Mga protesta
Reporma sa lupa, giit ng mga magsasaka sa Bacolod City. Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Negros at National Federation of Sugar Workers Negros (NFSW) ang dalawang araw na aktibidad ng mga magsasaka sa Bacolod City noong Enero 23-24 para igiit ang kanilang karapatan sa lupa.
Noong Enero 23, nagpiket-dayalogo sila sa Provincial Agrarian Reform Office I sa syudad kaugnay ng mga usapin sa 37 asyenda sa Negros Island. Kinabukasan, nagmartsa sila sa sentro ng syudad para gunitain ang ika-37 anibersaryo ng Mendiola Massacre at batikusin ang itinutulak na charter change ng rehimeng Marcos.
125 taon ng gerang Pilipino-Amerikano, ginunita. Ginunita ng mga grupong pambansa-demokratiko sa pamamagitan ng protesta sa harap ng embahada ng US noong Pebrero 4 ang ika-125 taong anibersaryo ng pagsisimula ng gerang Pilipino-Amerikano na pumatay ng daan-daang libong Pilipino. Binigyan-diin ng mga grupo ang patuloy na pananakop ng US sa bansa, sa anyo ng permanenteng presensyang militar nito sa Pilipinas. Binatikos din nito ang US sa mga imperyalistang gera nito, at pagpopondo sa henosidyo ng Israel sa Palestine.
First-day Rage ginanap sa iba’t ibang kampus ng UP. Sinalubong ng mga estudyante ng University of the Philippines (UP) ang unang araw ng klase ng protesta sa iba’t ibang kampus nito sa bansa. Pinatampok nila sa mga protesta ang isyu kaugnay ng akademikong kalayaan, panunupil sa kabataan, paglaban sa charter change at iba pang isyung panlipunan. Inilunsad ng mga estudyante ang pagkilos sa UP-Cebu noong Enero 23; sa UP-Manila, UP-Visayas at UP-Tacloban noong Enero 29; sa UP-Los Baños noong Pebrero 5; at sa UP-Diliman noong Pebrero 6.
Pagtaas ng matrikula sa DLSU, tinutulan. Mahigit 100 estudyante ng De La Salle University (DLSU)-Manila ang nagprotesta sa loob ng kampus nito sa Taft Avenue, Malate, Manila noong Enero 31 para ipahayag ang kanilang pagtutol sa nakaambang pagtaas ng matrikula sa susunod na pasukan. Nagmartsa rin ang mga estudyante sa kampus ng DLSU-Laguna sa araw na iyon. Parehong pinangunahan ang pagkilos ng mga konseho ng mag-aaral. Panawagan nilang magpatupad ng “tuition freeze” sa harap ng bantang 9.21% pagtaas sa matrikula.
Presyo ng langis, ibaba. Naglunsad ng protesta ang mga drayber at opereytor ng dyip sa harap ng Shell Gasoline Station sa Caretta, Cebu City noong Enero 30 para kundenahin ang muling pagtaas ng presyo ng langis. Sunud-sunod sa nagdaang linggo ang naging pagtaas sa presyo ng langis.
Atin ang Pinas, China layas! Nagprotesta ang mga mangingisda at progresibong grupo sa Chinese Consulate sa Makati City noong Pebrero 6 para batikusin ang patuloy na panghihimasok ng China sa West Philippine Sea. Pinangunahan ang pagkilos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).