Delubyo ng korapsyon at pang-aapi sa uring manggagawa tuwing sakuna

,

Tuwing nalulubog sa baha ang mga komunidad at kalsada, doble ang tama sa uring manggagawa. Madalas, sila ang nakatira sa mabababa at bahaing bahagi ng mga syudad kung saan itinayo ang palpak at palabigasang mga proyektong flood control. Hindi lamang napipinsala ang kanilang mga bahay at komunidad, nawawalan din sila ng kita, nasasadlak sa di ligtas na mga kundisyon sa paggagawa at nanganganib matanggal sa trabaho.

Pinakamatindi ang pinsala sa mga manggagawang mababa ang sahod, mga kontraktwal, “self-employed,” at iba pang sa aktwal ay walang trabaho at mala-proletaryado. Sila ang mga “no work-no pay,” halos walang benepisyo at wala o kakarampot na impok.

Isa rito si Carl na mag-isang nagtataguyod sa kanyang pamilya. Binaha ang kanyang bahay noong tumama ang bagyong Tino sa Cebu. Isang linggo matapos manalasa ang bagyo, silang magkakapatid ay hindi pa rin nakababalik sa trabaho dahil sa pag-asikaso sa kanilang nasirang tirahan. Ubos na ang kanyang sahod. Ubos na rin ang 13th month pay na maagang ipinamahagi ng kanyang amo para sana sa Pasko.

Galit siya sa kalagayang kinailangan niyang kumuha ng panggastos mula sa pinaghirapan niyang impok habang walang napapanagot sa mga kurakot. “Ang hirap maging biktima ng korapsyon,” aniya. “Hindi lang ito pagnanakaw ng pera, pagnanakaw din ito ng oras at dignidad (naming mga manggagawa).”

Sa Balamban, Cebu, ligtas sa baha ang shipyard ng Austal Limited, isang kumpanyang Australian na nag-eempleyo ng 1,500 Pilipino. Pero mahigit 40% ng mga manggagawa nito ang lumiban sa trabaho. Isa rito ang welder na si Rico na nakatira sa bahagi ng Mandaue City na buong nabura nang masira ang dike at rumagasa ang tubig-baha mula sa Butuanon River.

“Tuyo ang shipyard pero lubog sa baha ang aming baryo,” aniya. Binigyan siya ng emergency leave, pero walang bayad. Sa apat na araw siyang nakaliban, nawalan siya ng ₱2,000 kita. Wala siyang natanggap na tulong para sa rehabilitasyon mula sa Austal at sa gubyerno.

Pwersahang pagpapatrabaho sa gitna ng kalamidad

Iniulat ng BPO Industry Employees Network (BIEN) na sa kasagsagan ng mga bagyong Tino at Uwan, pinwersa ng di bababa sa 98 kumpanyang BPO ang kanilang mga empleyado na pumasok sa trabaho.

“Sinabihan kaming pumasok at kung hindi ay babawasan ang bayad sa amin,” salaysay ng isa sa mga call center agent sa Metro Manila. Lumusong siya sa baha, sumakay ng dyip na nasiraan sa gitna ng byahe. “Hindi ako umabot sa shift kaya pinadalhan ako ng warning sa email.”

“Tawa-iyak” na lamang ang isa pang empleyado na pinilit mag-work-from-home sa gitna ng malawakang brown-out. “Tatlong araw akong walang nagawa at walang kita,” aniya. Kinailangan niyang mag-obertaym nang walang bayad para mahabol ang kanyang kota.

Sa Bulacan, 200 kababaihang manggagawa ang pinilit na pumasok noong Nobyembre 11 para sa “11-11 sale” o araw na may diskwento ang mga kumpanyang nagbebenta sa internet. Tulad sa iba, lumusong sila sa baha para marating ang pinagtatrabahuang bodega.

“Nakakagalit ang mga ganitong kwento ng paghihirap sa oras ng matinding sakuna,” ayon sa Kilusan ng Manggagawang Kababaihan. “(I)nuuna (pa) ng malalaking kumpanya ang malaking tubo kaysa sa kaligtasan ng kanilang mga manggagawa.”

Ang Bulacan ang sentro ng iskandalo ng maanomalyang mga proyektong flood control, pangalawa ang Cebu.

Protestang “umahon sa baha at korapsyon”

Noong Nobyembre 14, inilunsad ng Kilusang Mayo Uno at di bababa sa 10 unyon ang “protestang umahon mula sa krisis ng baha at korapsyon.” Lumahok dito ang mga manggagawa ng Nexperia, Wyeth, Vanson Paper, Regan, Himmel, PLDT, Kowloon House, 4E Builders, at mga manggagawa sa North Harbor at First Cavite Industrial Estate.

“Sa pagragasa ng mga delubyo, higit na nailantad ang kainutilan ng gubyernong Marcos na tugunan ang mga kalamidad,” pahayag ng KMU.

Noong Nobyembre 18, humarap sa midya ang mga manggagawa sa ilalim ng alyansang Working People Against Corruption para ianunsyo nag paglahok ng uring manggagawa sa pagkilos sa Luneta sa Nobyembre 30.

Delubyo ng korapsyon at pang-aapi sa uring manggagawa tuwing sakuna