Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikalawang Kabanata: Mga Pundamental na Suliranin ng Sambayanang Pilipino



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


4. Ang Pakanang Patagalin ang Paghahari ng EU

Sa nakaraang sampung (10) taon, mabilis na lumala ang krisis sa ekonomya ng Pilipinas. Ito ang resulta ng napakasamang maniobra ng imperyalismong EU na ipapasan sa mga kolonya at malakolonya ang sariling krisis sa ekonomya, at paghandaan din ang pagtatapos ng kasunduang Laurel-Langley at Susog Pariti. Ang pakana ng imperyalismong EU ay gawing gipit na gipit ang kalagayang pampinansya ng Pilipinas para masiguradong tatagal pa ang mga pribilehiyo ng mga imperyalista. Kasabay nito, puspusang naghahanda at nagsasagawa ng aktwal na operasyon ang militar at pulisya para kontrahin ang rebolusyonaryong kilusang masang pinag-aalab ng krisis sa ekonomya. Inilulunsad din ang mga kontrarebolusyonaryong kampanyang repormista para lituhin ang rebolusyonaryong masa.

Dahil sa ganap at kagyat na dekontrol sa dayuhang pera noong mag-umpisa ang papet na rehimeng Macapagal, nag-uwi nang nag-uwi ng ganansya ang mga empresa ng EU at buong layang ginamit ng mga komprador-panginoong maylupa ang kinikita nilang dolyar. Nasaid ang reserbang dolyar ng reaksyonaryong gobyerno at sa kakulangan ng suportang dolyar ay bumagsak ang halaga ng piso sa P3.90 mula P2 bawat dolyar. Para mapanatili ang piso sa bagong halaga, ang reaksyonaryong gobyerno ng Pilipinas ay binigyan ng mga pautang para sa "istabilisasyon" sa mabibigat na kundisyon. Pero ang karamihan sa mga pautang na ito ay hinigop din ng mga empresa ng EU at mga alyado nilang komprador-panginoong maylupa at burukrata. Inilako ng pinunong papet na si Macapagal ang patakarang "pagpapapasok sa pamumuhunang dayuhan" at ang ideya na "magkasamang pagnenegosyo" (joint ventures), at hinayaan niyang agawin ng mga subsidiyaryo ng EU ang mga dayuhang pautang para makapag-uwi ng ganansya, makapagparami ng ari-arian dito, makapang-remata ng mga empresang Pilipino o makapagtambak sa mga ito ng dayuhang pautang nang sa gayo'y maremata rin sa katagalan, at iba pa.

Noong unang apat na taon ng papet na rehimeng Marcos, ginawang napakagrabe ng imperyalismong EU ang mga papet na patakaran ng rehimeng Macapagal. Mas mahusay pa ang papet na rehimeng Marcos sa pagpapatupad ng mga rekomendasyong ginawa ng IMF at WB noon pa mang 1960. Napataas kunwari ang buwis ng mga maykaya, pero ang ibinayad ng mga ito ay ipinapasan naman sa malawak na masa ng mamamayan sa porma ng mga presyong biglang itinaas. Gumastos nang husto ang papet na rehimeng Marcos sa obras publikas at iba pang proyektong nagiging dahilan ng implasyon. Mga subsidiyaryo ng EU at mga komprador-panginoong maylupa ang binigyan ng pinakamalalaking pautang at garantiya ng gobyerno. Nagpakasawa ang mga ito sa luho, nagpalawak ng mga asukarera at minahan, nag-ispekulasyon sa pagmimina. Kumuha ang mga burukratang kapitalista ng napakalaking kickback mula sa mga kontratang import-eksport laluna sa mga kontrata sa mga dayuhang empresa ng makinarya at konstruksyon.

Noong mag-umpisa ang 1970, malinaw na nagtagumpay na ang papet na rehimang Marcos na gawing mas bangkrap ang Pilipinas kaysa dati, dahil sa malaking utang na panloob at panlabas. Lalo pang bumagsak ang halaga ng piso sa mahigit P6.00 bawat dolyar. Sa loob lamang ng walong taon, bumaba ang halaga ng piso nang mahigit dalawang daang porsyento (200%) kung itatapat sa dolyar. Ang debalwasyon ng piso ay idinikta ng IMF, ahensya ng imperyalismong EU, bilang paunang kundisyong kapalit ng palugit sa pagbabayad sa dating utang at ng pagbibigay ng bagong pautang ng imperyalismong EU. Ang awtomatikong resulta ng debalwasyon ng piso ay ang pagtaas ng presyo ng lahat ng kalakal at ang pagbaba ng halaga ng lahat ng utang sa dayuhan.

Noong Pebrero 1970, ang halaga sa piso ng isa't kalahating bilyong dolyar ($1,500,000,000) na utang sa dayuhan ay tumaas ng limang bilyon, walong daa't limampung milyong piso (P5,850,000,000) hanggang umabot sa di kukulangin sa siyam na bilyon, tatlong daang milyong piso (P9,300,000,000) (sa nagbabago pang palitang P6.20 bawat dolyar), bukod pa sa interes na tumaas din. Noong Hunyo, apat na buwan lamang ang nagdaan, umabot na sa isang bilyon, siyam na raang milyong dolyar ($1,900,000,000) ang utang sa dayuhan, o di kukulangin sa labing isang bilyon, pitong daa't walumpung milyong piso (P11,780,000,000) bukod pa sa interes. Sa taunang bayad lamang sa interes sa mga utang na ito ay naubos na ang kalahat ng lahat ng dolyar na kinita sa hilaw na materyales na eksport ng Pilipinas. Sa gayon, ang imperayalismong EU ang pinakamasahol na usurero sa buong mundo. Hindi tumitigil ang Pilipinas sa pagmamakaawang pautangin ng imperyalismong EU, dahil kailangang mag-import ng maraming mahahalagang kalakal na hindi nililikha ng ekonomyang kolonyal, at dahil kailangang bayaran ang dati nang utang sa dayuhan. Ang kongkretong ibig sabihin ng mabilis na pagtaas ng halaga ng nasabing dayuhang pautang ay ang patuloy na pagbaba ng presyo ng hilaw na materyales at lokal na paggawa para sa imperyalismong EU, at ang patuloy na paglaki ng gastos sa pag-iimport ng mga yaring produkto mula sa Estados Unidos at iba pang bayang imperyalista. Naghihirap ngayon ang masang anakpawis dahil tumataas pa ang presyo ng mga kalakal, bumaba ang tunay nilang kita, at walang sapat na pagbabagong ginagawa ang papet na gobyerno. Itinaas sa P8.00 ang minimum na arawang sahod ng mga manggagawa sa industriya, dagdag na tatlumpu't tatlong porsyento (33%) lamang, pero di bababa sa animnapung porsyento (60%) ang naging debalwasyon at mabilis pa nitong pinabababa ang tunay na sahod.

Hindi maaasahan ang isang bangkaroteng papet na gobyerno na kunin ang mga pag-aari ng EU sa pamamagitan ng dolyar. Sa mga dahilang pampulitika at pang-ekonomya ay imposibleng magawa ito ng papet na gobyerno. Itinaas ng paulit-ulit na debalwasyon ng piso ang halaga ng mga dayuhang pag-aari at tinulungang palawakin ang mga ito sa napakaraming magkakaugnay na paraan. Sa katunayan, sadyang pinalaki ng mga monopolyo ng EU ang kanilang pag-aari sa Pilipinas hanggang umabot sa di kukulangin sa dalawang bilyong dolyar ($2,000,000,000) (nakarekord na halaga) noong 1969, mula apat na raa't apatnapung milyong dolyar ($440,000,000) noong 1962.20 Nagawa nila ito sa pamamagitan ng pagpapasok nila rito ng kakaunting direktang pamumuhunan, at sa pamamagitan ng malakihang pangungutang sa lokal na mga pautangan. Sila ang humigop ng mismong pinautang nila sa papet na gobyerno ng Pilipinas sa mabibigat na kundisyon. Ang malinaws na layunin ng mabilis na pagpapalawak ng mga interes dito ng EU, saklaw man o hindi ng mga "karapatang pariti", ay pahigpitin ang panloob na kontrol ng EU sa pulitika at ekonomya ng Pilipinas. Ginagawa ito para paghandaan ang pagtatapos ng Kasunduang Laurel-Langley at Susog Pariti, at ipawalang-saysay ang anumang palagay na pwedeng bilhin ang mga pag-aari ng EU sa loob ng balangkas ng mga reaksyonaryong batas.

Dahil bangkrap ang reaksyonaryong gobyerno at matindi ang paghihirap ng mamamayang Pilipino, malinaw na kontrarebolusyonaryo ang magtaguyod ng "mapayapang nasyonalisasyon" ng ekonomya o umasa na awtomatikong magkakaroon ng independensya sa ekonomya, basta't pormal na matapos ang Kasunduang Laurel-Langley at ang Susog Pariti. Isa pa, ang karamihan ng pamumuhunan ng EU (mahigit limampung porsyento [50%]) ay hindi na saklaw ng mga "karapatang pariti" at kung gayo'y pinapayagan ng batas na manatili sa mga negosyong ang mahigit apatnapung porsyento (40%) ay pwedeng ariin o kontrolin ng mga mamumuhunan ng EU.

Para itaguyod ang pagtanggap sa pamumuhunan ng EU sa Pilipinas, tinutustusan nga ng imperyalismong EU ang mga kontra-rebolusyonaryong organisasyon at kilusang nagbubuga ng mga kalokohang tulad ng "mapayapang rebolusyon", "repormang konstitusyonal", "ligal na proseso", "makatwirang kabayaran", "partihan sa ganansya", "magkasamang pagnenegosyo", "mabuting pag-istima sa dayuhang bisita" at iba pang kabalbalang kapareho ng mga ito. Ang layunin ng lahat ng kontrarebolusyonaryong islogang ito ay pagtakpan ang kasamaan ng monopolyong kapital ng EU at ilihis ang rebolusyonaryong kilusang masa na nananawagan ng digmang bayan laban sa imperyalismong EU at lahat ng lokal na alipuris nito.

Kahit ang pambansang burgesya ay hindi makakaasang mapalaki ang parte nito sa pagsasamantala sa mamamayang Pilipino. Araw-araw na nahaharap sa pagkabangkrap ang saray na ito ng lipunan. Ang iilang kalakal na lokal nilang minamanupaktura ay hindi makaligtas sa pagtaas ng presyo ng imported na panggatong, kagamitan, pyesa, hilaw na materyales at iba pa. Halos nasairan na ang mga lokal na pautangang pwedeng puntahan ng pambansang burgesya. Kung ikukumpara sa saray na ito, mas may pagkakataon pa ang mga militaristang Hapones at sosyal-imperyalistang Sobyet na sumali o makipagkumpitensya sa imperyalismong EU sa pagsasamantala sa mamamayan.

Pinagtibay ang Batas na Pang-engganyo sa Pamumuhunan para bigyang daan ang pagpapatuloy at pagpapasidhi sa kontrol ng EU sa ekonomya ng Pilipinas pagkatapos ng Kasunduang Laurel-Langley at Susog Pariti. Sa katunayan, ang Kumbensyong Konstitusyonal, na pinatatampok ngayon ng mga kontrarebolusyonaryo na daluyan daw ng "pagbabago" sa lipunang Pilipino, ay hakbang para payagan ang mga monopolyo ng EU na nagmamay-ari ng mahigit apatnapung porsyentong (40%) sosyo sa mga korporasyon pagkaraan ng 1974, kahit sa mga negosyong gumagamit ng lupang publiko, naglilinang ng likas na yaman at nagpapatakbo ng mga gamit publiko. Kung paanong tiyak na paghaharian ng mga delegadong komprador at panginoong maylupa ang Kumbensyong Konstitusyonal, ganoon din katiyak ang pagpapasok ng pinakamakabuluhang mga susog sa kolonyal na konstitusyon para makalusot ang Batas na Pang-engganyo sa Pamumuhunan at ang isang di pantay na tratado ng pagkakaibigan, komersyo at nabigasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.

Ayon sa Batas na Pang-engganyo sa Pamumuhunan, may kapangyarihan ang Lupon sa Pamumuhunan, isang ahensya lamang ng papet na presidente, na payagang manatili o maitayo sa Pilipinas ang mga empresang pinahahariana ng EU kahit hindi nililimitahan ang kanilang sosyong kapital sa mga korporasyon sa maksimum na apatnapung porsyento (40%), tulad ng itinakda ng kasalukuyang konstitusyon. Ayon sa Seksyon 19, Paragraph 3 ng batas sa pamumuhunan, pwedeng magmay-ari ang mga dayuhang mamumuhunan ng kahit sandaang porsyentong (100%) sosyo sa mga lokal na korporasyon, basta magpahayag sila ng intensyong bentahan ng sosyo ang mga Pilipino o mga "Pilipinong nasyonal" sa loob ng sampung (10) taon mula sa petsa ng pagrerehistro ng ganoong mga korporasyon. Sa ikalabing-isang (11) taon, kailangan daw magbenta ng sosyo ang mga korporasyong iyon sa pamilihan ng sosyo (stock exchange). Pero kung hindi makabili ang mga Pilipino o "Pilipinong nasyonal" ng sapat na sosyo para mapaliit sa apatnapung porsyento (40%) ang direkta ng sosyong dayuhan, lalong mabuti para sa mga dayuhang mamumuhunan, dahil mapapayagan silang patuloy na magmay-ari ng mahigit 40% sosyo sa loob ng dalawampung (20) taon mula sa petsa ng pagrerehistro ng mga korporasyon. Pagkatapos ng unang taning na 20 taon, pwedeng payagan uli na ariin at kontrolin ang EU nang walang limitasyon ang mga korporasyong ito sa susunot na 20 taon.

Ginawang sagrado ng Batas na Pang-engganyo sa Pamumuhunan ang "Pilipinong nasyonal", korporasyong may maksimum na apatnapung porsyentong (40%) sosyong dayuhan sa kabuuan ng kapital. Sa gayon, madalas pag-usapan ngayon ng mga papet na pulitiko ang pagbibigay ng "tratong nasyonal" sa pamumuhunan ng EU. Layunin ng katawa-tawang depinisyon ng "Pilipinong nasyonal" na payagan ang mga monopolyo ng EU na magmay-ari ng mahigit 40% sosyo kahit sa mga lokal na korporasyon, na dito;y ang mga korporasyong "A" at "B". Kung may 40% sosyong dayuhan ang korporasyong "A" at kwalipikadong maging "Pilipinong nasyonal", pwede itong magmay-ari at maghawak ng animnapung porsyentong (60%) sosyo sa korporasyong "B" kasabay ng 40% sosyo na direktang hawak ng mga dayuhang mamumuhunan, sa ganoong magkakawing na relasyon ng korporasyong "A" ay nakakapagpasok ng animnapu't apat na porsyentong (64%) sosyong dayuhan sa korporasyong "B", kung tatanggalin ang mga ligal na hadlang. At tiyak namang magkakaroon ang korporasyong "A" ng malaking impluwensya sa korporasyong "B" na pabor sa kontrol ng dayuhan.

Sapat nang ariin at kontrolin ng mga monopolyo ng EU ang apatnapung porsyento (40%) sosyo para makontrol ang buong korporasyon. Madali itong magagawa kung pananatilihing buung-buong hawak ng mga mamumuhunang dayuhan ang 40% sosyo at kung sa pamamagitan ng pamilihian ng sosyo ay pananatilihin namang hiwa-hiwalay ang animnapung porsyento (60%) sa maliliit na kasosyong Pilipino. Luma nang salamangka ng mga monopolyong kapitalista ang paggamit ng maliliit pero buong bloke ng mga sosyo para kontrolin ang maraming maliliit na maysosyo. Umaalainsunod sa salamangkang ito ng mga imperyalista ang paglulunsad ng malaking kampanya sa "partihan sa ganansya" (isang mapanlitong termino para sa manipulasyon ng mga sosyo) para lokohin ang ilang suamsahod at ilang elementong petiburges na sapilitiang ibigay sa mga mapagsamantala ang kaunti nilang naipon at kikitain sa hinaharap, o para hayaan ang mga monopolyo ng EU at mga lokal na reaksyonaryo na magnakaw sa Sistema ng Segurong Panlipunan (Social Security System o SSS), Sistema ng Seguro sa Serbisyong Gobyerno (Government Service Insurance System o GSIS), Bangko sa Pagpapaunlad ng Pilipinas (Development Bank of the Philippines o DBP) at Pambansang Bangko ng Pilipinas (Philippine National Bank o PNB). Palibhasa'y talagang matakaw, gusto ng mga imperyalista ng EU na makagamit ng masa maraming paraan ng pagpapanatili sa kanilang kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya sa Pilipinas.

May iba pang paraan ang mga monopolyo ng EU para patuloy na kontrolin at ariin ang mahigit apatnapung porsyento (40%) ng kapital sa isang korporasyon at ganoon din ang mahigit 40% ng ganansya, kahit pagkatapos ng Kasunduang Laurel-Langley at Susog Pariti. Sunud-sunurang ipinaliwanag ito ng panig ng Pilipino sa panig ng Estados Unidos sa negosasyon sa Kasunduang Laurel-Langley. Ang mga monopolyo ng EU ay pwedeng humawak ng walang botong sosyo at bono sa mga korporasyon, kumontrol sa pagpapautang, magpataw ng mga kontrata sa pamamahala, magmanipula ng mga kasunduan sa pamimili at kontrata sa tulong ng taknikal, at napakarami pang iba na pinapayagan ng reaksyonaryong kapangyarihan. Isa pa, naging layunin ng negosyong Braderman-Virata na patagalin pa ang mga "karapatang pariti" sa pamamagitan lamang ng pag-iiba ng tawag dito - "tratong nasyonal" - sa niluluto ngayong tratado ng pagkakaibigan, komersyo at nabigasyon. Sa komunikeng inilabas ng mga nagnenegosasyon, malinaw na pumapayag ang mga imperyalista ng EU at mga lokal nilang tuta na alisin ang mga "karpatang pariti" ng EU sa larangan ng pagtitingi.

Pinagagrabe ng Batas ng Pang-eengganyo sa Pamumuhunan ang pagkalaiping pang-ekonomya ng sambayanang Pilipino at ibinebenta sa imperyalismong EU ang bawat anyo ng soberanyang Pilipino. Ang papet na estado ay obligado ng batas na ito na kailanma'y huwag kunin o hingin ang dayuhang pag-aari. Obligado rin ang estado na magbigay ng dolyar sa mga dayuhang mamumuhunan para mag-uwi sila ng puhunan, maglabas ng kita at para bayaran ang lahat ng utang sa dayuhan at obligasyon sa kontrata. Dagdag pa sa mga saligang pribilehiyong ito, ang mga mamumuhunan ng EU, sa pamamgitan ng kanilang mga korporasyong nakarehistro sa Lupong sa Pamumuhunan, ay nagtatamasa ng mga "pang-engganyo" tulad ng pagiging libre sa buwis sa benta ng dibidendo ng sosyo, pinabilis na depresasyon, pagbawi ng netong lugi sa operasyon sa susunod na panahon, pautang sa buwis, pagiging libre sa buwis sa imported na kagamitang pamuhunan, pag-eempleyo ng mga dayuhang nasyonal, pagkaltas ng muling ipinuhunan sa pagpapalawak, proteksyon laban sa kompetisyon ng gobyerno, prayoridad sa pagpapautang ng gobyerno, paggamit ng pondo ng GSIS at SSS, at mga ispesyal na pang-engganyo para mag-eksport.

Itinakda ng Batas sa Pang-eengganyo sa Pamumuhunan ang isang modelo ng lehislasyon na naglalayong pamalagiin ang pagmamay-ari at kontrol ng EU sa mga lokal na empresa nang hanggang sandaang porsyento (100%). Pinapayagan ng Batas sa Pang-eengganyo sa Pag-eeksport ang hanggang limampu't limang porsyentong (55%) sosyong dayuhan sa mga industriyang eksport at hanggang 100% sa mga bagong industriyang eksport.

Sa pagsunod ng mga reaksyonaryo sa idinikta ng mga amo nilang imperyalista ng EU, sinimulan na rin nila ang paglikha ng mga sona para sa malayang kalakalan, tulad ng Mariveles Free Trade Zone (Bataan Export Processing Zone), para mabigyan ang mga monopolyo ng EU ng mga permanenteng engklabeng pang-ekonomya na doo'y ligtas sila sa mga batas sa buwis ng papet na gobyerno ng Pilipinas.

Parehong ginagamit ng imperyalismong EU ang mapayapa't marahas na mga paraan sa pagsupil sa malakas na panawagan ng sambayanang Pilipino para sa pambansang paglaya't demokrasya. Tinutustusan at minamanipula ng CIA at iba pang subersibong ahensya ng imperyalismong EU ang iba't ibang sangay ng papet na gobyerno, ang mga organisasyong "sibiko" at "panreporma", ang mga institusyon sa edukasyon at kultura at ang reaksyonaryong mga institusyon sa edukasyon at kultura at ang reaksyonaryong masmidya para maglunsad ng kampanya sa propaganda na lilikha ng "magandang klima para sa dayuhang pamumuhunan" at ng matinding damdamin laban sa komunismo. Kasabay nito'y marahas at todo-todong sinisikap na "kitlin habang usbong" pa lamang ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan, ibig sabihin, ang malawak na masa ng mamamayan na bumangon na para lagutin ang tanikalang kolonyal. Mas maraming kagamitang militar at pagsasanay sa mga teknik sa kontra-insureksyon ang ibinibigay sa lokal na pulisya at reaksyonaryong armadong pwersa, sa pamamagitan ng Upisina sa Kaligtasang Publiko ng AID at sa pamamagitan ng JUSMAG. Sa ngalan ng antikomunismo ay napakaraming pasistang krimen ang ginagawa laban sa sambayanan. Araw-araw ang pasismo ay pinasisidhi ng pasistang papet na rehimeng Marcos sa tangkang takutin ang sambayanan.

Tuwing gagawa ng kasumpa-sumpang krimen ang mga tauhang militar ng EU at laganap ang paghingi ng hustisya na lumabas kahit sa reaksyunaryong dyaryo, ang papet na gobyerno ay nagkukunwaring humihingi sa embahada ng EU ng panibagong negosasyon tungkol sa Kasunduan ng EU at RP sa mga Base Militar. Paghupa ng ingay, humuhupa rin ang usapan tungkol sa panibagong negosasyon. Pinangingibabaw ang taksil na ideya na nagbibigay naman ng kitang dolyar sa papet na gobyerno ang mga dayuhang base militar. Ang kakarampot na sandaa't tatlumpung milyong dolyar ($130,000,000) hanggang sandaa't limampung milyang dolyar ($150,000,000) na kinikita taun-taon ng papet na gobyerno at mga promotor ng bisyo mula sa mga base militar ng EU ay malinaw na hindi sapat na kabayaran sa paglabag sa soberanya at integridad ng teritoryo ng Pilipinas, pati sa aktwal na pagkakait ng kabuhayan at sabotaheng pang-ekonomya na resulta ng pag-okupa sa mga lupaing magagamit sa agrikultura at pagmimina, at resulta rin ng walang prenong ismagling ng mga kalakal ng EU sa pamamagitan ng mga base militar ng EU.

Tuwing maglulunsad ang imperyalismong EU ng gerang agresyon laban sa ibang bayan, hindi nag-aatubili ang papet na gobyerno ng Pilipinas na magtawag ng konsehong panggera o kaya'y lumahok dito, sa pamamahala ng imperyalismong EU. Lalong lumilinaw kung bakit kailangang patuloy na hawakan ng imperyalismong EU ang mga base militar nito sa Pilipinas. Ang mga base militar na ito ang pundamental na garantya para maprotektahan ang pamumuhunan ng imperyalismong EU sa Pilipinas, at para makapaglunsad din ng mga gerang agresyon sa Asya. Sa kabila ng mga usap-usapang tungkol sa pag-alis ng EU sa Asya, paulit-ulit namang ipinipilit ng imperyalismong EU na mananatili itong "kapangyarihan sa Pasipiko". Pinag-uusapan kunwari ang "pag-alis" para lamang magkaroon ng pagkakataon ang mga tutang Pilipino na magmakaawang manatili rito ang imperyalismong EU, sinasabi naman ng mga pusakal na reaksyonaryong lokal na hindi pa panahong magkaroon ng "panibagong negosasyon" sa mga tratado, dahil dumadanas ng krisis pang-ekonomya ang Pilipinas, at namamalimos ang gobyerno nito ng pautang sa dayuhan.

Mabilis ngayong naibubukod ang imperyalismong EU bilang Numero Unong kaaway ng mamamayan ng daigdig at ng sambayanang Pilipino, at desperadong nagtatangka itong itago ang pagiging prinsipal na nang-aapi't nagsasamantala. Tulad ng dati, gusto nitong palabasin na kusang nagpapalimos ang gobyerno ng Pilipinas para makakuha ng puhunan, hindi lamang mula sa Estados Unidos kundi pati sa mga tinatawag na internasyonal na institusyon at konsorsyum sa pinansya,21 at sa iba pang bayang imperyalista tulad ng Hapon at Unyon Sobyet. Sa pagpapataw ng Estados Unidos ng mga imperyalistang patakaran nito sa papet na gobyerno ng Pilipinas, hindi lamang ang AID at ang iba pang direktang ahensya nito ang ginagamit ng Estados Unidos, kundi pati ang IMF, ang WB, ang ADB, mga internasyonal na konsorsyum, iba't ibang ahensya ng UN at mga organisasyong "panrehiyon". Pero kung gagawa ng panloob na pagsusuri sa kwenta, laging ang imperyalismong EU ang lalabas na pinakamatakaw sumipsip ng dugo.

Para higpitan ang mga dating dalawahang-panig at maramihang panig na tratado at kasunduang gumagapos sa Pilipinas, inuudyukan ng imperyalismong EU ang papet na gobyerno ng Pilipinas na itaguyod ang mga bagong kasunduanng "panrehiyon" tulad ng ASPAC, ASEAN, SEAMEC at iba pa. Ipinopropaganda ang mga ito bilang mga organisasyong panrehiyon na independyente sa imperyalismong EU, pero malinaw namang binubuo ng mga papet na gobyernong nakatali sa imperyalismong EU sa napakaraming paraan. Ang pagsisikap ng imperyalismong EU na magtago sa likod ng ganitong mga huwad na organisasyon ay pinag-iibayo ayon sa "Doktrinang Nixon" na "Asyano ang palabanin sa kapwa Asyano". Pero hindi maitatago ng imperyalismong EU ang agresibo nitong kalikasan; sa abot ng makakaya'y pananatilihin at gagamitin sa ibang bayan ang tauhang militar nito.

Sa anu't anuman, ang militarismong Hapones ay mabilis na binubuhay uli ng imperyalismong EU para magsilbing prinsipal na instrumento nito sa Asya, at pinapapasok nito sa Pilipinas. May ilusyon itong panatilihing punong-tanod ng EU sa Asya ang Hapon. Sa kagustuhan ng imperyalismong EU, nagmamaniobra ang papet na rehimeng Marcos para mapagtibay ang di pantay na tradado ng Hapon at RP sa Pagkakaibigan, Komersyo at Nabigasyon. Kahit wala ang tratadong ito, pinapayagan ang Hapon na lumahok sa pandarambong ng mineral ng Pilipinas at ng yaman nito sa dagat, gubat at agrikultura. Pinapayagan din ang Hapon na mamuhunan at magtambak ng kalakal sa pamilihan ng Pilipinas. Pumapangalawa lamang ito ngayon sa Estados Unidos sa pamumuhunan at sa pagkontrol ng kalakalang panlabas ng Pilipinas.22 Gusto ng mga reaksyonaryo na bigyan ng ispesyal na pribilehiyong makapaglayag nang malaya sa karagatang teritoryo ng Pilipinas ang mga plotang pangisda pati ang mga sasakyang-dagat ng Hapon.

Pakana rin ng imperyalismong EU na mag-umpisang magkaroon ang Pilipinas ng relasyong diplomatiko at pakikipagkalakarlan sa sosyal-imperyalismong Sobyet. Pumapapel ang sosyal-imperyalismong Sobyet na kaya nitong magpautang, laluna sa porma ng puhunang kalakal, at nagtatangka itong makaparte sa hilaw na materyales ng Pilipinas, magbenta ng patakbuhing mga kalakal nito sa pamilihan sa Pilipinas at mang-usura. Tulad ng Hapon, ang sosyal-imperyalismong Sobyet ay minamaniobra ng imperyalismong EU para sobrang magkalat ng pwersa sa pagdedepensa ng sistemang kapitalista sa mundo, at magkaroon ng parte sa responsibilidad na magmantini ng mga reaksyonaryong gobyernong sa saliga'y papet ng imperyalismong EU.

Sa partikular, interesado ang imperyalismong EU na patulungin ang sosyal-imperyalismong Sobyet sa mga lokal na rebisyonistang taksil sa pananabotahe sa rebolusyonaryong kilusang masa at patulungin din sa reaksyonaryong gobyerno sa pagtataguyod ng ilusyon na mayroon ditong demokrasya. Sa pananabik na makinabang sa pagluluwag ng imperyalismong EU, ang mga ahenting Pilipino ng sosyal-imperyalismong Sobyet, ang mga taksil na rebisyonistang Lava, ay madalas magbigay ng impormasyon sa reaksyonaryong armadong pwersa laban sa Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at malawak na masa ng mamamayan. Naglulunsad sila ng mga kampanya ng paninira at gumagawa ng madugong porma ng intriga laban sa sambayanan.

Ang istratehikong alyansa ng imperyalismong EU, militarismong Hapones at sosyal-imperyalismong Sobyet na pinasukan ng papet na gobyerno ng Pilipinas ay pundamental na nakatuon sa sambayanan, sa rebolusyon, sa komunismo at sa Tsina. Sa aregluhang ito, ginagamit ng imperyalismong EU ang militarismong Hapones para rendahan ang sosyal-imperyalismong Sobyet, at ginagamit naman ang sosyal-imperyalismong Sobyet para rendahan ang militarismong Hapones. Samantalang magkaalyado sila laban sa pareho nilang kaaway, bilang mga pwersang imperyalista'y hindi nila maiwasang mag-agawan sa panibagong paghahati-hati sa mundo. Sa bandang huli'y sila mismo ang sisira sa kanilang aregluhan.

May kalakasan nga ang imperyalismong EU sa Pilipinas, pero kung sa mundo ang pag-uusapan ay nanghihina na ito. Hindi na nito maipapagpaliban ang sariling pagbagsak. Panahon na ngayon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, panahong tumutuloy ang imperyalismong EU sa ganap na pagbagsak at sumusulong ang sosyalismo sa pandaigdigang tagumpay.

Hindi tulad noong nakaraang dalawang digmaang pandaigdig, nang kaya pang samantalahin ng imperyalismong EU ang pagkakapahamak ng iba pang kapangyarihang imperyalista, ito naman ngayon ang itinutulak ng pandaigdigang pakikibakang antiimperyalista tungo sa sariling ganap na pagkapahamak. Dahil masyadong nakakalat ang pwersa ng imperyalismong EU sa buong mundo para apihin ang mga mamamayan, hindi na nito kayang harapin ang malalakas na hambalos ng parami nang paraming mamamayan sa parami nang paraming lugar. Naglalagablab ang mga digmaang bayan sa buong mundo, laluna sa Asya, Aprika at Amerika Latina. Sa yugtong ito na napakaraming aping mamamayan ang nagbabangon para gawing pangunahing tunguhin ang rebolusyon, mabilis na tumutuloy ang imperyalismong EU sa ganap na pagbagsak. Kung maglulunsad ito ng gerang pandaigdig, mapapabilis lamang ang sarili nitong pagkawasak. Kung hindi naman, wala pa rin itong pag-asang ipanalo ang mga gerang agresyon nito, tulad ng inilulunsad laban sa sambayanan ng Byetnam, Kampuchea, Laos at iba pang bayan. Sa mismong lupain ng imperyalismong EU, pinag-iibayo ng proletaryadong puti at itim ang rebolusyonaryong pakikibaka nila sa mapandigmang imposisyon ng malaking burgesya. Nakikipag-alyansa ang imperyalismong EU sa iba pang kapangyarihang imperyalista pero lagi namang sinasamantala ng mga ito ang kagipitan niyon. Kahit mukhang malaking halimaw ang imperyalismong EU, sa esensya ay tigreng papel ito na nag-aagaw-buhay na.

Samantalang tumutuloy na sa kapahamakan ang imperyalismong EU at mga kaalyado nito, kinokonsolida naman ng mga sambayanang Tsino at Albanes ang sosyalismo at sinisigurado na may makapangyarihang baseng likuran ng pakikibakang anti-imperyalista sa buong mundo. Patuloy na lumalawak ang pandaigdigang nagkakaisang prente para ihiwalay ang mga pusakal na kontrarebolusyonaryo. Maaliwalas ang kinabukasn ng lahat ng aping sambayanan habang hinahawakan nila ang mga saligang sandatang ginagamit ng mga sambayanang Tsino at Albanes para makamit ang maningning nilang mga tagumpay. Ang rebolusyong Pilipino ay tinatanglawan ngayon ng dakilang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang rebolusyonaryong partido ng proletaryadong Pilipino, ay itinatag uli sa tamang batayang teoretikal para pamunuan ang sambayanan tungo sa tagumpay.

__________________________

20 Ang hula-hulang tantyang ito ay galing sa Foreign Information Service ng First National City Bank ng New York, "The Philippines' Return to a Free Market Economy" (Polyeto, Enero 1963), mga pahina 5-6.

21 Itinaguyod ng WB noong Oktubre 1970 ang pagtatayo ng isang internasyonal na "grupong konsultatibo" para lalong higpitan ang pampinansyang pagkakagapos ng Pilipinas.

22 Parang lobong hinihipan ang direktang pamumuhunan ng Hapon, laluna mula noong 1970. Kahit ipinapakita sa mga upisyal na rekord ng Pilipinas na labinlimang milyong dolyar ($15,000,000) lamang ang ipinuhunan dito ng mga kumpanyang Hapones, ipinapahayag ng mga publikasyong Hapones na ang direktang pamumuhunan ng Hapon ay umabot na sa apat na raa't limampung milyong dolyar ($450,000,000). Noong Setyembre 1971, nakapagpautang na rin ang Hapon ng kabuuang apat na raa't tatlumpu't walong milyong dolyar ($438,000,000) sa pribadong sektor at sa gobyerno ng Pilipinas. Kitang-kita sa larangan ng pakikipagkalakalan sa mga dayuhan kung gaano katindi ang paglusob ng Hapon sa ekonomya ng Pilipinas. Noong 1970, napalitan pa nga ng Hapon ang EU bilang "numero unong kapareha" ng Pilipinas sa kalakalan. Noong 1971, nabawi ng EU ang numero unong posisyon at mahigpit na pumapangalawa ang Hapon. Kontrolado ng dalawang ito ang di kukulangin sa pitumpu't limang porsyento (75%) ng pakikipagkalakalan ng Pilipinas sa mga dayuhan.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.