Organisador ng magsasaka sa Isabela, inaresto
Kinundena ng Karapatan-Cagayan Valley ang iligal na pagdakip kay Stalin Valencia, isang organisador ng magsasaka. Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at 5th ID si Valencia noong Nobyembre 15 sa San Mateo, Isabela. Kumakaharap siya sa patung-patong na mga kasong kriminal, kabilang ang bigong pagpatay, pagpatay at panununog sa Cagayan Valley.
Magdamag na hindi iniliaw si Valencia, at pinagkaitang makita ng kanyang pamilya. Pinangambahan nilang ipinailalim siya sa interogasyon at sikolohikal na pagpapahirap.
Sa Negros, magkakasunod ang naitalang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 3.
Pag-aresto. Dinakip ng mga sundalo ng 94th IB ang katutubong si Anoy Pacheco habang papunta sa kanyang sakahan sa Sityo Tigbao, Barangay Buenavista, Himamaylan City noong Nobyembre 4. Si Pacheco ay anak ng isang “Kalanyan” o lider katutubo sa kanilang lugar na Tribu Magahat-Bukidnon.
Panghahalughog. Noong Oktubre 28, sapilitang pinasok at niransak ng mga sundalo ang bahay ng magsasakang si Remy Villacanao. Kasunod nito ay sinugod at pinalibutan ng mga sundalo ang bahay ni Chona Martinez, asawa at kapatid ng mga biktima ng pampulitikang pagpaslang ng militar.
Sa Laguna, nahaharap sa bantang demolisyon ang komunidad ng maralita sa NIA Road Purok 7 sa Barangay Pooc, Sta. Rosa, Laguna. Ang demolisyon ay sinasabing magbibigay daan sa road concreting project ng ahensya. Itinakdang isagawa ito simula Nobyembre 18.