Umaabot ang balita ng digmang bayan ng Pilipinas hanggang France

,

Kada dalawang linggo, nagtitipun-tipon ang mga myembro ng Committee to Support the Revolution in the Philippines (CSRP), alyado ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) sa France, para magtalakay ng isyu ng Ang Bayan (AB). Bahagi ito ng regular na programa ng CSRP para pag-aralan at palaganapin ang mga nakamit at pagsulong ng digmang bayan sa Pilipinas.

Ayon sa Balita from FFPS, pahayagang masa ng grupo, naging kalakaran na ng CSRP ang pumili ng mahahalagang artikulo sa AB at pagtatalaga sa mga magtatalakay rito. Bahagi ng paghahanda para sa pag-aaral ang pagsasalin ng mga napiling artikulo sa wikang French.

“Mayroong iba’t ibang paraan ang mga kasama para maghanda sa pag-aaral sa isang artikulo,” pahayag ni Ka Isaak ng CSRP. Aniya, noong una ay nakatutok lamang ang mga myembro sa simpleng pagsasalin sa artikulo ngunit kalaunan ay mas naging komportable na sila at nakapagbibigay na ng karagdagang mga konteksto at impormasyon.

“Halimbawa, nagpapakita sila ng mapa para tukuyin ang lokasyon ng ilang mga syudad at prubinsya, nagbibigay ng dagdag na detalye sa buhay ng isang martir, o ipaliliwanag ang kasaysayan ng isang organisasyon,” ayon kay Ka Isaak.

Nakita ng CSRP ang positibong epekto ng kanilang regular na talakayan. Tumaas ang kumpyansa ng mga myembro nila na talakayin sa publiko ang rebolusyong Pilipino at higit silang nahihikayat na makibahagi sa gawain sa internasyunal na pakikipagkapatiran.

“Ang AB ay higit sa isang instrumento ng pagmumulat. Ang ilan sa mga nakikibahagi sa talakayan ay sumali na sa CSRP, at ngayon ay lumalahok na sa aming mga mobilisasyon,” ayon kay Ka Isaak. Nagwawagayway na sila ng mga bandila ng FFPS at ng National Democratic Front of the Philippines at nagpahayag ng kahandaang suportahan ang rebolusyong Pilipino, aniya.

Umaabot ang balita ng digmang bayan ng Pilipinas hanggang France