Pagtaas ng presyo at singil, sunud-sunod na humambalos pagpasok ng 2024
Sunud-sunod na hambalos ang ininda ng mamamayang Pilipino sa walang awat na pagtaas ng mga presyo ng langis at LPG, gayundin ng mga singil sa tubig at kuryente pagpasok ng 2024. Habang lalong pasakit ang dulot nito sa masa, lalong paglaki naman ng tubo ang dala nito sa dati nang bundat na mga pribadong kumpanya na ginawang negosyo ang mga pampublikong serbisyo at utilidad.
Sa loob ng limang magkakasunod na linggo, limang beses ring itinaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng diesel at gasolina. Noong Enero 30, itinaas din ng mga kumpanya ang presyo ng LPG nang hanggang ₱0.95 kada kilo o hanggang ₱10.45 kada tangke.
Kilos-kartel ang sabayan at unipormadong pagtatas ng mga presyo ng Petron, Shell Pilipinas, Caltex Philippines, Total Philippines, Filpride Resources Inc/Mobility Group, Petro Gazz, Seaoil, City Oil, Jetti Petroleum Inc, Unioil, PTT Philippines Corporation, Flying V, Eastern Petroleum at Clean Fuel. Taliwas ito sa ipinamarali noon nang isinabatas ang deregulasyon (1997) na magkakaroon ng “kumpetisyon” kung dadami ang mga “players” na magpapababa diumano sa presyo ng langis.
Alinsunod sa datos ng Department of Energy, umabot sa ₱5.15/litro at ₱4.40/litro ang netong itinaas ng gasolina at diesel noong Enero 30. Dagdag ito sa netong itinaas na ₱12.60/litro sa presyo ng gasolina at ₱5.65 sa diesel sa 2023. Samantala, tumaas ang kerosin ng ₱1.24/litro noong 2023.
Magtutuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa Pebrero, dulot diumano ng sigalot sa Red Sea at pambobomba sa mga oil refinery sa Russia, na parehong ginagamit na dahilan para itaas ang pandaigdigang presyo ng krudo.
Samantala, noon pang 2023 pinayagan ng rehimeng Marcos ang Meralco na magtaas ng singil nito sa kuryente nang ₱0.0846 kada kilowatt-hour (kWh) pagpasok ng Enero. Sa minimum na konsumong 200 kwh, madadagdagan ang bayarin ng isang bahay ng ₱17 kada buwan.
Gayundin, pinayagan ng rehimen ang pagtaas ng singil ng dalawang pribadong kumpanya sa tubig sa Metro Manila. Pinahintulutan ang Manila Water na magtaas ng singil nang ₱6.41 kada kubiko metro tungong ₱42.26 mula ₱35.85 sa 2023. Samantala, itinaas ng Maynilad Water Services Inc ang singil nito nang ₱7.87 kada kubiko metro mula ₱39.70 sa 2023 tungong ₱47.57.
Nagbubundatang dayuhang kapitalista at lokal na burgesya
Kasabay ng nagtaasang presyo ang nagtaasan ding kita ng pribadong mga kumpanya at personal na yaman ng pinakamalalaking kumprador na nagmay-ari sa mga ito.
Tinatayang tumabo ang Petron, ang pinakamalaking tagasuplay ng langis sa bansa, ng ₱12 bilyon para sa buong 2023. Doble ito sa netong kita ng kumpanya na ₱6.7 bilyon noong 2022. Pagmamay-ari ang Petron ni Ramon Ang, na may-ari rin ng San Miguel Corporation, Eagle Cement at iba pang malalaking kumpanya.
Samantala, tumabo ang Shell Pilipinas, subsidyaryo ng Royal Dutch Shell ng The Netherlands, ng ₱2.1 bilyon sa unang siyam na buwan ng 2023.
Parehong hawak ang Meralco at Maynilad ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), na pinatatakbo ni Manuel Pangilinan. Tumataginting na ₱37 bilyon ang tinatayang kinita ng Meralco sa 2023, 36.34% na mas mataas sa dati nang dambuhalang kita na ₱27.1 bilyon noong 2022. Di pahuhuli, nagtala ang Maynilad ng 46% na pagtaas ng kita o ₱6.8 bilyon sa unang siyam na buwan ng 2023. Ang MPIC ay nakapailalim sa First Pacific Company Limited na nakabase sa Hong Kong at pagmamay-ari ng Indonesian na pamilyang Salim.
Pag-aari naman ang Manila Water ni Enrique Razon Jr na tumabo ng ₱7.26 bilyong kita sa unang siyam na buwan noong nakaraang taon. Mas mataas ito nang 61% sa kinita nito sa parehong panahon noong 2022.
Sina Ang, Pangilinan at Razon ay kabilang sa pinakamalalaking burgesya kumprador na may bilyun-bilyong yaman. Sa listahan ng Forbes, lumaki pa ang yaman ni Razon nang $0.9 bilyon noong 2023 mula $7.2 bilyon sa 2022 tungong $8.1 bilyon. Tumaas rin ang yaman ni Ang, ang pangatlong pinakamayamang Pilipino kasunod ni Razon, nang 40%. Mula $3.4 bilyon noong 2022, umabot na sa $8.1 bilyon ang yaman ni Ang noong 2023. Samantala, tinatayang nasa $105 milyon ang halaga ng punong upisyal ng MPIC na si Pangilinan.