Protestang bayan kontra krisis sa langis at gerang agresyon ng US

,

Iba’t ibang porma ng pagkilos ang isinagawa ng mga drayber at opereytor ng pampublikong transportasyon, mga manggagawa, maralitang-lunsod, kabataang estudyante at iba pang sektor noong Abril 15-17 laban sa napakataas na presyo ng langis at gerang agresyon ng US at Israel sa Iran at iba pang parte ng Middle East. Sa balangkas ng tinawag nitong protestang bayan, inilunsad ang tigil-pasada, walkout, piket, kalampagan, konsyerto, kampuhan, tigil-palaot, at motorcade sa Metro Manila, at sa ibang syudad at prubinsya.

Sa pangunguna ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide), ikinasa ng mga drayber at opereytor ang protesta sa hindi bababa sa 10 sentro sa Metro Manila. Mayroon ding protesta sa Legazpi City at apat na sentro sa Cebu City.

Naparalisa ng pinagsanib na tigil-pasada ng Undoc-Piston, KNETCO at Bacod-Manibela ang mga ruta sa Bacolod City noong Abril 15. Samantala, nagkasa ng hiwalay na tigil-pasada ang grupong Manibela sa Metro Manila at iba pang syudad noong Abril 15-17.

Nag-walkout sa klase ang mga estudyante ng University of the Philippines-Diliman noong Abril 15. Ginamit din nila ang mga konsyerto sa UP Fair noong Abril 15-18 para itampok ang mga panawagan kontra gerang agresyon ng US, mataas na presyo ng langis at krisis sa ekonomya.

Nagtigil-palaot ang mga mangingisda ng Cavite at Navotas City noong Abril 17 bilang parte ng mga pagkilos. Sa araw ding iyon, sumugod at nagprotesta ang grupong Kalikasan sa hedkwarters ng Shell sa Bonifacio Global City sa Taguig City para kundenahin ang pagkaganid sa tubo ng kumpanya.

Bahagi rin ng protestang bayan ang welga ng mga manggagawa ng Kowloon House West at ang kampuhan ng mga maralitang-lunsod sa DSWD, kapwa sa Quezon City.

Nakiisa ang mga komyuter at tagasuporta sa pagtatayo ng mga kusinang bayan at community pantry para sa mga drayber at opereytor. Sa pangunguna ng PARA-Commuters’ Network, nailunsad ang inisyatiba sa Metro Manila, mga syudad ng Baguio, Batangas, Cebu, at Davao. Malawakang lumahok dito ang mga estudyante mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan at unibersidad. Isinasakdal nito ang kainutilan ng rehimeng Marcos na tugunan ang hinaing at kagutuman ng mga maralita. Noong Abril 18, isang rider ng motorcycle taxi ang namatay sa Quezon City habang nakapila para makatanggap ng karampot na ayuda ng rehimen.

Samantala, nagsumite ng petisyon para sa ₱10 taas-pasahe ang Piston noong Abril 20 sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maka-sabay ang kita ng mga drayber sa harap ng napakamahal na diesel. Sa araw ding iyon, nagprotesta ang Bus Employees Association of the Philippines sa LTFRB para singilin ang ahensya. Simula Abril 21, inilulunsad ng mga grupo ang bagong serye ng protestang bayan.

Protestang bayan kontra krisis sa langis at gerang agresyon ng US