Isla ng Leyte, sinalanta ng militarisasyon ng 802nd IB
Simula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, hindi bababa sa 99 na barangay at 15 munisipalidad sa isla ng Leyte ang sinalanta ng operasyong kombat ng 802nd IB. Katuwang nito sa operasyon ang 14th IB, 93rd IB, 8th CMO Battalion at pulis.
Sa prubinsya ng Leyte, nasa 10 bayan ang sinaklaw ng operasyong kombat, kabilang ang Baybay City, na noong Pebrero ay ikinategoryang Stable Internal Peace and Security Condition (SIPSC) para palabasin na wala nang pwersa ang hukbong bayan sa lugar. Noong Setyembre, ipinailalim sa hamlet ang Barangay Caraye sa Javier, at barangay Igang at Hilapnitan sa Baybay City.
Sa Southern Leyte, limang bayan ang militarisado, kabilang ang Saint Bernard na ikinategorya ring SIPSC noong Marso.
Ayon sa mga residente, tuwing nasa baryo ang militar ay tuluy-tuloy ang pananakot ng mga ito. Sapilitan silang pinauuwi nang maaga mula sa kanilang mga sakahan. Pinagbabantaan silang aarestuhin at ikukulong kung magbibigay ng tulong sa hukbo. Pinasuko rin ng militar ang mga baril na ginagamit ng mga residente sa pangangaso.
Isa sa pinakahuling krimen ng militar sa isla ang pagdakip sa magsasakang si “Loloy” na taga-barangay Masuganao, Mahaplag, Leyte. Pinararatangan siyang myembro ng Bagong Hukbong Bayan.