Paggamit ng militar ng US sa mga sibilyang pasilidad sa Pilipinas, napakamapanganib
Garapalan ang imperyalismong US sa paggamit at pagsasapanganib nito sa mga sibilyang pasilidad at lugar sa mga operasyon nito sa Pilipinas. Katuwang ang tutang Armed Forces of the Philippines (AFP), naghambog pa ang mga upisyal nito sa ginawang “kauna-unahan” na paglalagak ng gamit-militar sa Mindanao at paglilipat ng mga ito tungong Luzon gamit ang mga barkong sibilyan. Kaakibat ito ng isinasagawang patung-patong na mga war games mula Enero na rururok sa sinasabing pinakamasaklaw na Balikatan ngayong Abril.
Noong Marso 12-15, ipinwesto ng US ang mga sasakyang pandigma sa sibilyang daungan ng Cagayan de Oro City, at inilipat ang mga ito tungo sa Subic Freeport gamit ang mga komersyal na barkong ro-ro. Kasabwat ang 4th ID, lihim na isinagawa ang tinawag nitong “rehearsal” o pag-ensayo ng mabilis na paglilipat at pagkakalat ng mga gamit pandigma sa buong kapuluan. Sampal sa mukha ng mga Cagayanon na isinagawa ang pagpupwesto ng mga gamit sa daungan lingid sa kanilang kaalaman matapos silang magpahayag ng kanilang pagkabalisa sa presensya ng US sa kanilang syudad.
Ginamit naman ng US ang Cebu South Port sa tinawag nitong Wartime Repair and Maintenance Exercise o SWARMEX noong Marso 25. Sangkot sa war games na ito ang USS Ashland (LSD-48), isang island-class landing ship, na dumaong sa pyer para diumano’y isagawa ang “wartime repair” o pagkukumpuni ng mga sirang dulot ng digma. Tinatanaw ng US na gawing bahagi ang Cebu sa inilalatag nitong “unsinkable repair network” ng mga barkong pandigma nito sa Asia.
Ang Cagayan de Oro Port at Cebu South Port ay kapwa mga sibilyang pasilidad. Sentro ang mga ito ng komersyo at transportasyon ng mga produkto at biyahero sa Visayas at Mindanao. Malaking pinsala sa lokal na mga ekonomya kung madamay ang mga ito sa gera ng US. Kasalukuyan nang ginagamit ng US bilang “EDCA site” ang mga paliparan sa dalawang syudad.
Nitong Abril, binuksan ng US ang bidding para sa konstruksyon ng oil depot sa Davao Gulf. Noon pang Agosto 2025 inianunsyo ang planong pagtatayo ng oil depot na bahagi ng estratehikong pag-iimbak ng langis para sa mas mabilis na pagmaniobra ng mga pwersang US sa oras ng isang “high intensity missile environment.” Ibig sabihin, anumang oras ay maaaring sumiklab ang masidhing armadong sigalot sa pagitan ng US at mga kalaban nito, gamit ang mga misayl at ibang armas na nakatuon na sa mga base militar nito sa Asia Pacifc.
Pinili ng US ang Cagayan de Oro, Cebu at Davao dahil sa relatibong layo ng mga ito sa kanlurang bahagi ng bansa, kung saan nakapwesto ang malalaking Amerikanong base militar. Sa taya mismo ng US, kapaki-pakinabang ang mga lokasyon dahil tiyak na unang tatargetin ng mga kalaban nito ang Subic, Clark at iba pang base militar nito sa Luzon.
Dispersal ng mga gamit pandigma
Ang war games ng US sa Cagayan de Oro at Cebu, gayundin ang planong oil depot sa Davao, ay nakabalangkas sa konseptong “distributed maritime operations” (DMO). Sa ilalim nito, ikinakalat ng US ang mga gamit, panggatong, tropa at armas sa mga isla para “pagkaitan ng target” ang mga kalaban nito. Layunin ng mga “rehearsal” na ito ang pagsasanay sa mabilis na paglilipat-lipat ng mga gamit militar (sasakyan, misayl, kanyon at iba pa) gamit ang mga “host-nation infrastructure” o mga pasilidad ng Pilipinas, kapwa militar at sibilyan.
Hindi bago ang paggamit ng US ng mga sibilyang gamit at serbisyo sa mga operasyong militar nito. Tinatawag na “21st Century Foraging,” aktibong naghahanap ang US ng sibilyang mga pasilidad, rekurso at serbisyo sa halip na “umasa sa mga tradisyunal na linyang suplay pangmilitar.” Binubuo nito ang tinatawag na “hybrid na militar-sibilyan” na linya ng suplay.
Sa Pilipinas, may nakalatag nang gayong “hybrid” na linya ng suplay sa Clark Airbase at Subic Freeport, dating mga base militar na ngayon ay pinatatakbo ng mga ahensyang sibilyan. Pinalalawak ito ng US sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pabrika at bodega sa mga export processing zone sa Aurora at Cagayan.
Target ng mga kalaban ng US
Sadyang isinasapanganib ng US ang Pilipinas sa paggamit nito ng mga sibilyang imprastruktura at komunidad sa paggamit ng mga ito sa mga layuning militar. Pinalalabo nito ang pagkakaiba ng sibilyan sa militar, at ginagawang target ang mga sibilyang buhay, komunidad at ari-arian. Sabihin man nitong mga “rehearsal” lamang ang isinagawang mga war games sa Cagayan de Oro at Cebu, malinaw na sinusubok nito ang kakayahan ng mga daungan at karagatan bilang paghahanda sa pinasisiklab nitong imperyalistang gera sa Asia.
Sa ilalim ng internasyunal na makataong batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtarget sa mga sibilyang ari-arian sa panahon ng digma. Subalit ang mga ito, kapag ginamit sa layuning militar, ay maaaring asintahin bilang target militar. Dahil ginagamit ng militar ng US para maghatid ng mga tangke, misayl at iba pang kagamitang pandigma, ang mga sibilyang barge o ro-ro, pati na ang mga daungan at paliparan ay maaaring asintahin ng mga kalaban ng US sakaling sumiklab ang gera, at magsasapeligro maging sa mga manggagawang nagpapatakbo ng mga ito. Ginawa ito ng mismong militar ng US sa pambobomba nito sa mga sibilyang imprastruktura sa Iran sa pagkakatwirang nagsisilbi ang mga iyon sa mga layuning militar ng bansa.