US, tusong pinaiigting ang panghihimasok sa gitna ng mga sakuna

,

Habang lubog sa baha ang mamamayang Pilipino, abala ang US sa pagpapaigting ng interbensyong militar nito sa bansa. Katuwang ang tuta nitong Armed Forces of the Philippines (AFP), ginamit nitong tabing ang HADR (humanitarian assistance and disaster response) para tuluy-tuloy na makapaglunsad ng war games at iba pang aktibidad militar.

Nananatili ang mga tropang Australian, isang mayor na alyado ng US sa Pacific, sa isla ng Panay sa kasagsagan ng Bagyong Tino. Tinapos nito ang 1-buwang war games na Kasangga: 2025-02 noong Nobyembre 7 sa Camp Peralta sa Camindan, Capiz.

Sa kasagsagan ng Bagyong Uwan, lumitaw ang presensya ng mga pwersang Amerikano sa Hilagang Luzon kung saan inilulunsad din ang 10-araw na Joint Exercise (AJEX) Dagat, Langit at Lupa (DAGITPA) ng AFP. Hindi lantarang kalahok ang US sa pagsasanay na ito. Gayunpaman, bahagi ang pagsasanay sa isinusulong ng US na paghahanda at paghahamon ng gera sa karibal nitong imperyalistang China. Mismong ang hepe ng AFP ang nagdeklarang paghahanda ito sakaling “salakayin ang Taiwan.” Napilitan ang AFP na pansamantalang itigil ang pagsasanay para magsagawa ng HADR, kasama ang mga tropa ng US, sa ilang bahagi sa Luzon.

Nanatili rin ang mga barkong pandigma ng US sa teritoryong pandagat ng Pilipinas sa panahong ito. Noong Nobyembre 14-15, inilunsad nito ang ika-13 Multilateral Maritime Cooperative Activity, kasama ang Japan, at sa unang pagkakataon, ang Philippine Navy. Nakipaggirian ang mga ito sa mga barkong Chinese malapit sa Scarborough Shoal.

Sa Alamada, North Cotabato, inilunsad ang isang di isinapublikong pagsasanay militar noong Nobyembre 11-14. Sa mga araw na ito, tiniis ng mga residente ang maghapong walang tigil na pagpapaputok ng iba’t ibang klaseng armas. Inulat nila ang presensya ng mga dayuhang tropa na nagsilbing mga instruktor sa pagsasanay ng mga maniobrang kombat sa kanilang mga sakahan at sityo.

US, tusong pinaiigting ang panghihimasok sa gitna ng mga sakuna