Mga protesta

,

 

Piket kontra taas-singil sa tubig. Nagpiket ang Bayan-Panay sa upisina ng Metro Iloilo Water District sa Iloilo City noong Oktubre 20 para batikusin ang nakatakdang pagtaas ng singil sa tubig. Magtataas ng singil ang Metro Pacific Iloilo Water nang 26% tungong ₱25.2 kada cubic meter sa Nobyembre at magiging ₱28.67 kada cubic meter sa Marso 2026, mula sa kasalukuyang ₱20 kada cubic meter.

NCIP sa Pampanga, kinalampag ng mga Ayta. Nagtungo sa upisina ng NCIP Regional Office sa San Fernando, Pampanga noong Oktubre 23 ang mga katutubong Ayta at iba pang mga sektor. Nagpahayag sila ng pagtutol sa mga proyektong nangangamkam sa kanilang lupang ninuno tulad ng mga operasyong kwari, mina, mga golf course at solar farm. Bago ang pagkilos, itinatag ng mga Ayta ang kanilang organisasyon na Mansaway at ang Pamilalamu, samahan ng mga katutubo at simbahan.

Mga kabataang Mindanaoan para sa Palestine. Naglunsad ng pagkilos ang mga estudyante sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology sa Iligan City at University of Science and Technology of Southern Philippines sa Cagayan de Oro City noong huling linggo ng Oktubre bilang pakikiisa sa mamamayang Palestino. Binatikos nila ang henosidyo ng Zionistang Israel at ng imperyalistang US laban sa mga Palestino sa Gaza.

Pagtutol sa pribatisasyon sa palengke sa Baguio City. Kumilos ang mga residente ng Baguio City noong Oktubre 26 para tutulan ang pribatisasyon o tinawag nilang “mallification” ng SM Prime Holdings at lokal na gubyerno sa pampublikong palengke sa syudad. Naglunsad ng iba’t ibang tipo ng aktibidad ang mga grupo bilang panawagan para sa inklusibo at nakasentro sa komunidad na pag-unlad sa syudad.

Mga protesta