5,500 estudyante, nag-walkout sa Baguio City

,

Sabay-sabay na nag-walkout ang nasa 5,500 estudyante mula sa Benguet State University, Saint Louis University- Maryheights Campus at Main Campus, University of the Philippines-Baguio, at University of the Cordilleras, University of Baguio noong Nobyembre 18. Ang walkout ay bahagi ng paggunita sa International Students’ Day noong Nobyembre 17.

Naglunsad ng programa ang mga kabataang estudyante sa kani-kanilang unibersidad, saka nagmartsa patungo sa Malcolm Square para sa isang sentralisadong programa. Kinundena ng mga kabataan ang malawakang korapsyon sa gubyerno at nagpapatuloy na kawalan ng pananagutan at hustisya. Nanawagan din sila para sa dagdag na badyet sa edukasyon at kinundena ang “mallification” o pribatisasyon ng pampublikong palengke ng Baguio at pagmimina ng mga dayuhang kumpanya sa kabundukan ng Mankayan.

Liban sa walkout sa Baguio City, naglunsad din ng makasaysayang walkout ang 400 estudyante ng University of Eastern Philippines sa Northern Samar noong Nobyembre 17.

Sa Maynila, daan-daang kabataan, sa pangunguna ng Youth Rage Against Corruption (YRAC), ang nagmartsa tungong Mendiola. Nagkaroon rin ng mga aktibidad at protesta ang mga kabataan sa Tarlac, Pampanga, Laguna at Quezon, sa mga syudad ng Cebu, Iloilo, Tacloban at Davao. Samantala, binatikos ng mga grupo ang sunud-sunod na mga bomb threat sa mga unibersidad at eskwelahan sa tangkang idiskaril ang kanilang mga protesta.

Sa Nobyembre 21, nakatakdang ilunsad ng mga grupo ng kabataan at estudyante ang isang pambansang araw ng walkout at pagkilos. Nanindigan ang mga estudyante na patuloy silang kikilos hangga’t walang napapanagot at hindi napapaalis sa pwesto sina Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte. Lalahok sila sa Baha sa Luneta 2.0 sa Nobyembre 30.

5,500 estudyante, nag-walkout sa Baguio City