Despotikong PML at retiradong sundalo, napatay sa operasyon ng BHB
Ipinatupad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Romeo Nanta Command) ang rebolusyonaryong hustisya sa hatol na parusang kamatayan sa despotikong panginoong maylupa at lider ng armadong grupong Alsa Masa na si Philippine Army 2LT Rodolfo Fajardo (Ret) noong Abril 12. Inambus ng hukbong bayan si Fajardo sa Barangay Payao, Binalbagan, Negros Occidental.
Isinagawa ang pagparusa alinsunod sa atas ng hukumang bayan sa erya. Nahatulan siyang maysala ng rebolusyonaryong korte sa mga kaso ng malawakang pangangamkam ng lupa, maraming bilang ng pagpatay, at lubhang pag-aabuso sa kapangyarihan. Hindi bababa sa 14 ang mga magsasakang pinatay at ipinapatay ni Fajardo sa mga serye ng masaker, panununog at ekstra-hudisyal na pagpatay. Nagsilbi rin siyang kumander ng detatsment sa Barangay Cansalungon, Isabela noong 1985-1986. Kaya naman, malugod na sinalubong ng mga pamilya ng mga biktima ni Fajardo ang pagparusa sa kanya.
Samantala noong Abril 16 ng gabi, naglunsad ng operasyong haras ang BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) laban sa tropa ng 79th IB sa Sityo Tub-an, Barangay Marcelo, Calatrava.