Pagmimina at pagkalbo sa gubat ang sanhi ng pagbaha at mga pagguho ng lupa sa Davao
Halos isang buwan nang dumaranas ang mga rehiyon ng Davao at Caraga ng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng mga pag-ulan na dala ng malalakas na hangin na sinundan ng namumuong bagyo. Noong Pebrero 2, may 772,000 indibidwal ang naitalang apektado at 409,000 ang napalayas sa kanilang mga komunidad. Sa huling ulat, nasa 17 na ang namatay, kabilang ang pamilyang natabunan ng lupa sa Barangay Mt. Diwata, Monkayo noong Enero 18.
Milyun-milyong pisong halaga ng pananim ang napinsala at maraming daan at tulay ang nawasak. Sa datos ng National Risk Reduction and Management Council noong Pebrero 4, nasa ₱173.79 milyon ang napinsalang mga pananim sa Davao at Caraga. Pinakaapektado ang mga magsasaka sa Compostela Valley at Davao del Norte. Pinakamalawak na tinamaan ay mga palayan.
Kasabay dito ang pinsala sa imprastruktura na may halagang ₱27.05 milyon sa Region XI. Winasak ng mga baha at pagguho ng lupa ang mga tulay at farm-to-market road na kadalasa’y mahihina o di kaya’y bara-barang inilatag sa tinapyas na bahagi ng mga bundok.
Itinuturo ng mga grupong demokratiko at maka-kalikasan na nakabase sa Mindanao ang pinsala at trahedya sa nagpapatuloy na mga operasyon ng mapangwasak na mina, na karamihan dayuhan, at pagkalbo sa kagubatan sa isla. Noong 2019, naglabas ang Mines and Geoscience Bureau ng mahigit 100 permit para sa pagmimina sa rehiyon ng Davao pa lamang. Saklaw nito ang mahigit 32,000 ektaryang kabundukan sa Davao Oriental; mahigit 15,000 ektarya sa Davao del Sur at mga operasyong kwari sa Davao City.
Dagdag dito ang mga operasyong pinahintulutan ng estado para dambungin ang kabundukan ng Pantaron, ang pinakamalaking mountain range sa Mindanao.
Kabilang sa pinangalanan ng mga grupo ang tatlong kumpanya sa pagmimina sa protektadong Mt. Hamigitan sa Davao Oriental (Sinophil Mining & Trading Corporation, Hallmark Mining Corporation, Austral-Asia Link Mining Corporation); ang St. Augustine Gold and Copper Ltd na nakatutok sa King-king Copper Gold Project sa Pantukan at magkanugnog na mga bayan ng Davao de Oro; at tatlo pang kumpanya sa pagmimina sa Talaingod, Davao del Norte (One Compostela Valley Minerals, Inc, Phil. Meng Di Mining & Development Corporation, Metalores Consolidated, Inc.)
Sa mga pinangalanan, malawak ang saklaw ng Metalores Consolidated Inc, na binigyan ng permit na dambungin ang mahigit 15,000 ektaryang kagubatan sa Talaingod. Di kasinglawak, pero kasing mapangwasak ang open-pit mining ng King-king Project ng St. Augustine Gold and Copper Ltd, na pag-aari ng dinastiyang Villar, isa sa pinakamalaking burukrata-kapitalistang pamilya sa bansa.
Ang mga pagmiminang ito, at kaakibat nitong pagkalbo sa kagubatan, ay malaon at mahigpit na nilalabanan ng mga grupong Lumad at magsasaka dahil sa malulubhang pinsala na idudulot ng mga ito sa kanilang mga komunidad, sa kalikasan at sa mamamayan ng Mindanao.
Nasaan ang pondo?
Hindi ligtas sa kalamidad ang Davao City mismo, kung saan lumubog sa baha ang 15 barangay na nasa relatibong mababang kalupaan. Umapaw ang tubig sa anim na ilog na tributary ng Davao-Bukidnon River na dumadaloy mula sa Pantaron sa bahagi ng San Fernando, Bukidnon.
Noong Enero 31, naiulat na 8,000 ang napilitang magbakwit dahil sa mga pagbaha na hanggang-leeg sa ilang lugar.
Dahil dito, naisalang kung saan napunta ang pondo na ibinuhos ng Department of Public Works and Highways sa nakaraang tatlong taon sa upisina ni Paolo Duterte, kongresista ng unang distrito ng syudad. Nabunyag kamakailan na isiningit sa ipinasang mga badyet mula 2020 hanggang 2022 ang mga alokasyon para sa panganay ng dating presidenteng si Rodrigo Duterte na nagkakahalaga ng ₱51 bilyon. Ang pagsingit ng mga alokasyon ay walang transparency (pagsasapubliko). Lampas-lampas din ito sa karaniwang alokasyon sa isang kongresista, o kahit sa isang senador.
Ang Davao City ay dominado ng dinastiyang Duterte. Liban kay Paolo na kinatawan ng pinakamalaki at sentrong distrito nito, meyor ng syudad ang pinakabatang kapatid niyang si Sebastian, habang mga kapitan ng Barangay Catalunan-Grande ang kanyang asawang si January Navares at ng Barangay Buhangin (kung saan malala ang pagbaha) ang kanyang anak na si Omar.