Pakikipamuhay sa mga sonang gerilya

,

Sa gitna ng sumasahol na korapsyon, krisis at pasismo, lumalakas ang panawagan na isulong ang digmang bayan para wakasan ang naghaharing bulok na sistema. Dahilan ito kung bakit bukas na bukas ang pintuan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa lahat ng nais lumahok sa pag-ukit ng bagong kasaysayan ng bansa.

Bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-57 anibersaryo ng BHB, kinapanayam ng Ang Bayan ang mga kumander at kadre ng mga yunit sa Luzon upang talakayin ang dumaraming bilang ng mga nagtutungo sa kanayunan, laluna ang mga kabataan, na nagnanais makipamuhay sa mga Pulang mandirigma at masa sa mga sonang gerilya.

Sa paglahok ng mga nakikipamuhay sa kolektibong pagbalikat ng araw-araw na gawain sa hukbong bayan, lalong humihigpit ang kanilang paggagap sa kawastuhan ng armadong pakikibaka, at ibayong tumatatag ang kanilang paninindigan na sumapi sa BHB.

Paghahanda ng mga yunit

Hangga’t maari, sinisikap ng yunit na tanggapin ang lahat ng nais makipamuhay. Bilang paghahanda, masusing pinag-aaralan ng yunit ang sitwasyong militar at iniaayon ang mga gawain para pahalagahan ang mga layunin ng mga kasamang nakikipamuhay. Sa pulong ng kumand, pinag-uusapan ang proseso ng pagpasok ng mga dadalaw at ano ang magiging programa nila batay sa ipinasang rekomendasyon at mungkahi. Inaalam din kung ano ang kasarian at uring pinagmulan ng bibisita. Inihahanda ang dagdag na suplay na kakailanganin tulad ng duyan, tent, gamit pangkatawan, pagkain at iba pa.

Sa lahat ng paghahanda, susing katuwang ng mga kumander at mandirigma ang masa at sangay ng Partido sa lokalidad.

Ang programa na binubuo para sa mga bisita ay nakabatay sa tagal ng panahon na kanilang ilalaan, ano ang inaasahan, gustong matutunan at kanilang kalakasan at kahinaan. Bahagi ng programa ang mga pag-aaral sa pulitiko-militar, pagsasanay sa martial arts at self defense, batayang pagsasanay medikal, at mga pag-aaral sa Partido at hukbo. Ipinauunawa ng yunit sa mga bisita ang maaaring maging limitasyon sa kanilang nais na makamit ayon sa kalagayang militar.

Prayoridad sa mga makikipamuhay na maging bahagi sa gawaing masa, gawaing produksyon, gawaing pangkultura, mga palihan, pagbibigay ng pag-aaral, pagbubuo ng grupo at iba pang gawain sa hukbo tulad ng gawain sa lohistika, medikal, at iba pa.

Paghahanda ng mga dadalaw

Hinihikayat ang mga bibisita na paghandaan ang maaari nilang maranasan sa buhay gerilya. Bago pa pumasok sa sona, tiyaking napag-aralan ang batayang mga dokumento at regulasyon ng BHB. Higit sa lahat, tiyakin na buo ang paninindigan, at handa ang katawan at kaisipan.

“Pwede kayong makaranas ng ‘grand experiences,’ pwede ring ‘mundane moments,” ayon kay Ka Armand, isa sa mga namumuno sa nakapanayam na mga yunit. Hinikayat niya ang mga nakikipamuhay na “habang narito, maging aktibo kayo sa araw-araw na buhay ng hukbo, sulitin ang bawat oras at minuto.”

Pinapayuhan niya ang sinumang bibisita na huwag mahiya na magtanong kapag may gustong malaman, makipagtalakayan sa mga kasama at lumahok sa lahat ng gawain—teknikal man o pulitikal. Kung may bagay o gawain na nahihirapan, ipagbigay alam agad sa lider ng iswad o sa inyong punong-abala.

“Huwag itrato ang sarili bilang simpleng bisita, dahil integral ka-yong bahagi ng hukbo sa bawat panahong narito,” payo ni Ka Arman.

“Maging handa na posibleng makaranas ng labanan, mahahabang lakaran at iba pa, laluna at naglulunsad tayo ng armadong pakikibaka,” aniya. Nagpaalala siya na dapat ingatan ang mga personal na gamit, at tiyaking walang mahalagang naiiwan.

“Kapag malampasan mo na ang mga di nakasanayang paraan sa sarili tulad ng pag-CR, pagtulog, paglalakad at iba pa, magiging madali na ang lahat,” aniya.

Bukod sa mga gamit na pang-sona, dapat ihanda ng mga makikipamuhay ang kanilang pangangailangan, tulad ng mga gamot kung may di karaniwang mga sakit at iba pa.

“Maganda rin syempre kung may dalang pasalubong para sa mga kasama,” biro niya.

Higit sa lahat, mahalagang ihanda ang sarili sa pagtugon sa panawagan ng demokratikong rebolusyong bayan na magpasyang magpultaym sa BHB.

Pakikipamuhay sa mga sonang gerilya