Panawagang itigil ang imperyalistang digma ng US sa Iran, lumalawak

,

Lumalawak ang panawagan para sa pagpapatigil sa imperyalistang digma ng US, katuwang ang Israel, laban sa Iran at iba pang bahagi ng mundo. Noong Abril 9, daan-daang myembro ng mga pambansa-demokratikong organisasyon ang nagmartsa patungo sa embahada ng US para kundenahin ang US sa pang-aatake at tuluy-tuloy na pambabanta nito sa mamamayan ng Iran. Sa kabila ng nabuong kasunduan sa tigil-putukan, nananatiling di istable ang rehiyon dahil sa pagpupumilit ng US na isuko ng Iran ang soberanya at karapatan nito sa Strait of Hormuz.

Kinundena rin ng mga nagprotesta ang pagkaladkad ng rehimeng US-Marcos sa mamamayang Pilipino sa mga walang katapusang imperyalistang gera na nagbunsod ng pagsirit ng presyo ng langis, at kasabay nito ng pagkain at iba pang bilihin. Nagkaroon ng katulad na pagkilos sa Cagayan Valley na lugar ng mga upisyal at di upisyal na EDCA site.

Noong Abril 14, itinayo ng mga akademiko, guro at empleyado ng mga unibersidad sa UP Diliman sa Quezon City ang Coalition of Academics Against US Aggression, ang kanilang koalisyon laban sa gerang agresyon ng US. Nangangalap na rin ng pirma ang mga nasa sektor ng syensya at teknolohiya para sa pagtatayo ng katulad na alyansa.

Itigil ang Balikatan

Nagprotesta sa harap ng Camp Aguinaldo sa Quezon City ang mga pambansa-demokratikong grupo noong Abril 20, unang araw ng Balikatan, para ipatigil ito at iba pang war games ng US sa Pilipinas. Anila, ang papalaking presensya ng militar ng US ay kumakaladkad sa Pilipinas sa mga gerang agresyon nito. Gayundin, winawaldas dito ang bilyun-bilyong pera ng mamamayan, kapwa ng mga Amerikano at Pilipino, habang milyun-milyon ang nagdurusa dahil sa panggegera ng US sa Iran.

Mula Enero, di bababa sa anim na war games at aktibidad militar ang isinagawa ng US sa bansa. Ginamit nito ang mga sibilyang daungan at paliparan sa mga syudad ng Cagayan de Oro, Cebu at Tacloban. Tatlo ring paglalayag, sa tabing ng maritime cooperation, ang isinagawa nito sa South China Sea para panghimasukan ang mga sigalot pandagat sa pagitan ng China at mga bansa sa Southeast Asia.

Para gawing normal ang kanilang presensya, naglunsad ang mga yunit ng US ng mga operasyong sibil-militar sa prubinsya ng Quezon at Tuguegarao City. Inilunsad rin nito noong Abril 6-9 ang Salaknib, na nilahukan ng 7,000 tropang militar. Lumundo ang lahat ng ito sa Balikatan 2026, na sinasabing “pinakamalaki” at “sasaklaw sa buong arkipelago.” Lalahukan ito ng 17,000 tropa, kung saan 10,000 ay Amerikano at ang iba ay galing sa Pilipinas, Japan, France, Australia, Canada at New Zealand. Para sa isang aktibidad na para diumano sa “rehiyunal na seguridad,” ni isang bansa sa Southeast Asia ay walang lumahok dito.

Kontra Pax Silica

Kinundena rin ng mga patriyotikong grupo ang pagpasok ng rehimeng Marcos Jr sa Pax Silica, isang programa ng US kung saan magiging bahagi ang Pilipinas sa pagsusuplay sa militar ng US ng kritikal na mga mineral na mahalaga sa paggawa ng mga gamit pandigma. Isa sa mga plano ng US ang pagtatayo ng 1,619-ektaryang “economic security zone” sa Luzon para sa produksyon ng mga elektroniks na gagamitin sa kanilang mga misayl, eroplanong pandigma at drone.

Ang sonang ito ay pamamahalaan ng US nang di nagbabayad ng upa nang hanggang 99 taon. Gagawaran ito ng diplomatic immunity, tulad ng embahada ng US. Ibig sabihin, hindi ito ipaiilalim sa mga batas ng Pilipinas at sa halip ay ang batas ng US ang iiral sa loob ng sona sa ekonomya. Tulad ng mga sundalo nila, ligtas sa batas at parusa ng Pilipinas ang kanilang mga tauhan dito, anumang krimen ang maaari nilang magawa.

Panawagang itigil ang imperyalistang digma ng US sa Iran, lumalawak