28, pinasok ang upisina ng Gabriela-Caloocan ng nagpakilalang mga pulis. Nagdeklara ang mga ito na may dalang warrant of arrest pero walang naipakitang dokumento. Sa parehong araw, ipinatawag ng militar at kapitan ng barangay ang mga myembro ng Gabriela-Matarik sa barangay hall kung saan pinaratangan silang rekruter ng rebolusyonaryong organisasyon.

Ginamit din ng NTF-Elcac ang asembliya ng barangay noong Oktubre 18 upang magpalaganap ng maling impormasyon at i-Red-tag ang mga organisasyong masa. Lantaran ang paniniktik ng militar sa mga kilos protesta laban sa korapsyon ng mga progresibong grupo, na inilunsad sa Camarin Kiko Palengke at sa UCC Congressional Village noong Oktubre 10 at 17.

Nangangamba ang Defend Caloocan na muling pipilitin ng militar ang mga myembro ng progresibong grupo at ang mga residente na “magbalik-loob” tulad ng ginawa ng 12th CMO sa United Vendors Alliance noong 2024.

Ang militarisasyong nagaganap sa North Caloocan ay nakaayon sa balangkas ng National Action Plan for Unity, Peace and Development. Ayon sa programang Capacitating Urban Communities for Peace and Development na pinangungunahan ng Department of the Interior and Local Government, isinasailalim ang mga komunidad sa kalunsuran na may nakatayong makabayang organisasyon sa operasyong sarbeylans, panggigipit at panunupil ng PNP at AFP.

North Caloocan, inaatake ng 12th CMO at NTF-Elcac