Paglabag sa karapatang-tao sa Panay at Negros, nagpapatuloy
Patuloy na tinatarget ng militar at pulis ang mga magsasaka sa isla ng Panay at Negros sa nagdaang mga linggo para sindakin ang mga komunidad at maghasik ng terorismo.
Sa Negros Occidental, pinatay ng militar ang babaeng magsasaka na si Joan Escuadro noong Nobyembre 3 ng gabi. Pinasok ng mga ahente ng militar ang kanyang bahay at malapitan siyang binaril.
Sa Bago City, patuloy ang panggigipit ng pulis ng Negros Occidental District Jail-Male Dormitory sa mga bilanggong pulitikal at lider na lumaban sa pang-aabuso ng napatalsik ngunit nakabalik sa poder na si warden Maj. Crisysrel Awe. Arbitraryong ibinartolina si Lorenzo Perolino simula Oktubre 26 ng hapon.
Sa Iloilo City, inaresto ng mga pulis ang 67 taong gulang na si “Mayok” sa Barangay Buntatala, Jaro noong Nobyembre 3. Sinampahan siya ng patung-patong na mga kasong kriminal at pinararatangan na mataas na upisyal ng rebolusyonaryong kilusan. Mayroon siyang patong sa ulo na ₱2.55 milyon.
Samantala, inaresto ng mga pulis at militar ang organisador ng magsasaka at katutubo na si Marlene Espiritu habang bumabyahe sa Mabalacat City, Pampanga noong Nobyembre 1. Pinararatangan siyang mataas na upisyal ng BHB sa Central Luzon at sinampahan ng limang kasong kriminal.
Sa Davao City, pinatawan ng 30-araw na suspensyon ng Ombudsman noong Oktubre 20 ang kapitan ng Barangay Bucana 76-A na si Robert Olanolan dahil sa kanyang paglaban sa demolisyon sa Kabacan at Times Beach mula pa Enero 2024. Kumakaharap si Olanolan ng reklamong grave abuse na isinampa ng DMCI na balak magtayo ng negosyo sa lugar.