Demolisyong kontra-maralita sa gitna ng krisis at paghihirap
Walang pakundangan ang rehimeng US-Marcos at mga pribadong korporasyon at negosyo sa pagpapalayas sa mga maralita mula sa kanilang mga komunidad nitong Abril. Ninanakaw ang kanilang karapatan sa bahay, kabuhayan at buhay sa gitna ng umiigting na krisis sa ekonomya dulot ng imperyalistang gera ng US at Israel sa Iran at kainutilan ng rehimeng US-Marcos.
Sa Quezon City, giniba noong Abril 9 ng National Housing Authority ang mga bahay at istruktura sa NIA Road, Barangay Pinyahan na naiwan matapos ang sunud-sunod na sunog sa komunidad. Pitong residente ang inaresto ng mga pulis sa kasagsagan ng demolisyon. Samantala, mahigit 30 pamilya ang pinalayas sa isang demolisyon sa Cambridge sa Barangay E. Rodriguez sa Cubao.
Sa Taguig City, binuwag ng halos 1,000 tauhan ng Monocrete Construction Company at 300 tauhan ng Philippine National Police (PNP) at SWAT ang barikada ng mga residenteng kontra sa demolisyon sa Panday Creekside, Barangay Palingon-Tipas noong Abril 13. Gumamit ang mga pulis ng tirgas at hinagisan ng mga bote ang mga residente, habang naka-abang na umasinta ang mga isnayper na pulis sa paligid. Pitong indibwal ang inaresto sa demolisyon.
Ilang bahay na ang giniba at tinatayang 300 pamilya ng mga sharer, renter at tenant ang mapalalayas sa komunidad. Umabot sa 218 residente ang pansamantalang nakatira sa tabing kalsada kabilang ang 35 bata, 14 matatanda, limang may kapansanan, at apat na buntis.
Sa Laguna, marahas na giniba ng Bambang Land Corporation at mga pulis ang mahigit 70 bahay sa Purok 6B, Barangay Bambang, Los Baños noong Abril 14. Pataksil na isinagawa ang demolisyon sa kabila ng dayalogo sa pagitan ng mga residente at ng kumpanya sa araw na iyon. Anim na dekada nang nakatira ang mga residente sa Purok 6B at noong 2004 ay kinilala ng gubyerno ang kanilang karapatan sa lupang kinatitirikan.
Sa Aklan, hindi bababa sa 40 pamilya ang naperwisyo sa pwersahang pagbabakod sa komunidad sa Calachuchi Road, Barangay Andagao, Kalibo noong Abril 15. Pinalibutan ng mga yero ang komunidad at ikinural ang mga residente, kabilang ang matatanda, mga buntis at bata. Pinalalayas ang mga residente ng may-ari ng lupa na si Jesus Daroy.
Sa Iloilo City, marahas na itinaboy ng lokal na gubyerno ang mga maglalako sa tabing kalsada at harap ng pribatisadong Iloilo Terminal Market na pinatatakbo ng SM Prime noong Abril 10 ng gabi. Isinagawa ito ng Local Economic Enterprise Office, ng PNP at SWAT. Kinumpiska ang kanilang mga produkto at ninakaw ang personal na kagamitan at pera ng mga maglalako. Sa sumunod na mga araw, nagpatuloy ang panggigipit at pagpapalayas sa kanila.
Sa Davao City, tinatayang 100 pamilya ang pinalayas sa demolisyon ng lokal na gubyerno sa komunidad sa Matina Aplaya noong Abril 14. Nagpaplanong magsampa ng kaso sa korte ang mga residente laban sa iligal na demolisyon.
Samantala, marahas na binuwag ang kampuhan ng mahigit 2,000 maralitang-lunsod mula sa Quezon City, Caloocan City at Bulacan sa pambansang upisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Barangay Batasan Hills, Quezon City simula Abril 13. Iginigiit nila ang kompensasyon o bayad-pinsala sa mga nasalanta ng kalamidad simula pa noong 2025. Paulit-ulit na tinakot at dinahas ng mga pulis ang mga maralita kabilang ang matatanda at kababaihan.
Ayon sa Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (Kasama), alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines, ibayong natutulak ang mga maralita at mala-manggagawa na bagtasin ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan sa harap ng tumitinding panunupil at pagsasamantala sa kanila. Panawagan ng grupo na palakasin at konsolidahin ang kanilang mga batayang organisasyon—mga unyon, samahan sa mga komunidad, organisasyon sa mga linya ng kabuhayan, at mga organisasyong bayan—at ang mga rebolusyonaryong organisasyon ng mga manggagawa at mala-manggagawa.
“Dapat puspusan pang palakasin at palawakin ng ating kilusan ang mga pakikibaka para sa demokratikong karapatan sa pamamagitan ng mga militanteng pakikibakang masa na humahamon at lalong magsasakdal sa mismong pundasyon ng reaksyonaryong sistema,” anito.