Pakikibakang manggagawa
Tanggalan sa SkyCable, nilalabanan. Tinututulan ng mga unyon ng superbisor at empleyado ng SkyCable ang nakatakdang pagtatanggal sa 80 manggagawa ng SkyCable Corporation sa darating na Pebrero 26 matapos maisapinal ang pagbebenta ng kumpanya sa PLDT. Tatanggalin ang mga manggagawa sa dahilang “redundancy.”
Negosasyon sa CBA sa Nexperia. Pumasok na sa panibagong negosasyon para sa Collective Bargaining Agreement (CBA) para sa 2024 hanggang 2026 ang Nexperia Phils. Inc. Workers Union at pamunuan ng Nexperia Philippines. Igigiit ng unyon ang makatarungang dagdag-sahod, mga benepisyo at iba pang ekonomikong karapatan ng mga manggagawa. Huli silang nakipagnegosasyon noong 2020.
5-araw na piket ng mga empleyado ng BACIWA. Nagtungo sa Maynila ang tinanggal na mga empleyado ng Bacolod City Water District (BACIWA) upang magpiket-protesta sa pambansang tanggapan ng Civil Service Commission sa Quezon City mula Enero 29 hanggang Pebrero 2. Giit nilang ibasura ang joint venture agreement sa pagitan ng Prime Water ng mga Villar at BACIWA na dahilan ng pagkawala ng kanilang trabaho at pagpapailalim ng serbisyo ng BACIWA sa kontrol ng pribadong korporasyon.
Separation pay, giit ng mga manggagawa sa Bataan. Muling ipinanawagan ng mga manggagwa ng kumpanyang Chun Chiang Enterprises Manufacturing Incorporated na ibigay na sa kanila ang kanilang separation pay. Labis na itong naantala mula nang magsara ang kumpanya dahil sa umano’y pagkalugi noong 2022 sa kasagsagan ng pandemya. Nagpoprodyus ang kumpanya ng panlalaking mga pantalon.
Mga manggagawa sa Laguna, nagkaraban. Nagpiket-protesta ang mga manggagawa sa Laguna sa apat na ahensya sa paggagawa ng gubyerno sa prubinsya noong Pebrero 5. Inirehistro ang kanilang panawagan para sa makabuluhang dagdag na sahod, seguridad sa trabaho, at karapatan sa pag-uunyon. Paghahanda din umano ito sa ikakasang malawakang pagkilos sa Araw ng Paggawa sa Mayo 1.