Bilang Hari at Reyna ng Korapsyon Marcos, Duterte, pinagbibitiw sa pwesto

,

Tahasan nang ipinapanawagan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pagbibitiw sa poder ni Presidente Ferdinand Marcos Jr at Bise Presidente Sara Duterte dahil sa pagkakadawit nila sa malawakang korapsyon sa gubyerno. Giit ng alyansa, bilang hari at reyna ng korapsyon, sila ay dapat alisin sa pwesto at ikulong sa pagdambong sa kaban ng bayan.

Dismayado ang mamamayang Pilipino dahil ilang buwan na ang nakalipas mula nang nagsimula ang mga “imbestigasyon” ay wala pa rin napananagot at nakukulong. Nagtuturuan ang mga dawit sa katiwalain at ginagamit ang mismong mga ahensya at komisyon ng gubyerno para sa malawakang cover-up. Walang tunay na pananagutan at hustisyang nakakamit hanggang nasa poder sina Marcos at Duterte.

Itinutulak ng Bayan ang pagtatatag ng isang “transition council” na hahalili sa pamamahala sa gubyerno at magtataguyod sa interes ng mamamayang Pilipino kung mapaalis ang mga punong tiwali. Bubuuin ang konseho ng mga indibidwal at grupo na kumakatawan sa demokratikong mga sektor na nanguna sa kilusang kontra korapsyon at kilusang magpapaalis sa mga Marcos at Duterte.

Ang mga pasabog ni Zaldy Co

Dumagdag sa galit ng mamamayan ang pasabog ni dating Rep. Zaldy Co na direktang nagtuturo kay Marcos bilang upisyal na may pinakamalaking “insertion” sa badyet para sa 2025. Aniya, inutusan siya ni Marcos na magsingit ng ₱100 bilyon na ipinangako sa kanya ng pinsan ni Marcos na si Martin Romualdez.

Naglabas din si Co ng listahan ng mga proyekto kung saan napunta ang ₱100 bilyong pondong ipinasingit ni Marcos. Ang ₱81 bilyon nito ay nakalista para sa imprastruktura, kung saan 80% ay mga proyektong flood control. Aniya, kumukuha si Marcos ng 25% kikbak sa mga proyektong ito. Isa si Co at mga kumpanya ng kanyang pamilya sa nakakopo ng daan-daang kontrata sa flood control at ibang imprastruktura.

Matapos ang pasabog ni Co, sinisante ni Marcos ang kanyang Executive Secretary na si Lucas Bersamin at apo niyang si Adrian Bersamin, gayundin ang kalihim sa badyet na si Amenah Pangandaman at partner niyang undersecretary ng edukasyon na si Trygve Olaivar. Ang apat ang itinuro ni Co na opereytor ni Marcos sa pagkopo ng bilyun-bilyong kikbak.

Lumalawak na panawagan para sa pananagutan

Tuluy-tuloy ang malalaki at maliliit na pagkilos na inilulunsad sa Metro Manila at mga prubinsya para manawagan ng pananagutan. Marami sa mga aktibidad ay pinamunuan ng mga organisasyong bahagi ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK).

Daan-daang mamamayan ng National Capital Region (NCR), pangunahin mula sa hanay ng mga manggagawa at maralitang-lunsod, ang nakiisa sa Lakbayan ng Mamamayan Kontra Korapsyon noong Nobyembre 7. Nagmartsa sila tungong Mendiola. Sa araw ding iyon, sinugod at kinalampag ng KBKK ang Office of the Ombudsman sa Quezon City. Nagprotesta ang mga manggagawang pangkalusugan sa iba’t ibang ospital at ang mga guro mula sa 212 paraalan sa NCR. Kumilos rin ang mga manggagawa at unyon sa Laguna.

Noong Nobyembre 14, isang martsa ang muling inilunsad tungong Mendiola. Sa araw na iyon, nagkaroon rin ng mga pagkilos sa pitong syudad sa Metro Manila; sa Pampanga, Cavite, Laguna at sa syudad ng Iloilo, Cebu at Davao. Isinagawa rin ng mga manggagawa, migrante at estudyante sa STEM (Science, Technology, Engineering and Mathematics) ang koordinadong pagkilos sa araw na iyon. Naglunsad naman ng mga “protestang umahon” ang mga manggagawa sa kani-kanilang lugar na pinagtatrabahuan.

Noong Nobyembre 16, humigit-kumulang 3,000 indibidwal ang lumahok sa ikalawang takbo laban sa korapsyon sa UP Diliman. Isang konsyerto kontra katiwalian ang inilunsad sa Angeles City sa Pampanga sa araw na iyon. Sa magkakasunod na araw mula Nobyembre 17, naglunsad ang mga grupo ng mangingisda ng protesta sa baybay ng Manila Bay.

Noong Nobyembre 17 at 18, muling kumilos ang mg kabataan sa buong bansa sa pangunguna ng Youth Rage Against Corruption. Samantala noong Nobyembre 20, nagkalampagan ang grupo ng kababaihan sa Quezon City.

Marcos, Duterte, pinagbibitiw sa pwesto