Mga protesta

,

 

Paglibing kay Enrile sa Libingan ng mga Bayani, tinutulan. Puu-puong organisasyon at indibidwal ang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa pakanang paglilibing kay Juan Ponce Enrile sa Libingan ng mga Bayani sa Nobyembre 22. Si Enrile ang kinamumuhiang arkitekto ng batas militar, mamamatay-tao at mandarambong ng kalikasan at kaban ng bayan. Namatay siya noong Nobyembre 13 sa edad na 101.

Protesta laban sa iligal na tanggalan sa Calabarzon. Nagprotesta ang mga manggagawa mula sa Pamantik-KMU sa tapat ng National Labor Relation Commission sa Calabarzon noong Nobyembre 17. Isinabay nila ito sa pagdinig ng ahensya sa mga kaso ng iligal na tanggalan sa Lazada, Shopee, at Coke.

Tumuloy ang grupo sa tanggapan ng DPWH IV-A para kundenahin ang malawakang korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Silent protest ng kaguruan at mga empleyado sa CEU. Sa nagdaang mga linggo, nagkabit ang mga guro at empleyado ng Centro Escolar University Faculty and Allied Workers Union sa kanilang mga damit ng mga panawagan para sa disenteng dagdag sweldo, pagsusulong ng collective bargaining agreement (CBA) at iba pang karapatan ng mga guro at empleyado. Tugon ito ng unyon sa pagtanggi ng administrasyon na itaguyod ang isang makabuluhang CBA para sa 2025-2030.

Pagkilos laban sa COP30. Nagmartsa ang mga grupong anti-imperyalista mula Kalaw Avenue tungong embahada ng US sa Maynila noong Nobyembre 15 bilang pakikiisa sa Global Day of Action for Climate Justice. Bahagi ang pagkilos ng internasyunal na kampanya laban sa 30th Conference of the Parties o COP30 na ginaganap sa Belem, Brasil. Ang COP30 ay pagpupulong ng mga bansang nangakong kikilos sa harap ng climate change.

Mga protesta