Pagbuwag sa NTF-Elcac, inirekomenda ng dalawang eksperto ng UN

,

Dalawang eksperto na ng United Nations (UN) ang nagrekomenda ng pagbubuwag ng National Task Force-Elcac dahil sa pinsalang idinudulot nito sa mga karapatan ng mamamayang Pilipino. Noong Pebrero 2, inirekomenda ito ni Irene Khan, UN Special Rapporteur para sa malayang pagpapahayag at opinyon, matapos ang kanyang 10-araw na imbestigasyon sa Pilipinas.

Bago siya, inirekomenda na rin ni Ian Fry, UN Special Rapporteur para sa pagtataguyod at pagtatanggol ng karapatang-tao sa konteksto ng climate change at ang pagbubuwag sa ahensya noong Nobyembre 2023. Tulad ni Khan, nakipagpulong si Fry sa iba’t ibang demokratikong sektor sa bansa.

Sa bahagi ni Khan, pinagtuunan niya ng pansin ang mga gawi na nakaaapekto sa malayang pagpapahayag tulad ng Red-tagging, harasment at panggigipit gamit ang mga batas. Sa kanyang pahayag, inirekomenda niya ang pagbuwag sa NTF-Elcac na aniya’y “lipas na” at “tagapagtulak” ng Red-tagging. Inirekomenda rin ni Khan ang pag-“unblock” o pagtanggal sa restriksyon sa mga progresibong website na ipinataw ng reaksyunaryong estado.

Ang mga rekomendasyong ito ay mula sa pakikipagdayalogo ni Khan sa iba’t ibang grupo ng midya at iba pang demokratikong sektor, at kahit sa mga upisyal at armadong pwersa ng estado. Binisita rin niya sa kulungan sa Tacloban City ang nakakulong na mamamahayag na si Frenchie May Cumpio ng independyenteng midya na Eastern Vista at dalawa pa niyang kasama.

Liban sa Maynila at Tacloban, nagpunta si Khan sa mga syudad ng Baguio, Cebu, at Davao. Sinalubong siya dito ng mga demokratikong organisasyon. Naglunsad sila ng mga piket at mga talakayan kaugnay ng pagdating ni Khan sa Pilipinas.

Sinusugan ng mga grupo ng mamamahayag, artista at tagapagtanggol ng karapatang-tao ang mga rekomendasyon ni Khan. Ikinalugod rin nila ang pusisyon ni Khan sa Cybercrime Prevention Act na aniya’y sumisikil sa kalayaan sa pamamahayag, laluna ang mga probisyon nito sa cyberlibel.

Pagbuwag sa NTF-Elcac, inirekomenda ng dalawang eksperto ng UN