Dedlayn sa sapilitang konsolidasyon ng PUV, muling napaatras

,

Natulak ng sama-samang pagkilos ng mga tsuper at opereytor, sa pamumuno ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela), at Tanggol Pasada Network, ang rehimeng US-Marcos na muling iatras ang dedlayn ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa ng mga public utility vehicle (PUV) noong katapusan ng Enero. Bahagi ang sapilitang konsolidasyon ng bogus na PUV Modernization Program (PUVMP) ng gubyerno. Iniusod ng rehimen ang dedlayn tungong Abril 30 mula sa dating Disyembre 31, 2023 na naunang napalawig tungong Enero 31.

Inianunsyo ang pag-usod ng dedlayn matapos ang ikalawang pagdinig ng komite sa transportasyon sa Kongreso noong Enero 24, na tumalakay sa kainutilan at kapalpakan ng PUVMP. Hanggang sa kasalukuyan, malaking bilang pa ng mga tsuper at opereytor ng dyip ang tumangging magpakonsolida, taliwas sa pahayag ng rehimen. Marami pang mga ruta ang walang mga konsolidadong prangkisa.

Itinuturing ng mga grupo ang pag-atras ng dedlayn bilang tagumpay ng kanilang sama-samang pagkilos. Gayunman, patuloy nilang iginigiit na ibasura ang buong iskema ng sapilitang konsolidasyon at PUVMP. Anila, gagamitin nila itong tuntungan para sa higit na malalaking pagkilos laban sa programa.

Tinalakay naman sa ikatlong pagdinig noong Enero 31 ang usapin ng sapilitang konsolidasyon na ayon sa ilang mga mambabatas ay maituturing na hindi konstitusyunal at labag sa karapatan ng mga tsuper at opereytor. Samantala, nagprotesta rin ang dalawang grupo sa Korte Suprema sa Maynila noong Enero 23 para ipanawagan ang pagkatig sa kanila ng korte kaugnay ng kanilang inihaing petisyon para ipahinto ang sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at ang PUVMP. Itinaon nila ang protesta habang nasa sesyon ang lahat ng mga mahistrado.

Dedlayn sa sapilitang konsolidasyon ng PUV, muling napaatras