Militarisasyon sa BARMM, panunupil ng mga mandarambong

,

Sinasabotahe ng rehimeng Marcos ang prosesong pangkapayapaan sa Bangsamoro upang bigyang matwid ang patuloy na pagpakat ng malaking pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para pangalagaan ang interes ng mga mangangamkam ng lupa at mandarambong ng yaman ng mamamayang Moro.

Mula nang pirmahan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), tuluy-tuloy ang pagpapalit-gamit ng mga lupa sa mga lugar sa rehiyon na diumano’y “conflict-ridden” o batbat ng sigalot. Sa tabing ng “pang-ekonomyang pag-unlad” at “ibinungang kapayapaan” ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ibinukas ang malalawak kalupaan at karagatan sa mga lokal at dayuhang plantasyon, pagmimina, pasilidad pang-enerhiya at iba pang mapangwasak na proyekto.

Ginagamit ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) ang AFP, katuwang ang mga paramilitar at pribadong armadong grupo, para hawanin ang daan para sa mga dayuhang kumpanya at kanilang lokal na mga kasosyo. Kinakasabwat nila ang ilang mayayamang Moro na nasa kapangyarihan ngayon.

Ginagamit rin ng rehimeng Marcos ang Southern Philippines Development Authority (SPDA) bilang “mekanismo” ng “pagbangon sa ekonomya at pagpapaunlad sa Bangsamoro.” Ang SPDA ay isang ahensyang itinayo noon pang 1975 sa panahon ng diktadurang Marcos Sr. Hawak ito mismo ng presidente para kontrolin ang daloy ng puhunan at kikbak sa mga proyekto. May awtoridad itong mag-angkin ng malalaking tipak ng lupa at magpalayas sa sinumang nakatira o nagsasaka dito. Bilang kunswelo, nagtalaga ang GRP ng mga kaalyado nitong Moro sa SPDA.

Mayayamang lupang agrikultural

Pinakamalaking proyekto ng SPDA ang Agro-Industrial Development Program sa bahagi ng Wao at Amai Manabilang sa Lanao del Sur, na ngayon ay pinasok ng mga Amerikanong kumpanya. Sinaklaw ng Asia Pacific Precision Agriculture Group at EcoPlanet Bamboo, pati ng Kennemer Foods (para sa Mars Inc.) ang 26,000 lupang pang-agrikultura. Pinasok rin ng SPDA ang Mount Kalatungan Agri Ventures, kasosyo ang kumpanyang Japanese na Sumifru, para sa isang 4,000-ektaryang plantasyon ng saging na pang-eksport sa Lanao del Sur. Gamit ang mga sundalo, pulis, at mga pribadong armadong grupo at CAFGU, pinalalayas ngayon sa mga lupaing ito ang libu-libong mga Moro, Lumad at setler na nagsasaka sa lugar.

Noong Nobyembre 2014, ilang buwan pagkatapos pirmahan ang CAB, “namuhunan” ang Unifrutti, isang subsidyaryo ng Amerikanong kumpanyang Chiquita Brands International, ng $120 milyon para maglatag ng plantasyon ng saging na saklaw ang dating Camp Abubakar ng MILF sa Maguindanao.

Sa Basilan, pinalawak ang dayuhang plantasyon ng oil palm. Nitong 2026, inanunsyo ng Kenram Palmoil Industries, Inc. ang planong paglalatag ng 12,000-ektaryang plantasyon ng oil palm. Ang malawakang kumbersyon ng lupa ay nagresulta sa pagkakalbo ng gubat at pag-agaw sa mga lupa ng mga magsasaka. Dati nang may mga plantasyon ng oil palm ang Kenram sa Maguindanao at South Cotabato.

Pagkukunan ng enerhiya

Isa sa pinakamayamang bahagi ng BARMM, at ng buong Pilipinas, ang 288,000-ektaryang Liguasan Marsh na sinasabing may potensyal na mapagkunan nang hanggang 4.8 bilyong bariles at 3.4 trillion cubic feet (TCF) na natural gas. Sa matagal na panahon, napreserba ang lugar na ito, kasama ang kalikasan at kabuhayan ng mga nakatira dito, dahil sa armadong pakikibakang Moro. Sa ilalim ng BARMM, ibinukas ang malaking bahagi nito sa eksplorasyon sa kabila ng mga babala ng pagkasira ng ekosistema at malawakang pagpapalayas sa mga komunidad. Pinangungunahan ng isang Pilipinong kumpanya ang eksplorasyon, kasosyo ang NextMetals, isang kumpanyang nakabase sa United Kingdom. Interesado rito ang malalaking kumpanyang Shell at Chevron.

Noong Oktubre 2025, ibinukas ni Ferdinand Marcos sa eksplorasyon para sa natural gas ang 1.31 milyong ektaryang karagatan sa arkipelago ng Sulu at Tawi-Tawi. Saklaw nito ang ancestral waters ng Tausug, Sama, Yakan, at iba pang katutubong Moro. Tinatayang mamimina dito ang humigit-kumulang 10 TCF ng natural gas (kasinglaki ng Malampaya). Iginawad ni Marcos ang kontrata sa mga kumpanyang nakabase sa Australia at UK, kasosyo ang malaking burgesya-kumprador na si Manuel Pangilinan.

Lugmok pa rin sa kahirapan at pang-aapi

Hindi ang Bangsamoro ang nakikinabang sa kontratang pinasok at papasukin ng GRP at ilan nitong kasosyong Moro. Sa loob ng mahabang panahon, isa ang BARMM sa may pinakamataas na tantos ng kahirapan (23.5%, doble sa pambansang abereyds). Sa datos ng estado, nananatiling pinakamahina ang BARMM sa literasiya, nutrisyon, edukasyon at pangkalahatang pagpapaunlad ng antas ng buhay sa buong bansa.

Daan-daanlibong Moro ang walang lupa at nahaharap pa sa pang-aagaw ng kanilang mga sakahan dahil sa pagpapalawak ng mga plantasyon at mga proyektong “pangkaunlaran.” Kalakhan ng itinuturing na may trabaho ay nasa agrikultura (60%) kung saan di regular at mababa ang sahod. Kahit sa pinaliit na datos ng estado, halos kalahati ng mga pamilya sa rehiyon (48%) ang salat sa pagkain.

Ang sahod dito ay nasa ₱366-₱411/araw, pinakamababa sa bansa. Sa taya ng Ibon Foundation, nasa ₱1,947 ang kailangang sahod para mabuhay nang disente ang isang 5-kataong pamilya sa rehiyon. Ang agwat sa minimum at nakabubuhay na sahod ay ₱1,606, pinakamalaki sa buong bansa. Huling pagtaas ng sahod dito ang kakarampot na ₱50 na iginawad noong Hulyo 2025.

Sa harap ng kalagayang ito, hindi kataka-taka ang pagtanggi ng MILF na ituloy ang pagsasalong nito ng mga armas. Hindi lamang nananatiling lugmok sa kahirapan ang kanilang mamamayan, sinasabotahe pa ng GRP ang pagkakataong mapamahalaan nila ang kanilang mga rekurso at mapaunlad ang buhay ng mga Moro.

Militarisasyon sa BARMM, panunupil ng mga mandarambong