Panghihimasok ng NTF-Elcac sa mga unibersidad, binibigo ng mga estudyante

,

Mulat at militanteng binibigo ng mga kabataan at estudyante ang tangkang panghihimasok ng National Task Force-Elcac at mga bayarang traydor sa rebolusyonaryong kilusan sa mga unibersidad sa tabing ng mga “porum” at “akademikong talakayan.”

Sa UP Mindanao, nag-walkout ang mga lider-estudyante sa kampus sa porum ng TAGBO 2025 noong Oktubre 26 dahil sa pagsingit at pagsasalita ni Arian Ramos, traydor sa rebolusyonaryong kilusan at isa sa pinakapusakal na tagapagtanggol ng NTF-Elcac at Armed Forces of the Philippines. Si Ramos, sampu ng kanyang kaparehong mga traydor, ang nangunguna sa Red-tagging ng lehitimong mga organisasyong estudyante at kanilang mga lider. Nagdala pa si Ramos ng “bodyguard” na ahenteng paniktik na nagdulot ng matinding pangamba sa mga estudyante.

Pinuri ng Council of Student Leaders ng unibersidad ang ginawang pag-walkout ng mga estudyante. Tinuligsa rin nila ang administrasyon ng UP Mindanao na nagpahintulot sa pangyayari na anila’y hindi isang “isolated” na insidente. Anila, salamin ito ng mga “kahinaan sa institusyon” na dati na nilang tinuligsa. Higit 30 organisasyong pang-estudyante ng UP Mindanao ang pumirma sa pahayag ng CSL.

Sa UST, napaatras ng kolektibong pagkundena ng mga estudyante ang sana’y partisipasyon ng NTF-Elcac sa porum na “Preventing Terror Grooming: The Philippine Experience.” Ayon sa mga progresibong grupo sa kampus, ang pag-imbita sa ahensya ay pagyurak sa dangal ng pamantasan at sa mga Tomasinong ipinaglalaban ang katotohanan.

Noong Nobyembre 5, nagsagawa ng protesta ang mga estudyante sa kampus bilang pagrerehistro ng pagbatikos sa NTF-Elcac at sa porum. Bagaman napaatras ang NTF-Elcac, nagsilbi pa ring panauhin at tagapagsalita sa porum noong Nobyembre 6 ang kinatawan ng National Security Council at traydor na si Arian Ramos. Nakipagdebate sa kanila at nanindigan kontra Red-tagging ang isang aktibista sa UST.

Panghihimasok ng NTF-Elcac sa mga unibersidad, binibigo ng mga estudyante