Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikalawang Kabanata: Mga Pundamental na Suliranin ng Sambayanang Pilipino



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


V. Burukratang Kapitalismo

1. Ang Kahulugan ng Burukratang Kapitalismo

Sa paghahari ng imperyalismong EU sa Pilipinas, nakita nito, tulad ng naunang mga kolonyalista, na mas madali kung sa umpisa pa lamang ay kunin na ang tulong ng mga lokal na traydor. Dahil kailangang pagbigyan at asimilahin ang malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa para makamit ang makasariling interes ng imperyalismong EU, ang mga kinatawang pampulitika ng mga mapagsamangtalang uring ito ay itinuturing ng imperyalismong EU na pinakamapagtitiwalaang katulong sa kolonyal na administrasyon.

Sa prinsipalya kinuha ng imperyalismong EU ang una nitong mga papet na burukrata. May ispesyal itong pagtatangi sa mga taksil sa rebolusyong Pilipino dahil magagamit sila nang husto para isabotahe ang rebolusyonaryong pagpupunyagi ng sambayanan at sobra ang kasabikan nilang patunayan ang katapatan sa mga bagong kolonyalista at samantalahin ang mga oportunidad na iniaalok sa kanila sa burukrasya at ekonomya.

Ang pangkatin ng mga kontrarebolusyonaryong ispekulador na nakagapang sa loob ng liderato ng gobyernong Aguinaldo ang unang grupo ng mga lokal na pulitikong pinayagan ng imperyalismong EU na mag-organisa ng partidong pampulitika sa Pilipinas. Ikinampanya ng Partido Federal nila ang pagkakabit ng Pilipinas sa Estados Unidos. Ang maging miyembro ng tradyor na partidong ito ay patunay na katapatan sa banderang dayuhan at nagsilbing garantya para makapasok sa kolonyal na burukrasya na itinatag ng imperyalismong EU.

Noong masyado nang di pinaniniwalaan at nahihiwalay ang Partido Federal, hiningi ng mga imperyalista ng EU ang burukratikong tulong ng Partido Nacionalista at ibinigay dito ang ispesyal na tungkuling payapain ang sambayanan sa pamamagitan ng mga islogang makabayan habang alilang tinutupad ang mga kolonyal na gawain. Walang pagkakaiba sa Partido Federal ang makauring liderato ng bagong partidong traydor na ito.

Matagal-tagal ding pinayagang maghari sa papet na pulitika ang Partido Nacionalista dahil mahusay ito sa pagtupad sa ispesyal na tungkuling magkunwaring pabor sa independensya habang pinipigil ang sambayanan na igiit ang kanilang mga soberanong karapatan. Gayunman, pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay sinigurado ng imperyalismong EU na ang pinakareaksyonaryong panig noon ng Partido Nacionalista ay maging isa pang partido nang sa gayo'y mapanatili ang sistemang may dalawang partidong nagbabantayan para matiyak na pareho silang nananatili sa loob ng lipunang malakolonyal at malapyudal.

Sa loob ng nakaraang dalawampu't limang (25) taon, ang Partido Nacionalista at ang Partido Liberal ay hindi nakakapagpahayag ng anumang pagkakaiba sa programa kaugnay ng mga saligang problemang imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Pwedeng lumipat ng partido ang masusugid na kampon sa bawat antas ng dalawang partido, nang walang kailangang ibigay kundi ang pinakamababaw na dahilan. Noon pa ma'y lagi nang magkatulad ang mga papet na partidong pampulitikang ito, tulad ng Partido Demokratiko at Partido Republikano sa Estados Unidos o ng Coca-Cola o Pepsi-Cola.

Masyadong naghahalukayan ng baho ang dalawang reaksyonaryong partidong ito, laluna sa isyu ng katiwalian. Pero pareho nilang iniiwasan ang pundamental na mga isyung kaugnay ng paghaharing dayuhan at pyudal sa ating bayan. Unang-una na, ang nagbibigkis sa kanila ay ang pagpapaalipin nila sa imperyalismong EU at sa mga lokal na uring mapagsamantala, at ang paghahangad nila sa pribadong yaman. Banggaan lamang ng mga paksyon at pangkatin ang pinakagrabe nang hidwaan nila. Abala sila sa mga awayan tungkol sa nakukurakot sa kolonyal na burukrasya.

Ang malalaking burukrata ay karaniwang malalaking komprador din at malalaking panginoong maylupa. Kontra sa kasinungalingan ng mga liberal na "pwedeng maging presidente balang araw ang isang batang mahirap" wala pang naging konggresman man lamang nang hindi kumakatawan sa mga uring mapagsamantala at hindi nagiging isa sa kanila. Sa kasalukuyang sistema, ang sinumang maging presidente ay hindi lamang nagiging punong kinatawang pampulitika ng mga mapagsamantala kundi nagiging isa rin sa pinakamalaki sa kanila.

Sa pagpapalaki ng imperyalismong EU sa mga interes nito na ikinapipinsala ng malawak na masa ng mamamayan, nagiging burukratang kapitalista ang mga kolonyal na burukrata. Kapitalista sila dahil ang buong gobyerno ay ginagawa nilang isang malaking pribadong empresa na pinagkukunan ng limpak-limpak na pribadong ganansya. Para silang mga lokal na manedyer ng mga monopolyo ng EU. Pinagsisilbihan nila ang malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa na panloob na basihang materyal nila. Gayunman, naiiba sa dalawang mapagsamantalang uring ito ang mga burukratang kapitalista sa pagpupundar at pagpapalago ng yaman sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihang pampulitika. Sa bunganga nila mismo nagmula ang mga klasikong pangungusap na naglalarawan sa partikular nilang katangian: "Para anupa't tayo'y nasa kapangyarihan?" "Dapat paglaanan ang kinabukasan ng ating mga pamilya!" at "Lahat tayo rito'y mga higanteng pugita!"

Sa pamamagitan ng mga partidong pampulitika, tinatangka ng mga burukratang kapitalista na papaniwalain ang masa sa ilusyon na may demokratikong pagpili. Pero ang mga partidong pampulitikang ito ay walang iba kundi pandekorasyon sa mga dinastya ng mga komprador at panginoong maylupa na nagpapanatili ng sarili sa kapangyarihan. Hanggang ngayon, regular na may eleksyon sa Pilipinas pero pirming sinisigurado ng imperyalismong EU at mga lokal na mapagsamantalang uri na tanging ang mga partidong pampulitika at kandidatong nagsisilbi sa interes nila ang bibigyan ng permiso sa pulitika at magkakaroon ng panustos para kumandidato sa burukrasya.

Ang mapagsamantalang mga interes na ito ay nagbibigay ng pinansya sa magkabilang panig sa eleksyon para makasiguradong alinman ang lumabas, panalo ang mga pwersa ng kontrarebolusyon at talo naman ang malawak na masa ng mamamayang niloko para bumoto. Madalas naipapakita ng mga mapagsamantalang ito kung sino ang gusto nila sa pamamagitan lamang ng pagbibigay ng mas malaking pondo sa paborito nilang mga kandidato. Ang pangkalahatang resulta nito ay patuloy nilang nagagamit na instrumento ang reaksyonaryong gobyerno at patuloy na nakakakuha ng sariling ganansya ang mga burukratang kapitalista sa pagpapanatili ng kaayusang malakolonyal at malapyudal.

Ang partidong kumokontrol sa pondo at mga pasilidad ng gobyerno ay nakakalamang nang husto sa partidong oposisyon. Dagdag pa'y magagamit din niyon sa pandaraya at terorismo ang isang pangkatin man lamang sa reaksyonaryong armadong pwersa. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito, nakaasa sa gusto ng imperyalismong EU at ng lokal na mga mapagsamantalang uri kung ang ganitong partido na kunwari'y nasa kapangyarihan ay mananatili sa pusisyon ng mayorya o maitutulak iyon sa pusisyon ng minorya sa reaksyonaryong gobyerno. Mas maraming pondo para mangampanya ang superyor na mga kapangyarihan iyon nasa likuran ng buong papet na estado. Sila ang kumokontrol sa pinakamakapangyarihang masmedya. Pwede nilang paandarin ang kanilang kapangyarihan sa ekonomya at pulitika para pakalatin ang propagandang pabor sa sarili nilang mga patakaran at interes. Para magmukhang tanga ang naghaharing partido, sapat nang itigil ng mga imperyalista ng EU ang pagpapautang ng kapital sa reaksyonaryong gobyerno, o manipulahin ng mga lokal na uring mapagsamantala ang presyo ng mga pangunahing kalakal. Bukod sa lahat ng salamangkang ito, kailangan ding matyagan ng mga papet na pulitiko kung kanino ikinikiling ng imperyalismong EU ang reaksyonaryong armadong pwersa.

Sa nakaraang dalawampu't limang (25) taon, may mga itinayong ikatlong partido daw. Ang mga ito, tulad ng Partido Demokratiko (Demokratic Party) na pinamumunuan ni Carlos P. Romulo at ng Partido Progreso ng Pilipinas (Progressive Party of the Philippines) na pinamumunuan ng pangkatin nila Manahan at Manglapus, ay pangunahing nagsisilbing pampatibay sa papet at mapagsamantalang katangiang makauri ng sistemang may dalawang partido at sinisigurado lamang ng mga partidong ito na mabibigyan ng mga konsesyon ang kanilang mga pinuno. Ginagamit lamang ang mga "ikatlong partidong" ito para sa takdang panaho'y papanigin sa pinakareaksyonaryong mga kandidato sa papet na eleksyon. Ginamit ang Partido Demokratiko ni Romulo para suportahan ang kandidatura ni Magsaysay. Patuloy na isinusunod ng pangkatin nila Manahan at Manglapus ang partido nila sa mga pangangailangan ng CIA at ng mga pusakal na reaksyonaryon sa Simbahang Katoliko na sumusporta sa pangkating ito. Noong 1959, naging Grand Alliance ang Partido Progresibo ng Pilipinas at naglunsad ng kampanya para sa patakarang dekontrol at umabot pa sa pagbabanta na ikukudeta ang naghaharing rehimen noon. Noong 1961, binuo ng pangkatin nina Manglapus at Manahan ang United Opposition kasama ang Partido Liberal para masiguradong mananalo sa eleksyon ang Partido Liberal, na ang kolonyal na plataporma ay "Malayang pag-inisyatiba". Ngayon nama'y pinatatakbo ng pangkatin nina Manglapus at Manahan ang CSM. Ang pinakabagong pakulong ito ng CIA at ng mga pusakal na reaksyonaryo sa pinakamatandang institusyong kolonyal at pyudal sa Pilipinas ay naglalayon, tulad ng dati, na iligaw sa kontrarebolusyonaryong repormismo at kleriko-pasismo ang mga taong sawang-sawa na sa kasalukuyang sistemang pampulitika. Ginagaya ng mga lider nitong komprador at panginoong maylupa ang mga pananalitang di na pinaniniwalaang mga partidong Kristyanong Demokratiko sa Europa at Amerikang Latina.

Sa ngayon, ang tanging "ikatlong partido" na may ilang positibong aspeto ay ang Nationalist-Citizen's Party na pinamumunuan ni Senador Claro Mayo Recto at lumitaw noong 1957. Gayunman, ang pinakamainam nang masasabi tungkol sa partidong ito ay sandali itong naging tagapagsalita ng pambansang burgesya laban sa imperyalismo. Dalawahan ang katangian nito. Ang pagkabigo nito ay resulta ng pagsunod sa burges na konstitusyonalismo at parlamentarismo. Sa huli'y pinatibay lamang nito ang kasalukuyang sistemang pampulitika. Ngayo'y isa na lamang itong pangalan na ginagamit ng mga indibidwal na oportunista para makakuha ng mga konsesyon sa kasalukuyang naghaharing sistema.27

2. Mga Pinagmumulan ng Katiwalian

Ang katiwalian ay di maihihiwalay na parte ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Ang burukrasya ay walang iba kundi instrumento para mapadali ang pagsasamantala ng mga interes na dayuhan at pyudal sa malawak na masa ng mamamayan. Nakikiparte lamang ang mga burukratang kapitalista sa ganansyang nagmumula sa pagsasamantala ng mga komprador at panginoong maylupa. Ito ang kanilang premyo. Sa paglalako ng lipas nang mga islogang "liberal na demokrasya" o "malayang pag-iinisyatiba", ang ibig lamang nilang sabihin ay dapat mangibabaw sa interes ng publiko ang pribadong interes (o indibidwal na kalayaan ng mga mapagsamantala).

Ang buong pamunuan ng burukrasya sa Pilipinas, kabilang ang mga sanay na ehekutibo, lehislatibo at panghusgado, ay lagi nang tadtad ng katiwalian mula pa noong panahon nina Quezon at Osmena hanggang nitong panahon nina Macapagal at Marcos. Kailangan lamang tingnan ang dami ng pag-aari ng isang burukratang kapitalista noong umpisa ng taksil niyang karera, at ikumpara iyon sa nakikitang pag-aari niya na naiipon taun-taon para makumbinsi kung gaano kagrabe ang katiwalian at kung gaano kabulok ang kasalukuyang sistema.

Sa pagkukunwari ng mga burukratang kapitalista na nangongolekta sila ng suporta para sa kanilang mga partidong pampulitika, kumukuha sila ng pondo at mga pasilidad sa kanilang mga among imperyalista, komprador at panginoong maylupa. Bago pa man sila manalo sa eleksyon o kahit na matalo ng kalaban nila, mayaman na sila sa nakukuhang malalaking kontribusyon sa kampanya. Kapalit ng nakokolekta nila, natatali sila sa makauring interes ng kanilang mga tagasuporta.

Tumatanggap ng suhol ang mga burukratang kapitalista para aprubahan ang mga batas, kautusang ehekutibo at desisyon ng korte. Sa bawat kontrata, konsesyon, prangkisa o lisensya, may perang napupunta sa bulsa ng mga burukratang kapitalista. Madalas ay direktang kasali sila mismo sa mga pribadong transaksyon, o kasali rito sa pamamagitan ng kanilang pinagkakatiwalaang mga tau-tauhan o kaya'y kamag-anak. Katangian ng mga burukratang kapitalista sa kasalukuyan na ipagyabang ang katayuan nilang tagapangulo, konsultant o abogado ng mga pribadong empresa sa negosyo.

Ang mga lupaing publiko, kabilang ang mga talagang binubungkal ng mga maralitang naghohomisted at mga pambansang minorya, ay kinakamkam ng mga burukratang kapitalista at mga kolaboreytor nila. Kinukuha munang mga trosohan, minahan o pastulan ang mga ito at inuupahan o kinokontrata sa gobyerno, at pagkatapos ay ginagawang pribado nilang ari-arian. At pinaplano rin ang mga obras-publikas para pataasin ang halaga ng mga lupang ito.

Sa mga operasyong eksport-import na makikita lamang sa bayang malakolonyal at malapyudal, pumaparte ang mga burukratang kapitalista sa ganansya ng mga komprador sa pamamagitan ng paglalagay ng sariling mga kumpanya at mga kumpanya ng manunuhol sa listahang may prayoridad na magkaroon ng dayuhang pera. Dinadaya nila ang mga deklarasyon sa pag-iimport at pag-eeksport, at dahil dito'y nakakapandaya rin sila sa pagbabayad ng buwis at sa gayo'y ninanakawan nila ng kita ang sarili nilang reaksyonaryong gobyerno.

Taun-taon, napakalaking pondo ang inilalaan sa obras publikas. Ang totoo'y napupunta ang karamihan nito sa bulsa ng mga burukratang kapitalista. Minamanipula ang bidding o turingang publiko sa pagbili ng kagamitan at materyales sa konstruksyon, o sa pag-upa ng kumpanya sa konstruksyon. Nagdaragdag ng mga pangalan sa peyrol para bayaran ang mga alaga nilang walang ginagawa at para din magkaroon ng dagdag na kurakot ang mga burukratang kapitalista.

Ginagamit ang sistema ng gobyerno sa pagbabangko at seguro para palakihin ang mga lupain at puhunan ng mga burukratang kapitalista at malalapit nilang kolaboreytor. Kahit iba ang pinauutang, malalaking porsyento ng pautang ang nagiging padulas sa mga burukratang kapitalista. Direktang namumuhunan ang reaksyonaryong gobyerno sa mga pribadong korporasyon na ang ginagamit ay pondong kinokolekta sa mga manggagawa at empleyado ng gobyerno sa pamamagitan ng SSS at GSIS. Sa gayon, iba't ibang konsesyon ang nakukuha ng mga burukratang kapitalista bukod pa sa matataas na pusisyon sa mga pribadong korporasyong ito.

Nagiging palabigasan ng mga burukratang kapitalista ang lahat ng korporasyon ng gobyerno. Dito sila kumukuha ng malalaking sweldo at alawans. Ang bidding sa pagbili ng kagamitan at materyales ay nagbibigay sa kanila ng mas malaki pang kita. Gumagastos nang napakalaki ang reaksyonaryong gobyerno para magtayo ng tinatawag na mga tagaumpisang (pioneering) empresa na ibebenta rin lamang naman nang palugi sa mga pribadong entidad. Bago ibenta ang mga korporasyong ito ng gobyerno, nagdadaan ang mga ito sa lahat ng klase ng manipulasyon sa pinansya. Ang pagkabangkrap ang nagiging dahilan ng pagbebenta sa mga ito, ibig sabihin, para tumiba na naman ang mga burukratang kapitalista. Ang pagkabangkrap ng isang korporasyon ng gobyerno ay katawa-tawang ginagamit na argumento ng mga burukratang linta mismo hindi pa mandin laban sa kapitalismo ng estado kundi laban sa sosyalismo.

Doble ang pamantayan sa pagkekwenta ng mga pribadong pag-aari: ang isa'y ang nakarekord na halaga na pinagbabatayan ng buwis at ang isa pa'y ang halaga sa pamilihan. Inililibre pa sa buwis at binibigyan ng lahat ng klase ng pang-engganyo ang mga interes ng mga imperyalista, komprador at panginoong maylupa. Nililikha ang mga korporasyon at huwad na kooperatibang kontrolado ng mga imperyalista, komprador at panginoong maylupa para dayain ang petiburgesya at sa kabuua'y ang masa. Sa lahat ng aregluhang ito, napakaraming pagkakataon ng mga burukratang kapitalista para gumawa ng katiwalian. Kadalasa'y direktang sineswelduhan ng mga korporasyon at asyenda ang mga burukratang kapitalista para masiguradong masusupil agad ang mamamayang anakpawis.

Sa bawat panahon sa buong kasaysayan ng burukrasya ng Pilipinas, may mga ispesyal na panagmumulan ng katiwalian. Nagmula na ito sa pautang sa pananim, rilip, surplus ng gera, pondo sa rekonstruksyon, kota sa imigrasyong Tsino, kontrol sa mga import, kontrol sa presyo, alokasyon ng dolyar, bangkong rural, huwad na kooperatiba, bayad ng Hapon sa napinsala ng gera, banta sa deportasyon, naturalisasyon ng dayuhan, konsesyon sa pagtotroso at pagmimina, pagpapaupa sa pastulan, manipulasyon sa pamilihan ng mga sosyo, pautang at sosyo ng gobyerno sa mga pribadong korporasyon, alawans ng mga konggresman, pondo sa mga kalamidad at kagipitan, pondo sa pagpapaunlad ng baryo, subsidyo at kung anu-ano pa.

Direktang pinapasukan din ng mga burukratang kapitalista ang pinakailigal na mga aktibidad. Kasangkot sila sa ismagling, usura, ordinaryong pangingikil, pasugalan, pangangalabaw at putahan. Kapansin-pansin ang mga ito sa mababang antas ng burukrasya, pero pinatatakbo naman ng matataas na burukrata ang kanilang mga partidong pampulitika bilang mga sindikato sa krimen. Kaugnay nito, ang mga reaksyonaryong tropa at pulis at mga pribadong maton ng mga lokal na upisyal ay binubundat din ng mga aktibidad na masyadong antisosyal. Hindi pa kumpleto ang listahan ng nasabing mga pinagmumulan ng katiwalian. Pwedeng hindi sabay-sabay na samantalahin ng isang burukratang kapitalista ang lahat ng ito sa isang pagkakataon. Pero tiyak na sinasamantala niya ang ilan. Napakalinaw na hindi sapat ang nominal na sweldo niya para mantinihin ang klase ng pamumuhay niya. Kunwari pa'y ipinapamigay niya ang buwanang sweldo sa mga alaga niya, pero ang totoo'y kumikita siya ng napakalaki sa isa lamang pirmahan o tawag sa telepono. Si Magsaysay, hari ng mga ipokrito, ay buong yabang na tumatangging tumanggap ng maliliit na regalo pero ang totoo'y napakalaki ng nakikikil niya. Ipinahayag naman ni Marcos na bilang sakripisyo'y tinatalikuran na niya ang kanyang mga kayamanan sa mundong ito, pero ang talaga palang gusto niya ay magtayo ng pundasyong magdidispley sa kanyang mga medalya na ibinigay ng USAFFE at "dadakila" sa kanya. Gayunman, ang layunin ng pundasyong ito na mas kapaki-pakinabang kay Marcos ay ang pangongolekta ng mga "kontribusyong" pinansya.

May mga subok nang salamangka ang malalaking burukratang kapitalista para itago ang nananakaw nila. Mayroon silang "petty cash" o "kaunting panggastos" (milyung-milyong piso) sa loob ng kaha-de-yero sa bahay nila na magagamit nila agad kapag kailangan, depositong kilala lamang sa numero na nasa mga bangko sa Switzerland, maraming malapalasyong bahay at building, alahas at lahat ng klase ng luho, sosyo sa mga korporasyong malaki ang ganansya, at mga titulo sa lupa. Para gawing malaking katatawanan ang Batas Laban sa Katiwalian, pansamantalang inilalagay ng mga burukratang kapitalista ang kanilang mga ari-arian sa pangalan ng malalapit nilang kamag-anak o ng mga kilalang negosyante hanggang dumating ang panahong malaya na nilang maaangkin ang kanilang mga "lehitimong" negosyo.

Tama lamang na ituon ang tindi ng banat sa malalaking burukratang kapitalista na buong sakim na nagtatraydor sa pambansa-demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Kahit paano nila itago ang ninakaw na yaman, lilitaw at lilitaw ito sa magagarang ari-ariang lagi nilang ipinagyayabang. Katangian nila ang paggasta ng pera sa mga paraang masyadong aksaya at di produktibo.

Ang kabulukan ng malalaking burukratang kapitalista ay umaabot hanggang sa mabababang antas ng reaksyonaryong gobyerno at sa mga lokal na lider ng purok. Pero sa kabuuan, sa loob ng reaksyonaryong gobyerno ay inaapi at pinagsasamantalahan ng malalaking burukratang kapitalista ang mabababang upisyal at ordinaryong mga empleyado.

__________________________

27 Tuluyang nawala ang Nationalist-Citizens' Party nang ang presidente nito, si Senador Lorenzo Tanada, ay nagretiro sa Senado noong 1971.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.