Itakwil ang bangayan ng mga pasistang pangkating Marcos at Duterte
Lubos na itinatakwil ng bayan ang bangayan ng mga pasistang pangkating Marcos at Duterte, na kumakatawan kapwa sa pinakamasasahol na burukratang kapitalista, at tagapagtaguyod sa interes ng mga malalaking panginoong maylupa at burgesyang komprador, at sa imperyalistang paghahari sa Pilipinas.
Sumambulat ang sigalot nang magsalita kamakailan si Duterte laban sa itinutulak na “charter change” o chacha ni Marcos at kanyang mga alipures, kasabay ng tahasang panawagan sa militar na kumilos laban sa kongreso sakaling itulak ito, at pagbantang kikilos para sa “paghihiwalay” ng Mindanao.
Tusong sinasakyan ni Duterte ang lumalaking alon ng paglaban ng mamamayan sa chacha para ipagtanggol ang sariling interes at kontrahin ang mga pakana ng pangkating Marcos na alisan siya ng kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika. Nag-aalburuto si Duterte sa pagkakansela sa mga kontrata ng gubyernong pinasok niya sa China na magkakait sa kanya ng bilyun-bilyong pisong kikbak, pati na ang pagkaltas sa dating bilyun-bilyong pisong badyet na nakukuha ng Davao. Naghihimutok rin siya sa pagtanggi ni Marcos na harangin ang pag-iimbestiga ng International Criminal Court at posibleng paglalabas ng mandamyento para sa kanyang pag-aresto kaugnay ng mga krimen laban sa sangkatauhan.
Sa kabilang panig, abala pa rin ang pangkating Marcos sa pagtulak ng pagbabago sa Konstitusyong 1987 (chacha). Upang alisan ng bala si Duterte, pansamantalang ipinatigil ni Marcos ang “people’s initiative” na tinawag niyang masyadong mapanghati. Gayunman, patuloy ang pagtulak ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso na baguhin ang Konstitusyong 1987 upang sementuhin ang mga neoliberal na patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon, lalong patibayin ang dayuhang kapitalistang pagmamay-ari sa yaman ng Pilipinas at paghahari sa ekonomya ng bansa, at alisin ang pamanang anti-Marcos nito.
Nagbabangayan ang mga pasistang sina Marcos at Duterte sa gitna ng sumisidhing krisis ng naghaharing sistema. Katunayan, ang bangayan mismo’y bunga ng krisis na sanhi ng pagliit ng mapaghahatiang pakinabang ng dalawang pangkat na kapwa sugapa sa yaman at kapangyarihan.
Ang sigalot ng mga naghaharing pangkating Marcos at Duterte ay lalong nagpapalalim sa pagkamuhi at galit ng sambayanang Pilipino sa naghaharing reaksyunaryong rehimen, at nagpapalakas ng kanilang determinasyong buuin ang malapad na nagkakaisang prente laban sa chacha, at mga patakaran at hakbangin na ibayong nagpapahirap sa bayan at lalong yumuyurak sa pambansang kalayaan.
Lalo pang lumalim ang pagkamuhi ng malawak na masa kina Marcos at Duterte sa sabwatan nilang dayain ang eleksyong 2022 at likhain ang pekeng “landslide victory.” Lalo pang nagagatungan ang galit ng bayan sa maluhong pamumuhay ng mga Marcos, habang sadlak sa pagdurusa at paghihirap ang mayorya. Lalo pa siyang nahihiwalay dahil sa pagtetengang-kawali sa sigaw para sa umento sa sahod, tunay na reporma sa lupa, dagdag na badyet sa edukasyon, kalusugan at ibang serbisyong panlipunan, at iba pang kagyat na mga kahingian; habang binibigyan ang mga dayuhang kumpanya at mga kasosyong lokal ng lahat ng insentibo na magbulsa ng malalaking tubo mula sa pagsasamantala sa murang lakas paggawa at yaman ng bansa.
Garapalan ang paggamit ni Marcos sa poder upang hawakan ang daan-daang bilyong piso at ibuhos ito sa negosyo ng kanyang mga pinapaburang kroni. Tulad ni Duterte, binubundat ni Marcos ang AFP ng wala pang kasimpantay na dami ng pera na napupunta sa bulsa ng pinapaburang mga heneral, kapalit ang kanilang katapatan. Patuloy ang brutal na gera ng panunupil ng AFP sa kanayunan para hawanin ang daan sa agresibong pagpasok ng mga dayuhang negosyo na kumakamkam sa lupang pang-agrikultura at ninuno ng malawak na masang magsasaka at mga katutubo.
Napapaypayan ang patriyotismo ng bayan sa harap ng pagmamanikluhod ni Marcos sa geopulitikal na interes ng US. Lubos na niyang pinakokontrol sa US ang AFP para sa estratehiya nito ng pagkubkob at pagpigil sa paglakas ng China. Kinakaladkad ng US ang Pilipinas sa papaigting na tensyong militar sa South China Sea, Korean Peninsula at Taiwan, sa tangkang udyukin ang China sa armadong sigalot. Sampal sa mga Pilipinong naghahangad ng tunay na kalayaan ang lumalaking presensya ng mga sundalong Amerikano at dumaraming pasilidad-militar ng US sa loob ng mga kampo ng AFP.
Lumalapad nang lumalapad ang nagkakaisang prenteng antipasista, anti-imperyalista at antipyudal laban sa rehimeng US-Marcos, na may mga pwersang patriyotiko at demokratiko sa unahan at ubod nito. Ang pakana ni Marcos na baguhin ang Konstitusyong 1987 ay nagbubuklod sa malawak na hanay ng mga uri at sektor. Sa kabila ng paghihimutok niya laban sa chacha at kay Marcos, etsapwera si Duterte sa malapad na nagkakaisang prente laban sa rehimeng US-Marcos, dahil sa dami ng krimen niya laban sa sambayanang Pilipino.
Binabatikos ng malawak na nagkakaisang prente si Marcos sa pakikipagsabwatan niya kay Duterte sa pagnanakaw sa eleksyong 2022, at sa pagsangga sa kanya sa pananagutan sa batas laluna kaugnay ng mga krimen sa gera kontra droga hanggang sa teroristang gera ng panunupil, pati na sa malawak na korapsyon tulad ng mga anomalya sa panahon ng pandemya.
Papalawak ang nagkakaisang hanay ng mamamayang tumututol sa pakanang chacha ng rehimeng US-Marcos. Kasabay nito, lumalakas din ang sigaw ng masa ng sambayanan para sa dagdag na sahod at sweldo, regular at disenteng hanapbuhay, tunay na reporma sa lupa, pagpapababa sa presyo ng pagkain, langis at iba pang kalakal, at iba pang mga kagyat na pangangailangan. Matatag din nilang isinusulong ang kanilang paglaban sa pasistang panunupil sa mga demokratikong karapatan, at panghihimasok militar ng US sa bansa. Sa buong bansa, dahan-dahang nagbabangon ang masang Pilipino.
Patuloy na ubos-kayang magpupunyagi ang Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa na pukawin ang malawak na masa ng mga manggagawa at magsasaka, ang mga petiburges na intelektwal at mga propesyunal, at lahat ng iba pang pwersang progresibo at makabayan, upang kumilos at lumaban. Sa gitna ng kalagayang sadlak sa krisis, tiyak na lalo pang iigting at lalaban nang buong giting ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan, kasabay ng rebolusyonaryong armadong pakikibakang isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan.