Pagpupugay sa mga bayani at martir ng sambayanan Saanman may nabuwal, mayroong bagong sumisibol

,

Bilang pagdakila sa buhay na inialay ng mga bayani at martir ng sambayanang Pilipino, ang iniwan nilang mga sandata at tungkulin ngayo’y mahigpit na agap ng mga bagong sibol na mga kadre, mandirigma, aktibista at masang nagsusulong ng adhikain para sa pambansang paglaya at demokrasya.

Kinikilala ng rebolusyonaryong kilusan ang kanilang kabayanihan. Ngayong linggo, Abril 17-24, inilulunsad ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang Linggo ng Paggunita at Pagpaparangal sa Mga Bayani at Martir ng Sambayanang Pilipino.

Sa nagdaang taon, ilampung kadre ng Partido at Pulang mandirigma at kumander ng BHB ang namartir sa pakikipaglaban sa pasista-teroristang rehimeng Marcos. May ilang kasama na pumanaw sa sakit at karamdaman o namatay sa piitan. Hanggang sa kanilang huling hininga, matapat silang naglilingkod sa sambayanan.

Mga huwarang lider at kumander

Si Kasamang Luis Jalandoni (Ka Louie) ay pumanaw sa edad na 90 taong gulang noong Hunyo 7, 2025 sa Utrecht, the Netherlands. Hindi kailanman malilimutan ang mga ambag niya sa pagpapalakas ng Partido at NDFP at sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Bilang dating pinunong negosyador at kinatawan ng NDFP, kinilala siya bilang matatag na tagapagtaguyod ng kapayapaan, internasyunalista at rebolusyonaryo.

Inaalala rin ang mga ambag ni Patricia Corazon Casambre (Ka Alice), 79. Sa loob ng maraming taon, nagbigay siya ng mahahalagang kontribusyon at namuno sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka. Gumampan siya ng gawain sa pag-oorganisa, sa edukasyon, pagsasalin at paglilimbag ng mga akda sa ilalim ng Aklat ng Bayan, at tumuwang sa gawain sa negosasyong pangkapayapaan ng NDFP.

Sa Visayas, malaking puwang ang iniwan ng pagkamartir nina Roberto Moises Cabales (Ka William) ng Panay at Reynalde Erecre (Ka Amek) ng Negros Island. Kapwa sila nangungunang mga lider at kadre ng Partido at mga kumander ng BHB sa kanilang mga rehiyon.

Sa Mindanao, hindi malilimutan ng mga maralita at manggagawa, at ng mga Lumad, Moro at masang magsasaka sa kanayunan ang alaala ni Anthony Narvasa (Ka Magaw). Kumilos siya bilang organisador at Pulang mandirigma sa Northern, Southern at sa Far South Mindanao, kung saan siya nagsilbing namumunong kadre ng komite ng Partido.

Sa Bicol, nakaukit sa puso ng mga magsasaka at magkokopra ang pangalan ni Roberto delos Santos (Ka Bogs/Ino) bilang kanilang lider at mandirigma. Matagal siyang nagsilbi sa masang Sorsoganon at nitong huli sa Camarines Norte.

Sa Southern Tagalog, namartir ang Pulang kumander na si Jordan Mopon (Ka Sy). Nasilbing punong kumander si Mopon ng BHB-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command) at kagawad rin ng BHB sa Southern Tagalog (Melito Glor Command).

Mga bayani ng bayan at mga pambansang minorya

Mula sa tribung Butbut ng Kalinga, inialay ni Victor Daligdig (Ka Changli) ang halos 20 taon ng kanyang buhay sa paglilingkod sa mga kapwa Igorot at masa ng Cordillera bilang Pulang mandirigma ng BHB-Kalinga (Lejo Cawilan Command). Bago nito, myembro at organisador siya ng Kabataang Makabayan-Demokratiko nga Alyansa ti Agtutubo iti Kordilyera na nasa ilalim ng Cordillera People’s Democratic Front.

Mahusay na lider ng katutubong Mangyan-Buhid at kumander ng BHB sa Mindoro (Lucio de Guzman Command) si Oma Dag-od (Ka Nixao). Sa kilusan na siya natutong sumulat, magkwenta at magbasa kasama ng iba pang Buhid. Isa siyang matapang at mapangahas na Pulang kumander na hindi inuurungan ang mga gawain sa rekoberi, reaktibasyon at ekspansyon.

Anak ng minoryang Dulangan Manobo, pinanday si Rosa Kian (Ka Roxanne) sa mga pakikibaka sa kabundukan ng Daguma bago sumapi sa BHB. Nakipagkapit-bisig siya sa mga Lumad para palayasin ang mapangwasak na mina, pagtotroso at mga korporasyon sa enerhiya na kumakamkam sa kanilang lupang ninuno. Nang maging Pulang mandirigma, tinibag niya ang dalawang pader ng pagsasamantala—ang patriyarkiya at pambansang pang-aapi.

Sakripisyo ng mga nakatatanda at kabataan

Walang edad ang kahandaan na mag-alay ng buhay para sa masang Pilipino. Sa nagdaang taon, nagbuwis ng buhay para sa masa ang ilang matatanda at mga kabataang Pulang mandirigma.

Sa Negros Oriental, nag-alay ng buhay para sa mga Negrosanon ang mag-asawang Pulang mandirigma na sina Pedro Gemodo, 61, at Juliana Arculo Gemodo, 63. Bago sumapi sa BHB, ang mag-asawang Gemodo ay dalawang dekadang myembro ng samahang magsasaka sa Guihulngan City hanggang 2010. Dahil sa panggigipit at pagbabanta ng militar sa kanilang buhay, nagpasya silang sumapi sa BHB.

Sa Kabankalan City sa Negros Occidental, namartir ang tatlong kabataang Pulang mandirigma na sina Ritchell Verano (Ka Makoy), 26, Milky Sampini (Ka Gorting), 29, at Joedil (Ka Junjun), 21. Naging martir din ang dating lider-estudyante na naging Pulang mandirigma na si Dee Supelanas (Ka Dahlia), na bahagi ng Tapi 7. Maiksi man ang nailaang panahon sa pagsusulong ng rebolusyon, walang katumbas ang mga ambag nila sa rebolusyonaryong gawain sa isla.

Sa Samar, ang kababaihang kabataan na si Jennifer Paclita (Ka Jenny), 18, ay naging huwaran ng katatagan. Bilang sagot niya sa mga kamag-anak na pilit siyang pinasusuko, matiyaga niya silang pinagpaliwanagan ng kawastuhan ng armadong pakikibaka.

Ang mga martir ng sambayanang Pilipino ay hindi matitibag na mga bantayog ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Ipinamalas nila ang hindi matatawarang kapasyahan na makibaka katuwang ng masang Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Walang ibang pinakamainam na pagpaparangal sa kanila kundi ang patuloy na bagtasin ang mahaba pa at mahirap na daan tungo sa ganap na tagumpay. Puspos ng kanilang rebolusyonaryong diwa, patuloy na magpunyagi sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan para likhain ang isang maaliwalas na hinaharap.

Saanman may nabuwal, mayroong bagong sumisibol