Operation Kagar, binibigo ng mga rebolusyonaryo sa Central India

,

Hindi bababa sa 35 elemento ng Central Armed Police Force (CAPF) at espesyal na yunit na COBRA (Combat Battalion for Resolute Action) ng reaksyunaryong estado ng India ang napaslang sa reyd ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) sa kampo sa Darmavaram noong Enero 16. Ang Darmavaram ay isang komunidad sa Pamed, Bijapur sa rehiyon ng Chhattisgarh. Liban dito, 40 pang pulis ang malubhang nasugatan sa pananalakay. Inilunsad ng PLGA ang reyd para bigwasan ang pasistang Operation Kagar sa Central India.

Sa ulat, nagsimula ang reyd ng alas-7:05 ng gabi. Gumamit ang PLGA ng mahigit 600 granada at iba pang sariling likhang mga pampasabog sa tatlong oras na reyd. Bago ang mismong pag-atake sa kampo, kinontrol na ng mga Pulang gerilya ang palibot na mga lugar. Binarikadahan nila ang susing mga daan gamit ang malalaking troso at pinakilos ang milisya para pasabugan ang rerespondeng mga yunit ng pulis. Namartir sa reyd ang tatlong mandirigma.

Kasunod nito, inatake noong Pebrero 1 ng PLGA ang konstruksyon ng isang tulay sa Abujhmaad, sa bandang distrito ng Narayanpur, Chhattisgarh. Pinaralisa ng mga gerilya ang isang traktora, isang tanker at concrete mixer. Ang pagtatayo ng tulay, tulad ng iba pang “proyektong pangkaunlaran” sa Abujhmaad, ay pagbibigay-daan sa pagpasok ng malalaking korporasyon na dadambong sa likas na yaman ng lugar.

Ayon sa Communist Party of India (CPI)-Maoist, ang opensibang ito ay bahagi ng kanilang pagtatanggol sa mamamayang Adivasi (katutubo.) Anito, pagbibigay-hustisya ito sa panunupil ng mga pulis laban sa rebolusyonaryong mamamayan.

Terorismo ng Operation Kagar

Sinimulang ipatupad ang Operation Kagar noong Enero sa Abujhmaad, isang mabundok at magubat na rehiyon sa timog ng estado ng Chhattisgarh. Bahagi ito ng pinalawak na pagpapatupad sa kontra-insurhensyang kampanya na Operation SAMADHAN-Prahar (OSP) ng reaksyunaryong estadong Indian na pinamumunuan ni Narendra Modi.

Pinakikilos sa ilalim ng operasyon ang 10,000 pwersang paramilitar na nakapakat sa lugar. Ang 3,000 dito ay mula pa sa ibang estado ng India na ibinuhos sa Abujhmaad para pokusan ang pagpuksa sa armadong paglaban na pinamumunuan ng CPI-Maoist. Nakapwesto ang pwersa ng estado sa anim na kampong paramilitar sa lugar. Sa gayon, mayroong tatlong paramilitar sa kada pitong lokal na residente.

Isa sa karumal-dumal na krimen ng mga pulis rito ang pagpaslang sa isang 6-buwang sanggol noong Enero 1 sa Bijapur. Liban dito, naitala din ang kaso ng pagdukot at pagpaslang sa tatlong Adivasi sa Nendra, Bijapur noong Enero 19. Ang mga biktimang sina Madkam Soni, Punem Nangi, at Karam Kosa ay papunta sa isang kilos-protesta nang dukutin ng mga pulis sa mabundok na bahagi ng kanilang komunidad. Samantala noong Enero 30, binaril at napatay ng mga pulis si Ramesh Poyam, residente ng Bodga, Bastar, habang papunta sa ilog para maligo.

Para pagtakpan ang kanilang mga krimen, pinalabas ng mga pwersa ng estado na ang mga biktima ay napaslang sa engkwentro sa PLGA o di kaya ay nadamay sa sagupaan sa pagitan nito at ng PLGA. Pinasinungalingan ang lahat ng ito ng CPI-Maoist.

Naitala rin ng mga grupo sa karapatang-tao sa India ang ilang mga kaso ng aerial bombing gamit ang mga drone sa timog ng Chhattisgarh noong Enero 13. Dati nang biktima ang naturang mga komunidad ng paulit-ulit na pambobomba simula pa 2022. Nagdudulot ito ng matinding takot sa mga Adivasi at hindi na sila maayos na nakapaghahanap-buhay.

Katambal ang militarisasyon sa Central India sa korporatisasyon at pagpasok ng malalaking mga kumpanya sa mayamang kagubatan ng India. Sa tabing ng paglaban sa mga Maoista, nagsisilbi ang mga operasyong ito sa pagpapatindi ng pandarambong ng mga dayuhang malalaking korporasyon sa likas na yaman ng bansa.

Pinaglalawayan ng reaksyunaryong estado at mga kasabwat nitong korporasyon at imperyalistang mga bansa na pasukin ang Abujhmaad dahil maituturing itong isa sa pinakahuling lugar sa India na hindi pa nadadambong at nananatiling protektado ang kagubatan.

Ang PLGA at CPI (Maoist) ang tanging katuwang ng mga Adivasi sa Abujhmaad sa kanilang buhay at kamatayang pakikibaka para sa kalikasan, kanilang lupa at kabuhayan.

Operation Kagar, binibigo ng mga rebolusyonaryo sa Central India