Pinakamataas na pagpupugay sa mga martir ng Toboso
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga martir ng sambayanang Pilipino na nasawi noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental.
“Habang nagdiriwang at nagpipyesta ang mga naghaharing uri, balot ng lungkot ang inaaping mamamayan sa pagkasawi ng mga Pulang mandirigma na nag-alay ng kanilang lahat para labanan ang mga pasistang halimaw,” pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP. “Pinalalabas ng mga pasista ang mga nabuwal na kasama bilang mga ‘kriminal’ at ‘terorista’ para pagtakpan ang kanilang walang-habas na gera ng panunupil at itago ang malalalang abuso laban sa mamamayan.”
Sa gitna ng disimpormasyon at kasinungalingan ng AFP, batid ng mamamayan ng Toboso at buong Negros ang katatagan ng mga Pulang mandirigma sa laban para sa mga karapatan nilang mga aping magsasaka. Itinuturing nila ang kanilang mga Pulang mandirigma bilang sariling mga anak, na walang pag-iimbot na naglingkod sa kanila bilang mga mga duktor, dentista, katulong sa produksyon, at guro.
“Balutin natin ang kanilang mga kabaong ng Pulang bandila ng rebolusyon, itaas ang ating mga kamao at isigaw ang kanilang kabayanihan habang inihahatid natin sila sa kanilang huling hantungan,” panawagan ni Valbuena. Tiyak na marami pa ang mabibigyan ng inspirasyon ng kanilang mga sakripisyo para lumaban at isulong ang rebolusyon para sa pambansang paglaya at demokrasya.
Samantala, dapat ilantad at batikusin ang dinaranas na matinding militarisasyon ng magkatabing barangay ng Salamanca at San Jose. Dahil dito, mahigit 600 indibidwal ang napilitang magbakwit at pansamantalang tumigil sa sentro ng ebakwasyon. Dapat ipanawagan ang paggalang sa kanilang mga karapatan.