Editoryal

Pandayin ang lakas ng sambayanan sa gitna ng masidhing pampulitikang krisis ng rehimeng US-Marcos

, ,

Niyayanig ng masidhing krisis pampulitika ang rehimeng Marcos. Ito ay kasunod ng pagbubunyag ng dati niyang alyado at utusan sa kongreso na si Marcos mismo ang nasa tuktok ng malaking burukrata kapitalistang sindikato sa gubyerno na kumukolekta ng kikbak at suhol sa daan-daan bilyong pisong mga proyektong imprastruktura. Hindi ikinagulat ng taumbayan ang pagbubunyag na ito, pero lalo nitong ginatungan ang kanilang nag-aalab na galit sa engrandeng iskema ng korapsyon at pagnanakaw ni Marcos sa pondo ng bayan.

Dahil siya ang inipit at inilalaglag ni Marcos, nagsalita si dating kongresman Zaldy Co na mismong si Marcos ang nag-utos sa kanya, bilang pinuno ng komite sa badyet sa kongreso, na magsingit ng ₱100-bilyong proyekto sa badyet ng 2025. Ibinunyag niyang siya mismo ang nagdala ng male-maletang kikbak sa bahay ni Marcos at sa Malacañang.

Katugma at katulad ito sa naunang testimonya sa senado ni Roberto Bernardo, dating mataas na upisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na bilyun-bilyong pisong kikbak sa mga proyektong pang-imprastruktura ang dineliber niya sa mga susing upisal ng Malacañang.

Sinakyan ng mga lider ng Iglesia ni Cristo ang malawak na kilusang protesta laban sa korapsyon. Hinakot sa Luneta ang mga mananampalataya nito para magpakitang-gilas at balaan si Marcos na huwag iipitin ang mga negosyo nitong nalantad na kasosyo ng mga Discaya sa maaanomalyang proyekto. Sumakay din ang mga Duterte at ibang naka-aalyado nitong pangkating anti-Marcos para magpakana ng rali sa tangkang mag-udyok sa mga upisyal militar na talikuran si Marcos.

Sa desperadong tangka na linisin ang putikang mukha ni Marcos, pinalalabas ngayong wala siyang alam sa bilyun-bilyong pisong kikbak na dinadala sa palasyo, at na ginamit lamang ang kanyang pangalan ng malalapit niyang upisyal. Sa taranta, karakarakang tinanggal ang pinakamataas na upisyal ng gabinete, kalihim sa badyet at ilang susing upisyal, bagay na nagdaragdag at nagpapalalim sa mga lamat sa pangkating Marcos.

Nagkakandarapa ngayon ang Malacanang na itago ang bundok ng salaping kinurakot ni Marcos sa pondo ng bayan. Katuwang niya ang ilang grupong tulad ng Akbayan na umaastang anti-korapsyon pero nagsasanggalang sa kanya sa pamamagitan ng pagkwestyon sa pagbubunyag na mismong siya’y sangkot at nasa tuktok ng pangungurakot. Ipinapanakot nila ang posibilidad na humalili ang kasimbulok na si Sara Duterte para sagkaan ang panawagan ng taumbayan na wakasan ang rehimeng US-Marcos.

Nakatunghay ang imperyalistang amo ni Marcos. Sa pamamagitan ng kontrol nito sa AFP, patuloy na nananatiling buo ang suporta ng US kay Marcos. Dala nito ang linya na pakana ng China ang “destablisasyon” laban kay Marcos. Gayunman, nakahanda itong ilipat ang suporta sa ibang paksyon na patuloy na magtataguyod sa interes sa ekonomya, pulitika at militar ng US sa bansa. Mahigpit itong naka-ugnay at nagbibigay ng pondo sa grupong Akbayan bilang reserbang kabayo nito, kahit pa nananatiling opsyon na iupo ang paksyong mas militarista, laluna para tuwirang supilin ang lumalakas na progresibo at makabayang kilusang masa.

Hindi tumitigil ang agos ng mga protestang anti-korapsyon. Patuloy ang mga walkout at kilos protesta ng mga kabataang estudyante sa iba’t ibang panig ng bansa. Umuusbong ang malawak na pagkilos ng mga manggagawa, mga maralitang komunidad, at ng iba’t ibang demokratikong uri at sektor. Pasistang karahasan at pananakot ang isinasalubong ng rehimeng Marcos para busalan ang lumalakas na boses ng taumbayan.

Sa Nobyembre 30, araw ng paggunita kay Andres Bonifacio, bayani ng Pilipinong anakpawis, inaasahan ang pagbaha muli ng taumbayan sa Luneta at iba’t ibang panig ng bansa para ipamalas ang galit sa korapsyon. Alinsunod sa panawagang papanagutin ang lahat ng sangkot sa korapsyon, palakas nang palakas ang sigaw ng taumbayan para patalsikin o papagbitiwin si Marcos at Duterte.

Lumalaganap ngayon ang panawagan para itatag ang isang “transition council” o konsehong pang-transisyon, na mamamahala sa estado at maghahanda ng proseso sa pagtatayo ng bagong gubyerno. Salamin ito ng malalim na pagkadismaya at kawalan ng tiwala ng malawak na mamamayan sa mga prosesong ligal ng naghaharing estado at sa mga halal na upisyal ng gubyerno. Habang nagtatagal ang krisis ng naghaharing sistema sa ilalim ni Marcos, tiyak na lalakas ang konsensus para dito ng iba’t ibang saray ng lipunang Pilipino.

Iluluwal at ihuhugis ang potensyal na konsehong ito ng proseso ng pagpapatalsik sa rehimeng US-Marcos. Kung matamo, magiging bagong larangan ito ng labanan para sa hinahangad na mga pagbabago. Dapat igiit ng taumbayan ang demokratikong pagkatawan laban sa dominasyon dito ng mga naghaharing uri. Ang lakas ng demokratikong mga sektor na ipinupundar sa kilusang kontra-korapsyon at burukratang kapitalismo ay magiging puhunan sa mga labanan sa hinaharap.

Napakahalaga, kung gayon, na palakasin ng sambayanang Pilipino ang kanilang organisadong hanay at ang malawak na kilusang protesta para patalsikin sina Marcos at Duterte. Krusyal ang ilang ulit pang pagsigla at paglawak ng paglahok ng masang manggagawa, maralitang-lunsod at magsasaka sa kanayunan, na silang dumaranas ng pinakamasahol na hambalos ng korapsyon. Ito ang tiyak na yayanig sa paghahari ni Marcos. Malaki ang hamon sa mga estudyante na magtungo sa mga pabrika, komunidad at kanayunan, upang tumulong sa pagpukaw at pagpapakilos sa milyun-milyong mamamayan.

Itaas ang kamulatan ng mamamayan tungkol sa maka-uring pagsusuri sa malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa Pilipinas. Kailangang palalimin ang pangkasaysayang kaalaman tungkol sa paglaban ng bayan sa bulok na reaksyunaryong estado, at pangangailangan para sa rebolusyonaryong pakikibaka para ganap na baguhin ang sistema.

Sadyang napakainam ng sitwasyon para sa Partido at mga rebolusyonaryong pwersa. Dapat sunggaban ang pagkakataon para palakasin ang Partido at ang katuwang nitong mga lihim na organisasyong masa, upang magsilbing bakal na ubod at matatag na balangkas sa matagalang pakikibaka. Dapat palakasin ang panawagang magtungo sa kanayunan upang doon patuloy na ipundar ang organisado at armadong lakas ng taumbayan, at itanim ang binhi ng gubyerno ng bayan at ng malaya at demokratikong kaayusan.

Pandayin ang lakas ng sambayanan sa gitna ng masidhing pampulitikang krisis ng rehimeng US-Marcos