Organisasyon ng magbubukid sa Hacienda Luisita, muling pinatatag

,

Nanumpa ang mga bagong halal na pinuno ng Alyansa ng Manggagawang Bukid ng Asyenda Luisita (AMBALA) noong Nobyembre 16 sa isang pagtitipon sa Barangay Lourdes, San Miguel, Tarlac City.

Isinabay ito sa pagtitipon para gunitain ang masaker noong 2004 kung saan pitong magbubukid sa Hacienda Luisita ang napatay sa pamamaril ng mga pwersa ng estado. Nakawelga noon ang United Luisita Workers Union at Central Azucarera de Tarlac Labor Union bilang tugon sa iligal na pagtatanggal sa 326 unyonista. Tugon din ang welga sa mala-aliping pasahod ng kumpanya, na noo’y sumasadsad ng ₱9.50 kada araw.

Pagkatapos ng pagtitipon, nagmartsa ang mga magbubukid sa mga lansangan ng Tarlac City. Dala nila ang kanilang mga panawagan para sa karapatan sa lupa, kabuhayan at paninirahan.

Inihalal ang bagong mga pinuno ng Ambala sa asembliya nito noong Nobyembre 15 na nilahukan ng mga myembro mula sa iba’t ibang barangay. Karamihan ng mga bagong pinuno ay kababaihan. Nasa balikat nila ngayon ang pagbawi sa tagumpay ng welgang bayan at pagpapasigla at pagpapalakas ng organisasyon.

Organisasyon ng magbubukid sa Hacienda Luisita, muling pinatatag