Mag-asawang senior citizen, pinaslang ng militar sa Masbate

,

Walang-awang pinaslang ng mga tauhan ng 2nd IB ang mag-asawang senior citizen na sina sina Pedro Regala, 78 anyos, at Florencia Regala, 67 anyos sa Barangay Toboran, Cawayan, Masbate noong Pebrero 5, 2024. Ang mga biktima ay dinampot sa kanilang tahanan, dinala sa liblib na bahagi ng sapa, walang-awang pinagbabaril, nilagyan ng ammo pouch at pinalabas na napatay sa engkwentro.

Ibinalandra sa putikan ang bangkay ng mga matatanda at ipinarada sa social media na mga “terorista” para pagtakpan ang kanilang karumal-dumal na krimen. Imbwelto sa pagpaslang ang yunit ng 2nd IB at grupong paramilitar sa pamumuno ni Adriel Besana. Ang Barangay ng Tuboran ay pinamumugaran ng ALSA MASA na ginagamit ng militar pata maghasik ng terorismo sa Masbate. Naiulat pa na lulong sa droga ang mga pumatay sa mag-asawa.

Pag-aresto. Labintatlong sibilyan ang inaresto ng mga pwersa ng estado sa iba’t ibang kaso sa Cebu, Negros, Quezon at Masbate sa nakaraang dalawang linggo.

Inaresto ng mga pwersa ng estado ang lider-magsasaka na si Allan Flores noong Enero 21 sa kanyang sakahan sa Sibagay 2, Barangay Cantabaco, Minglanilla, Cebu. Sinampahan siya ng mga kasong pagpatay at tangkang pagpatay sa Bohol.

Sa parehong araw, tatlong magsasakang kasapi ng Kauswagan sang mga Mangunguma sa Buenvista (KMB) ang inaresto ng 94th IB sa Sityo Cantupa-Pisok, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental. Kinilala ang magsasaka bilang sina Deloy de Leon, Vincies de Leon at Remy Villacanao. Noong Enero 22, inilitaw ng militar si Vincies de Leon at sinampahan ng kasong bigong pagpaslang. Hindi pa inililitaw ang dalawa pa hanggang ngayon.

Sa Mulanay, Quezon, arbitraryong inaresto ng pulis ang direktor ng pelikula at propesor na si Jade Castro at tatlo niyang kaibigan noong Pebrero 2. Idinadawit sila sa pagsunog ng isang e-jeep sa Catanauan noong Enero 31. Si Castro ay gumagawa ng progresibong pelikula at kabilang sa naninindigan laban sa jeepney phaseout.

Noong Enero, inaresto ng mga pwersa ng estado ang limang sibilyan sa Masbate na inaakusahang mga Pulang mandirigma na nakasagupa ng 2nd IB sa Barangay Balantay, Dimasalang noong Hunyo 16, 2023. Ang lima ay sina Jamara Tumangan, Rowel Hagnaya, Alden Tumangan, Rico Cuyos at Senen Dollete. Sa aktwal, biktima sila ng pamamaril ng mga sundalo, na ikinamatay ng isang menor-de-edad.

Militarisasyon. Noong Enero 30, pinaputukan ng 96th IB ang mga residenteng nangahas na magkopra sa niyugang inagaw ng militar sa Barangay San Jose, Uson at Barangay Sawmill, Mobo, Masbate. Noong Enero 29, naitala ang mga kaso ng pagnanakaw at iligal na paghalughog ng mga CAFGU at militar sa Hacienda Mortuegue sa bayan ng Pio V. Corpuz at Esperanza.

Mag-asawang senior citizen, pinaslang ng militar sa Masbate