Mga menor-de-edad, sapilitang "pinasusuko" ng 19th IB
Dalawang menor-de-edad SA Northern Samar ang paulit-ulit na pinuntahan ng mga sundalo ng 19th IB sa kanilang bahay sa Barangay Paco, Las Navas para sapilitang “pasukuin” noong Abril 8. Ang mga kabataan ay magkapatid na 17 at 15 taong gulang.
Sila ay mga anak ng magsasakang si Edwar Yanay na matagal nang target ng militar sa kampanyang pagpapasuko dahil sa paratang na may kaugnayan siya sa rebolusyonaryong armadong kilusan. Paraan ang pagpapasuko sa kanila para palitawin ang kanilang ama at kalaunan ay pasukuin.
Pinapupunta ng mga sundalo ang magkapatid sa hedkwarters ng 19th IB sa Barangay Opong, Catubig. Sa takot ng nakatatandang kapatid, lumayas siya sa kanilang bahay sa Barangay Paco at hanggang ngayon ay hindi mahanap ng mga kaanak. Maliban sa kanila, ang ibang myembro ng pamilyang Yanay ay hinaharas at ipinaiilalim rin ng 19th IB sa intimidasyon.