Depensa sa lupa at pakikibakang anti-pyudal sa Isabela
Sa harap ng maraming hamon, nagpapatuloy ang apat na laban ng mga magbubukid para sa kanilang karapatan sa lupa sa Isabela. Mula 2019, naglunsad sila ng mga kampuhan, bungkalan, mga dayalogo, petisyon at komprontasyon laban sa panginoong maylupa at mga ahensya ng gubyerno.
Sa sentral na Isabela, dalawang komunidad ng mga magsasaka ang lumalaban para sa kanilang karapatan sa homestead. Ang erya ay kinakamkam para maging bahagi ng mas malawak na agro-industrial zone na ginagamit para sa malalaking poultry, bodega, plantasyon ng melon, tubo at iba pa.
Isa sa mga eryang ito ang mahigit 20 ektaryang homestead na palayan, maisan at melonan na binubungkal ng 20 pamilya. Higit 40 taon nang dating tenante na naging benepisyaryo ng repormang agraryo ang mga pamilya. Sa sama-samang pagkilos, nabawi nila ang inagaw na mga sakahan, napatigil ang pagbebenta sa lupa, at napahinto ang paniningil sa upa. Napahinto rin nila ang panliligalig at pagbabahay-bahay ng mga pulis at militar.
Sa isa pang bayan, lumalaban ang mga magsasaka para mahigit 20 ektaryang homestead na palayan, maisan at gulayan. Binubungkal ang lupa ng 17 pamilyang magsasaka na 50 taon nang tenante sa lugar. Noong 2021, biglang nagpakita sa lugar ang kamag-anak ng panginoong maylupa na may dalang peke na “reconstituted” o muling binuong titulo at inaagaw ang lupa. Mula noon ay aktibong lumalaban ang mga magbubukid para sa kanilang karapatan sa lupa, sa kabila ng panunupil at paglabag sa karapatang-tao.
Sa timog Isabela, patuloy ang pagtatanggol ng mga magsasaka sa kanilang karapatang magbungkal sa dalawang erya. Nakapananatili ang mga magsasakang inaagawan ng lupa at disimuladong nakapagbubungkal para sa kanilang konsumo at kabuhayan sa kinakamkam na halos 70 ektaryang lupa ng isang kumpanya sa pagmimina. Sa isa pang bayan, nilalabanan ng mga magbubukid ang pag-angkin sa 50 ektaryang lupa sa tabing ng National Greening Program ng gubyerno.
Susi ang pampulitikang pag-aaral sa pagpapataas ng militansya
Sa nagdaang anim na taon, malaki ang naging papel ng mga pampulitikang pag-aaral para itaas ang militansya at patibayin ang loob ng mga magbubukid sa kanilang paglaban. Naging epektibo itong pananggalang sa bagsik ng mga panginoong maylupa at pwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Sa apat na kampanya sa Isabela, tinitiyak ang pagbibigay ng mga pampulitikang pag-aaral sa iba’t ibang yugto ng pagkilos ng mga magbubukid. Iniangkop nila ang mga talakayan sa partikular na kalagayan, pihit ng sitwasyon at ilulunsad na kolektibong pagkilos.
Binuo at pinag-aralan nila ang kampanyang papel kaugnay ng pangangamkam sa lupa na kinahaharap. Pinag-aralan ang ligal na katayuan ng mga magbubukid, ang kasaysayan ng lupa at ang karapatan nila rito. Iniugnay nila ito sa pangkalahatang pakikibaka ng uring magsasaka sa pagtatalakay sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.
Kasabay ng pagkakatatag sa mga samahang magsasaka, tinalakay ang oryentasyon ng kanilang mga organisasyon. Nakapagtalakay rin sila hinggil sa isyu ng labis-labis na importasyon ng bigas, pagtatayo ng base militar ng US sa rehiyon sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement at iba pang isyung pambayan sa tuwing lalahok sa mga rali.
Pormal din silang nag-aaral ng Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino at Espesyal na Kursong Masa. Sa paglalim ng rebolusyonaryong kamulatan, tinalakay nila ang rebolusyonaryong oryentasyon at tungkulin ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid. Sa ilang pagkakataon, nagtalakay din sila ng Ang Bayan.
Naging tampok din ang pag-aaral ng mga magbubukid sa kalagayan sa karapatang-tao at paglaban sa kampanyang pagpapasuko ng mga pulis, militar at National Task Force-Elcac. Ginamit nila itong pansalag sa walang tigil na pag-atake sa kanilang pagkakaisa at tangkang idiskaril ang kanilang laban sa lupa. Nanindigan ang mga komunidad laban sa paninindak at panlalansi ng mga traydor na “dating rebelde.”
“Kailangang ipagpatuloy ang [mga pag-aaral] sa iba pang mga myembro nila lalo at nagiging mas marahas at mahirap ang lokal na pakikibakang nila sa lupa,” ayon sa ulat ng mga organisador.