Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikalawang Kabanata: Mga Pundamental na Suliranin ng Sambayanang Pilipino



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


3. Pasismo

Ang mga burukratang kapitalista ay gumaganap ng ispesyal na tungkuling lokohin ang mamamayan sa pamamagitan ng mga abrakadabra sa pambansang sobinismo at populismong burges. Ginagamit nila ang parlamentarismo para pahinain at wasakin ang anumang rebolusyonaryong kilusan sa pambansang pagpapalaya at demokrasyang bayan laban sa mga kasamaan ng imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Kapag nadedesperado na sila, walang palyang gagamitin nila ang estado bilang mapamilit na instrumento ng diktadura ng uri nila. Nananawagan sila ng "pambansang disiplina" para supilin ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Ipokrito nilang binibigkas ang matutunog na mga salita ng konstitusyon at ang ngalan ng sambayanan para supilin ang mamamayan at bigyan ng katwiran ang kamuhi-muhi nilang mga krimeng pasista.

Ang burukratang kapitalismo ang basihan ng lokal na pasismo. Masyadong malaki ang nakukuhang premyo ng mga burukratang kapitalista sa imperyalismong EU at lokal na uring mapagsamantala kaya hindi nila babaguhin ang kanilang mapang-aping katangian at hindi nila papaburan ang sambayanan. Gagawin nila ang lahat para protektahan ang interes ng sarili nilang pangkatin at panatilihin ang pinagmumulan ng kanilang katiwalian. Sa harap ng oposisyong nagmumula kahit sa iba pang pangkating kauri nila, hindi sila nag-aatubiling gumamit ng armadong pwersa para mapanatili sa anumang paraan ang kanilang kapangyarihan.

Sa harap ng isang rebolusyonaryong kilusang masa, mas mabagsik pa ang mga burukratang kapitalista sa paggamit ng kanilang armadong kapangyarihan. Nasa unahan sila ng mga nagdedepensa sa mga amo nilang imperyalista at pyudal. Lagi nilang nagagamit sa kontrarebolusyonaryong layunin ang reaksyonaryong armadong pwersa ng Pilipinas at ang lokal na pulisya. Kung hindi nila mismo magapi ang rebolusyonaryong kilusang masa, inaasahang lalabas sa mga base militar ng EU ang mga tropang agresor nito at lalo pa silang itutulak na gerahin ang mamamayan.

Ang mga burukratang kapitalista na nagiging garapal na pasista ay tumutulad sa kanilang mga among imperyalista sa kalupitan. Pitong dekada na silang tinuturuan ng imperyalismong EU na maglunsad ng kontrarebolusyonaryong karahasan at pinahuhusay nito ang kanilang sandata at teknik. Ang imperyalismong Hapones ay nagbigay din sa kanila ng tatlong taong treyning sa paghaharing pasista at handa na namang magbigay ng higit pa. Mula noong mag-umpisa ang siglong ito, wala kahit isang dekada sa kasaysayan ng Pilipinas na hindi nabahiran ng dugo ng mamamayan dahil sa imperyalismo at mga tuta nito.

Ang kasalukuyang papet na republika ay nakasandig sa kontrarebolusyonaryong karahasan ng imperyalismong EU at lokal na mga uring mapagsamantala. Para makabalik sa kapangyarihan ang mga imperyalista ng EU at ang mga burukratang kapitalista ng gobyernong komonwelt, kailangan nilang maglunsad ng malupit na gerang agresyon laban sa sambayanang Pilipino. Inulit nila ang unang gerang agresyon na inilunsad ng EU noong umpisa ng siglo.

Lumitaw ang pasismo sa Pilipinas at nanalanta sa inang bayan nang akuin ng pangkating burukratang kapitalista na pinamumunuan ni Roxas ang pangunahing responsibilidad sa pagsupil sa rebolusyonaryong kilusang masa. Naging target ng pasistang pananalakay ang mga ayaw magpaalipin uli sa imperyalismong EU at lokal na mga uring mapagsamantala. Pinakawalan laban sa kanila ang Kor sa Paniniktik (Counter-Intelligence Corps), Kumand ng Pulis Militar (Military Police Command) at mga Gwardyang Sibilyan (Civilian Guards).

Walang tigil ang militar sa panunupil sa malawak na masa ng mamamayan sa ilalim ng mga papet na rehimen nina Quirino at Magsaysay. Inilunsad ng PC at ng ilampung pangkat ng batalyong pangkombat (battalion combat teams o BCT) ng Hukbo ng Pilipinas ang pinakamadugong mga kampanya para itaguyod ang paghahari ng mga amo nilang dyuhan at pyudal. Ang kontrarebolusyon ay tinampukan ng pormal na suspensyon ng kasulatang habeas corpus (sa katunaya'y deklarasyon ng batas militar) noong 1950, na lalong nagbigay sa mga pasistang animal ng permisong abusuhin ang kaliit-liitang porma ng kalayaang sibil. Pinakamatindi ang mga dagok sa uring manggagawa at magsasaka at kahit ang petiburgesya ay pinapagdanas ng kasumpa-sumpang pananakot. Sa utos ng imperyalismong EU, inihampas ang pasismo sa bayan sa pamamagitan ng mga ahensyang tulad ng JUSMAG at CIA.

Lantad ang pagsidhi uli ng pasismo sa ilalim ng papet na rehimeng Marcos. Garapal ang reaksyonaryong armadong pwersa at pulisya sa pagmamasaker, pagpatay, pangingidnap at pang-aaresto sa gawa-gawang dahilan. Mabangis na nilalansag ang mga makabayang aksyong masa at pinapatay, nilulumpo't maramihang inaaresto ang mga demonstrador. Marahas na kumikilos para buwagin ang mga makabayang organisasyong masa. Kahit hindi porma na sinususpindi ang kasulatang habeas corpus, talagang pinaiiral ang batas militar. Ang mamamayan ay diniditine nang walang taning, tinotortyur at pinapatay, at ang mga bahay ay niririkisa, dinadambong at sinusunog pa nga nang walang pagsasaalang-alang kahit sa reaksyonaryong mga batas. Lalong lumalawak ang saklaw ng lahat ng pang-aabusong ito.

Nasa programa ng EU sa kontrainsureksyon ang lahat ng pasistang kilos ng papet na rehimeng Marcos. Araw at gabi, inuudyukan ng CIA, JUSMAG at Upisina sa Kaligtasang Publiko ng AID ang AFP, ang Komisyon sa Pulisya (Police Commission), ang Pambansang Kawanihan sa Imbestigasyon, (National Bureau of Investigation o NBI) at ang lokal na pulisya na maglunsad ng pinakamasamang kampanya sa panunupil sa mamamayan. Hindi pa nasiyahan sa regular na hukbo, konstabularya at pulisya, inoorganisa rin ang ispesyal na mga gang ng mamamatay-tao tulad ng "Monkees", "special forces", BSDU at "provincial strike force" para lalo pang apihin ang mamamayan. Kahit ang Kor ng Sinanay na Reserbang Upisyal (Reserved Officers Training Corps o ROTC) at Panimulang Pagsasanay sa Militar (Preparatory Military Training o PMT) ay inihahanda ngayon para sa kontrainsureksyon habang sinasalakay naman sa mga demonstrasyon ang malawak na masang istudyante. Parami nang paraming kabataan ang pinipilit kumuha ng pasistang pagtetreyning sa mga kampo militar. Ang mga nagtetreyning sa mga sentro sa "home defense" ay ginagamit sa mga operasyong militar laban sa mamamayan sa Gitnang Luzon at iba pang lugar.

Garapal na ginagampanan ni Marcos mismo, bilang punong burukratang kapitalista sa buong bayan, ang kanyang pagiging papet na punong kumander. Araw-araw niyang isinisigaw ang bantang pormal na idedeklara ang batas militar at sa katunaya'y direktang ipinapakana niya at ng kanyang mga kampon hindi lamang ang terorismo laban sa piling mga makabayan at demokrata kundi pati na rin ang malawakang pang-aabusong militar sa mamamayan. Sinusulsulan niya ang mga pinuno ng armadong pwersa na magbantang ipataw ang batas militar samantalang hindi naman kinakalimutan ng mga imperyalista ng EU na pukawin sila sa ambisyong mapalitan ang punong kumander nila sakaling hindi niya makontrol ang sitwasyon. Ang mga berdugong upisyal ng reaksyonaryong armadong pwersa ay kumukuha ng inspirasyon sa pasistang pamumuno mula sa Kolehiyo ng Depensang Pambansa (National Defense College), Akademyang Militar ng Pilipinas (Philippine Military Academy) at pagtetreyning nila sa Estados Unidos.

Sa islogang "aksyong sibiko" ng Pentagon, mabilis na lumalaki ang pondo para sa militar at pinapasok ng reaksyonaryong armadong pwersa ang mga gawaing dati'y nakareserba sa mga sibilyan. Ang pondo para sa ibang sangay ng gobyerno ay inililipat para mapanatili ang pasistang makinarya. Sa mga layuning "makatao", isinasangkot ang reaksyonaryong armadong pwersa sa mga gerang agresyon ng EU sa ibang bayan.

Dahil nagdeklara ng gera si Marcos laban sa Partido Komunista ng Pilipinas, sa makabayang mga organisasyong masa at sa kabuuan ng mamamayan, mas libre ngayong pumatay ng tao, manunog at mandambong ang mga pangkatin at dinastya ng mga burukratang kapitalista sa buong bayan. Ang pagbubuo ng mga BSDU at "provincial strike forces" ay lalong nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang salakayin ang mamamayan. Lalong nagkaroong ng awtoridad na mangikil at mandambong ang mga armadong gang na dati'y binibigyan pa ng mga burukratang kapitalista ng balatkayo bilang awtorisadong badigard at ahensya sa seguridad ng kanilang mga asyenda at kumpanya. Buong layang napapagkumbinasyon ng mga burukratang kapitalista ang mga reakysonaryong tropa at pulisya at ang sarili nilang mga pribadong mamamatay-tao at mangingikil para mapanatili ang sarili sa kapangyarihan. Pinabibilis ang paglakas ng mga panginoong militar.

Ang pagtindi ng pasismo ay hindi talaga tanda ng lakas. Sa esensya, ipinapakita rito ng mga pusakal na reaksyonaryo ang kanilang kawalan ng pag-asa at kahinaan. Nakikita na hindi na nila maloloko ang mamamayan sa pamamagitan ng salita. Ang ibayong pandarambong ng reaksyonaryong armadong pwersa at mga armadong pangkating pasista ay magpapadali sa pagbagsak ng kasalukuyang sistema. Tumitindi ang pasismo dahil nga dumadaluyong ang rebolusyonaryong kilusang masa at nagiging mas marahas ang hidwaan ng mga reaksyonaryo. Maaasahan na lalong magiging madaya at terorista ang mga papet na eleksyon sa Pilipinas.28 Ang pagkakalantad sa marahas na katangian ng mga reaksyonaryo ay magtuturo lamang sa masa na idepensa ang kanilang sarili at igiit ang sariling kapangyarihan.

Bilang parte ng pagtindi ng pasismo, ang mga pusakal na reaksyonaryo ng Simbahang Katoliko ay tumutulong sa kasalukuyang gobyernong tiraniko na siraan at insultuhin ang Partido Komunista ng Pilipinas at iba pang organisasyong may katangiang pambansa-demokratiko. Sa katunayan, mas abala ang CSM at mga organisasyong alyado nito sa pagpigil sa demokratikong rebolusyon ng bayan na pinamumunuan ng Partido Komunista kaysa pagpapalimos ng konsesyon sa mga tirano. Mas interesado silang pahinain ang mamamayan sa harap ng pananalakay ng imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Ang Opus Dei, ang instrumentong kleriko ng pasistang Espanyol na si Franco, ay dinala sa Pilipinas at nag-organisa sa kilusang Cursillo na ang layunin ay sulsulan sa panatisismong antikomunista ang mga lumang organisasyong kleriko at gawing punyal ang krus para patayin ang mamamayan sa isang krusadang antikomunista. Talagang isa ngang sangkap ang kleriko-pasismo sa pagtindi ng pasismo. Magsuot man ng abito ang pasismo, siguradong lalabanan ito ng masang Katoliko mismo at ng malawak na masa ng mamamayan na tinuruan na ng istorikong karanasan tungkol sa mga kasamaan ng paghahari ng mga prayle.

Dahil nawawalan na ng pag-asa ang mga pusakal na reaksyonaryo, bumabaling sila sa mga pinakaatrasadong institusyon at paraan para mapanatili ang kanilang mapang-aping kapangyarihan. Pero ngayo'y mas mainam kaysa dati ang panloob at panlabas na mga kundisyon para sa armadong paglaban sa papet na republika. Hindi maikakaila ang pagkabangkarote sa pulitika at ekonomya ng kasalukuyang sistema. Isusumpa lamang ng masa ang mga maghahangad na depensahan iyon. Ang pangunahing nagpoprotekta sa kasalukuyang bulok na sistema, ang imperyalismong EU, ay lalong nahihiwalay sa loob at labas ng bayan at pinagtutuunan ng pinakadeterminadong mga digmang bayan.

4. Repormismo at Modernong Rebisyonismo

Ang pagtindi ng repormismo at rebisyonistang aktibidad ay katugon ng pagtindi ng pasistang aktibidad. Hindi titigil ang mga pusakal na reaksyonaryo sa paggamit ng mga repormistang salamangka kasabay ng napakasamang gawaing kontrarebolusyonaryo. Gagawin nila kahit ang makisama sa mga modernong rebisyonista. Ang repormismo at modernong rebisyonismo ang marupok na kalasag ng pasismo.

Malaking kahangalan ang umasa na pwede munang lubusin ang mga posibilidad na ligal bago ilunsad ang armadong rebolusyon. Hindi matatapos ang paggawa ng mga batas at parlamentaryong salamangka kung hindi lalabanan ng armadong rebolusyon ang mga reaksyonaryo. Pwede pa nga nilang sulatin uli ang kanilang konstitusyon para lamang dagdagan ito ng dekorasyon. Sa maselang yugtong ito ng kasaysayan ng Pilipinas, nadadalian ang mga reaksyonsaryo sa pagpapakana ng isa pang kumbensyong konstitusyonal29 at pagkakalat ng usap-usapan tungkol sa "mapayapang rebolusyon".

Pwedeng samantalahin ang ilang batas ng mga reaksyonaryo sa taktikal lamang na layunin. Hangal ang sinumang maniwala na palaging magagamit ang mga reaksyonaryong batas laban sa mga gumawa nito, laluna't malinaw nang nahati ang malawak na masa ng mamamayan at ang mapang-aping minorya. Walang makikita kahit isang pangyayari sa kasaysayan na mapayapang ipinakansela ng mga rekasyonaryo ang mga pribilehiyo ng kanilang uri.

Sa panahong isinisigaw ng mamamayan ang digmang bayan laban sa araw-araw na karahasan ng pagsasamantalang dayuhan at pyudal, lalong nauuso kahit sa mga pusakal na kontrarebolusyonaryo ang paggamit ng mga pananalitang "rebolusyonaryo". Sa kung anu-anong porum ay "reporma sa istruktura" ang itinatalak ng mga tagapagsalita ng mga organisasyon ng mga komprador at panginoong maylupa, at ng mga burukratang kapitalista sa mga sangay na ehekutibo, lehislatibo at panghusgado ng reaksyonaryong gobyerno. Biglang-bigla, para bang lahat na'y nagiging rebolusyonaryo, pati na ang mga kontrarebolusyonaryo.

Pero sa simpleng pagsusuri sa mga salita ng mga reaksyonaryo, malinaw nating makikita na papayagan lamang nila ang "rebolusyon" na "mula sa itaas" o kaya'y doon sa "puso ng indibidwal". Inirereserba nila ang pinakamapait na mga mura para sa mga tunay na rebolusyonaryo sa malawak na masa ng mamamayan. Ang pangunahing dahilan nila sa pagsasalita tungkol sa "rebolusyon" ay para ikatwiran o pagtakpan ang pasistang kabangisan nila sa sambayanan. Para mapatunayan ang puntong ito, kailangan lamang suriin ang sinasabi ng mga kontrarebolusyonaryong tulad ni Marcos at ng mga kampon niya, ng CSM at iba pang organisasyong kleriko, at kung sinu-sino pa.

Kapag ginagamit na ang pinakamararahas na hakbang laban sa rebolusyonaryong masa saka maririnig sa mga reaksyonaryo ang pinakamatatamis na salita ng pagmamalasakit. Mas pinag-uusapan ang "gawaing sibiko", "pagpapaunlad ng komunidad", "repormang konstitusyonal" at "partihan sa ganansya". Sa ngayon, malinaw na dumarami ang mga organisasyong nagbubuga ng napakaraming kasinungalingan. Aktibung-aktibo ngayon ang CIA at ang mga Heswitang Amerikano sa pagtatayo at pagpapatakbo ng mga repormistang organisasyon.30 Ang kailangan lamang gawin ay ilantad ang katangian ng uri ng mga nag-oorganisa at sumusuporta sa kanila.

Abala rin ngayon ang mga "makabansa" ni Marcos at ang mga taksil na rebisyonistang Lava sa pagtatangkang pagandahin ang malupit na pasistang larawan ng papet na rehimeng Marcos at nakikipagkolaboreyt sila sa isa't isa para padaliin ang pagtindi ng paghaharing imperyalista. Magkaagapay silang kumikilos sa MAN, CEPO, Sentrong Pambatas (Law Center) ng Unibersidad ng Pilipinas at sa napakarami pang organisasyong nagkukunwaring antiimperyalista pero laging naggigiit na konsesyon lamang ang mahihingi sa imperyalismong EU at lokal na mga uring mapagsamantala at dapat daw ilimita ang pakikibaka sa parlamentaryong pakikibaka.

Ang mga taksil na rebisyonistang Lava ay binibigyan ng lahat ng layang kailangan nila para isabotahe ang rebolusyonaryong kilusang masa. Bumalik sila sa dating kalokohan, na may suporta ng imperyalismong EU, papet na rehimeng Marcos at sosyal-imperyalismong Sobyet. Ispesyalidad nila ang paninira sa pamamagitan ng MAN, at ang madugong pang-iintriga laban sa rebolusyonaryong masa sa pamamagitan ng gang ng Monkees-Armeng Bayan-Masaka (Lava). Mula sa "mapayapang" buladas ni Krushchev, ang burges na pangkating reaksyonaryo ng mga Lava, tulad ng mga amo nilang sosyal-imperyalista, ay bumabaling sa lantarang karahasan ni Brezhnev laban sa mga proletaryong rebolusyonaryo at sa samabayanan.

Tuluy-tuloy ang papet na rehimeng Marcos at mga taksil na rebisyonistang Lava tungo sa diplomatiko't pangkalakalang relasyon sa sosyal-imperyalistang Sobyet, ayon sa mga garantyang ibinibigay ng imperyalismong EU at militarismong Hapones. Hungkag na pinaaasa-asa ang pambansang burgesya at ang mga may pananaw ng pambansang burgesya na pwede silang tulungan ng sosyal-imperyalistang Sobyet laban sa mga imperyalista.

Hindi totoo na makakapagbigay ng suporta sa bansa ang sosyal-imperyalistang Sobyet, o kahit man lamang sa pambansang burgesya. Imbis na makatulong ang sosyal-imperyalistang Sobyet sa alinmang seksyon ng rebolusyong Pilipino, ang magagawa lamang nito ay patibayin nang kaunti ang gumigiray nang estadong papet, at makipagsabwatan sa malaking burgesyang komprador para dayain ang sambayanang Pilipino sa palitan ng pinakamahal at walang kwentang kalakal ng Sobyet at ng hilaw na materyales mula sa Pilipinas. Interesado lamang ang imperyalismong EU na payagang makaparte nang kaunti ang sosyal-imperyalistang Sobyet sa pagsasamantala sa Pilipinas dahil magkaalyado sila sa paglaban sa mamamayan, sa rebolusyon, sa komunismo at sa Tsina.

Kaakit-akit sa papet na rehimeng Marcos ang diplomatiko at pangkalakalang relasyon sa sosyal-imperyalismong Sobyet dahil pareho sila sa iisang bagay: pareho silang may katangiang burukratang kapitalista. Ang kaibahan lamang nila sa isa't isa ay monopolyong burukratang kapitalista ang isa at ang isa nama'y papet na burukratang kapitalista. Laging nag-uugnayan ang mga burukratang kapitalista hanggat may mga tao silang mapapagsamantalahan.

Ang burukratang kapitalismo ngayon ay nagtatangkang magpahaba ng buhay sa tulong ng imperyalismong EU, militarismong Hapones at sosyal-imperyalismong Sobyet. Nagtatangka rin itong takpan ang mga kasamaan nito sa pamamagitan ng repormistang pagtataguyod ng pinakareaksyonaryong institusyong pyudal sa Pilipinas. Pero sapat na ang natutuhan ng sambayanang Pilipino sa sarili nilang kasaysayan at mga problema kaya hindi na sila maloloko.

__________________________

28 Ang ikalawang masaker sa Plaza Miranda, na halos lumipol sa buong pambansang liderato ng Partido Liberal, ay lalo pang nagpaigting sa pasidhi nang pasidhing karahasan ng mga kontradiksyon ng mga reaksyonaryo. Siyam na tao ang namatay agad at daan-daana ang malubhang nasugatan sa pagsabod ng dalawang granadang pragmentasyon na inihagis ng mga maton ng pangkating EU-Marcos. Pagkaraan lamang ng tatlong oras, upisyal na ipinroklama ni Marcos ang pagsususpindi sa kasulatang habeas corpus, at hindi lamang laban sa mga Komunista siya naglunsad ng pananakot kundi pati sa mga lider ng Partido Liberal at iba't ibang demokratikong organisasyon.

29 Ang mga delegado ng malaking burgesyang komprador at ng uring malaking panginoong maylupa ang nakakaraming mayorya sa kumbensyong ito.

30 Ang mga imperyalista ng EU ay patuloy pa ring nagtatayo ng mga organisasyong lantaran sa pagtatraydor. Halimbawa, noong 1972 ay itinayo ng CIA ang "Philippine Statehood-U.S.A. Movement" na nananawagang ikabit ang Pilipinas sa Estados Unidos.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.