Yunit pang-RCSP ng 77th IB, salot sa mamamayan ng Cagayan

,

Para sa amin, anak, malaki ang ipinagkaiba ninyo sa armi (AFP). Iba din kung nandiyan kayo kasi tumitigil sa masasamang gawain (ang mga sundalo),” kwento ni Tatang Rebo, isang magsasaka, habang naghahapag ng kape sa mga Pulang mandirigma na dumating sa kanyang kubo. Kararating lamang ng mga kasama noon sa lugar at sabik silang sinalubong ng mga residente. Tulad sa maraming lugar, itinuturing silang mga “anak ng bayan” ng mga magsasaka.

“Walang disiplina ang mga sundalo. Sila pa ang pasimuno sa masasamang gawain,” sumbong ni Tatang. Ikinuwento niya ang masamang karanasan sa mga tropa ng 77th IB nang maglunsad ang mga ito ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa kanilang baryo sa Baggao, Cagayan. “Akalain mo ’yun, pagdating na pagdating nila dito sa bahay, manok agad ang hanap nila!”

Usap-usapan pa rin sa baryo ang bugbugan ng mga lasing na “soldado” noong linggo pagkatapos ng eleksyon. “Uhaw na uhaw sila sa alak mula sa ilang oras lamang na pagpapatupad ng liquor ban. Hindi pa nga nila naibababa ang kanilang pak, naghahanap na sila ng pulutan, sabay na nagpabili ng gin!” kwento pa ni Tatang.

“Buti sana kung tumulong silang magpitas ng mais para may pampalubag-loob naman na painumin sila. Pero wala talaga! Sa halip, maglasing at magpasaway sa baryo ang alam nilang gawin,” kwento naman ni ading (kuya) Makar na kasama sa sumalubong sa mga kasama. Hindi lamang mga manok at patong alaga ng mga residente ang pinagkakatay ng mga sundalo, kinatay kahit ang ilang alagang aso.

“Natatakot kami, anak, dahil sa ganyang gawain nila. Kahit tanghaling tapat, lasing sila. Paano na lang kung hindi lang suntukan ang kahantungan nila? Paano kung magbarilan din sila? Paano kami dito, lalo na maraming mga bata?” ayon naman kay Nanang Clarita. Hindi mapigilan ng mga residente ang kanilang pangamba lalo’t mahaba ang rekord ng 77th IB sa pagpapatayan dahil sa kalasingan. Tulad na lang noong 2021 noong nagbarilan ang dalawang lasing na sundalo sa mismomg hedkwarters ng batalyon sa Piggatan, Alcala.

Liban sa pagiging lasenggo, bantog sa pagsusugal ang 77th IB. Perwisyo sa mga residente ang ingay kapag sila’y naglalaro. Wala rin silang pakundangang nagnanakaw ng pagkain ng mga magsasaka. Sinisira nila ang gamit at maliliit na kubo ng mga magsasaka sa sakahan. Wala silang pakialam kung masira nila ang mga maisan, palayan at iba pang sakahan sa kanilang mga operasyon.

Masama rin ang rekord nila sa pakikitungo sa kababaihan. May karanasan ang mga guro sa isang eskwelahan sa parehong bayan na pwersadong pinasok ng mga sundalo ang bahay na tinutuluyan nila sa kalagitnaan ng gabi. Laganap din ang “panliligaw” nila sa mga dalagita o menor de edad. Ginagawa nila itong mga “text mate” at regular na pinag-uulat hinggil sa kilos ng BHB sa lugar.

Mahigit isang taong humimpil sa barangay hall, at minsan sa eskwelahan, ang mga tropa ng 77IB sa tabing ng RCSP. Bukambibig nila na sila ang “maglalapit at maghahatid sa mga programa ng gubyerno” sa kanayunan at mga liblib na lugar. Pero lumipas ang panahon, walang ni kusing na tulong ang naiambag ng mga ito sa komunidad.

Katunayan, nagsawa na ang mga residente sa kapapatawag sa kanila sa mga “pulung-pulong” ng militar. May mga pagkakataong iniipon sila ng mga sundalo para sa pamimigay diumano ng “relief goods” pero sa gulat ng mga residente, “peace rally” pala ang dadaluhan nila. Walang pasabing bigla na lamang silang pinaghawak ng mga plakard, pinasigaw at pinasunog ng bandera habang kinukunan ng larawan. “Nakita ko na lang sa Facebook, anak, na isa na raw akong surenderi!” kwento ni Tatang.

“Kaya magandang masampolan ’yang mga yan, kadua!” galit na pahayag ni Makar. “Kahit ako na ang mag-gayd papunta sa pwedeng pagbirahan sa kanila. May pinupwestuhan sila sa taas. Doon sila nagpi-Facebook kasi doon lang may signal. Mas mainam doon na natin sila kumanduhin kasi walang sibilyan na tatamaan. Malayo pa sa kabahayan. Siguradong shoot sila sa butas.”

Sang-ayon kahit si Tatang at Nanang sa suhestyon.

___
Mula sa Baringkuas, rebolusyonaryong pahayagang masa ng Cagayan Valley.

Yunit pang-RCSP ng 77th IB, salot sa mamamayan ng Cagayan