Welga ng mga manggagawa ng Kowloon, nagbunga

,

Matapos ang anim na araw na welga, natulak ng mga manggagawan ng Kowloon House West Avenue sa Quezon City ang kumpanya na ipatupad ang dagdag sahod at ibigay ang benepisyo na matagal nang dapat ibinigay. Sa negosasyon noong Abril 20, napagkasunduan ang umentong ₱20/araw sa sahod at pagbibigay ng maneydsment ng utang nitong service charge na ₱570,000 sa mga manggagawa.

Ikinasa ang welga noong Abril 15 bilang tugon sa pambabarat ng maneydsment sa negosasyon para sa bagong collective bargaining agreement (CBA). Noong Abril 8, bumoto ang lahat ng mga manggagawa na ikasa ito.

Bago ang welga, huling alok ng kumpanya ang ₱13 kada araw na dagdag-sahod laban sa iginigiit ng mga manggagawa na ₱25. Ang halagang ito ay bahagi pa ng dagdag sahod na napagkasunduan sa kanilang 2020-2022 CBA. Humigit-kumulang ₱5.5 milyon na ang hindi naibibigay ng kumpanya na sahod at benepisyo.

Nagtagumpay ang welga dahil sa katatagan ng mga manggagawa at unyon nitong Glowhrain-KMU-Kowloon House West Chapter, at sa lawak ng suporta mula sa kapwa manggagawa, estudyante’t propesyunal at mga grupo. Lubos ang pasasalamat ng unyon sa lahat ng mga sumuporta sa kanila.

Welga ng mga manggagawa ng Kowloon, nagbunga