Pagpapapirma para sa chacha, sinuspinde sa gitna ng mga anomalya
Sinuspinde nang walang taning noong Enero 29 ng Commission on Elections ang proseso ng pagtanggap ng mga pirma na isinagawa ng People’s Initiative for Reform Modernization and Action (Pirma) para sa charter change (chacha) o pagbabago sa konstitusyong 1987. Taliwas ito sa unang pahayag ng komisyon na “tagatanggap” lamang ito ng mga pirma. Palusot nito, kailangang balik-aralan muna ang mga alituntuning namamahala sa gayong inisyatiba.
Gayunpaman, tinanggap na nito ang pitong milyong lagda na napakabilis na nakalap mula sa 209 distrito. Alinsunod sa mga tuntunin ng people’s initiative, kailangan lamang ng 11.4 milyong lagda o 12% sa 91.9 milyong rehistradong botante para maitulak ang naturang pakana.
Napatigil ang pangangalap sa harap ng malawak na pagtutol dito ng iba’t ibang sektor. Simula pa lamang, nabunyag na ang paggamit ng pampublikong pondo para sa pangangalap ng pirma. Laganap ang balita ng pagpapapirma kapalit ng ₱100 o mas malala, ayuda mula sa iba’t ibang ahensya ng estado.
Sa isang pandinig sa Senado noong Enero 30, nabunyag ang pagsasabwatan ng Pirma, ang grupong nagbayad ng patalastas para itulak ang chacha, at ni House Speaker Martin Romualdez at iba pang kongresista, para sa pangangalap ng pirma. Huli sa bibig ang kamay ni Ferdinand Marcos Jr sa pakanang pirma nang sabihin niyang naghahanap na siya ng “ibang opsyon” para maitulak pa rin ang chacha.
Sa harap ng suspensyon, magpapatuloy ang kampanyang “bawi-pirma” na sinimulan ng Bayan Muna noong Enero 28. Marami nang pumirma ang nagpahayag ng kagustuhang bawiin ang kanilang pirma nang malaman nilang para pala ito sa chacha. Anila, kung hindi pagpapapirma para sa ayuda, ibang dahilan ang sinabi sa kanila kaya sila pumirma.
Sa ngayon, patuloy na pinalalawak ng mga demokratikong grupo ang pagtutol sa chacha. Ito ay sa harap ng tangka ng rehimeng Marcos na iratsada sa Senado ang Resolution of Both Houses No. 6 na nakatuon sa pagbabago ng mga probisyon hinggil sa ekonomya. Mariin itong tinututulan ng mga grupo dahil magbibigay-daan ito sa buu-buong pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga negosyo, rekurso at lupang Pilipino.
Noong Enero 21, nagprotesta ang mga grupong pambansa-demokratiko sa harap ng Kongreso para batikusin ang chacha. Isinabay ito sa unang araw ng sesyon ng Kongreso. Nagprotesta rin sila sa Senado noong Pebrero 5, kasabay ng unang pagdinig dito sa RBH 6.
Sa Davao City, binatikos ng mga progresibong grupo ang paglulunsad ng “grand rally” ng pamilyang Duterte na kunwa’y kontrachacha. Anila, “walang kredibilidad” laluna si Rodrigo Duterte, na noong nakaupo pa bilang presidente ay nagsulong din ng katulad na pakana.