Mga protesta

,

 

Mga magbubukid, nagkampuhan kontra VAT. Naglunsad ng kampuhan noong Abril 8-13 ang daan-daang magsasaka, mangingisda, manggagawang-bukid sa tubuhan at iba pang sektor mula sa District 1 ng Batangas sa Liwasang Bonifacio sa Maynila. Nagprotesta sila House of Representatives sa Quezon City sa huling araw ng kampuhan. Panawagan nila ang pagtanggal ng value-added tax (VAT) at excise tax sa mga produktong petrolyo, pagtataas ng sahod, at pagbababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Mga taga-Laguna, nagpiket kontra sa mapaminsalang sanitary landfill. Nagprotesta ang mga residente ng Barangay Imok, Calauan, Laguna sa Laguna Provincial Capitol noong Abril 8 para tutulan ang plano ng South Luzon Waste Management Corporation na magtayo ng 84.23-ektaryang sanitary landfill sa kanilang komunidad. Itinaon nila ang pagkilos sa araw ng espesyal na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan kung saan ibinasura ang permit para sa proyekto.

Petisyon kontra pribatisasyon sa Cebu. Sinimulan noong Abril 11 ng iba’t ibang sektor at grupo sa Cebu City sa pangunguna ng Carbon-hanong Alyansa ang pangangalap ng 100,000 pirma laban sa pribatisasyon ng Carbon Public Market. Isusumite sa Cebu City Council ang petisyon para hilingin ang isang lehislatibong hakbang at pagrepaso sa kasunduan sa pribatisasyon.

Lider-manggagawa sa Davao, panawagang ilitaw. Nagprotesta ang mga progresibong grupo sa Davao City noong Abril 9 para muling ipanawagan ang paglilitaw sa desaparesidong lider-manggagawa ng Southern Mindanao na si William Lariosa. Huling namataan si Lariosa sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon noong Abril 10, 2024 kung saan dinukot siya ng mga elemento ng 48th IB.

Pagpapahirap ng IRRI, muling kinundena. Nagprotesta ang mga grupong magbubukid at kabataan sa harap ng International Rice Research Institute (IRRI) sa Los Baños, Laguna noong Abril 13 upang kundenahin ang nagpapatuloy na pagpapahirap ng institusyon sa mga magsasaka at hindi makataong paggamit ng lupa ng pamantasan. Ipinagdiwang ng institusyon ang ika-66 taong pagkatatag nito noong Abril 4.

Mga protesta