Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikalawang Kabanata: Mga Pundamental na Suliranin ng Sambayanang Pilipino



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


3. Ang Monopolistang Kontrol ng EU sa Pilipinas

Sa paraang di pantay at pasumpung-sumpong, ipinupuhunan sa ekonomya ng Pilipinas ang sobrang kapital ng EU. Sa ngayon, pag-aari o kontrolado ng mga monopolyo ng EU at mga lokal sa subsidiyaryo ng mga ito ang mga negosyong tulad ng sa petroleyum,14 gulong at goma, gamot, abono, kemikal, minahan, malaking makinarya, pagbebenta ng kalakal o marketing;, pasilidad sa transportasyon at iba pa. Sa Amerikano ang mayorya ng pinakamalalaking korporasyon sa Pilipinas ngayon. Kontrolado nila ang di kukulangin sa limampung porsyento (50%) ng kabuuang pag-aari sa negosyo dito sa ating bayan. Di bababa sa dalang bilyong dolyar ($2,000,000,000) ang nakarekord na halaga ng pribadong pag-aaring ito ng EU, ayon sa nakuhang datos noong 1969.15 Sa pamilihan, ilang beses na mas mataas ang halaga nito. Binubuo ng mga pag-aaring ito ang di kukulangin sa animnapung porsyento (60%) ng buong pribadong pamumuhunan ng EU sa Timog-Silangang Asya. Sa buong pribadong pamumuhunang dayuhan sa Pilipinas, walumpung porsyento (80%) ang sa EU. Higit ang laki at halaga ngayon ng pamumuhunan ng EU sa Pilipinas kaysa noong panahon ng direktang kolonyal na paghahari ng EU, nang umabot ang pribadong pamumuhunan ng EU sa limang daa't tatlumpu't pitong milyong piso (P537,000,000) o dalawang daa't animnapu't walong milyon, limang daang libong dolyar ($268,500,000) (batay sa datos ng Kawanihan ng Sensus at Istadistiko).

Hindi lamang ang laki ng pamumuhunan ng EU ang masyadong nakakabigat sa mamamayang Pilipino. Napakabigat din ng estratehikong posisyon ng mga ito. Halimbawa, ang petroleyum (na isinusuplay ng Esso, Caltex, Mobil, Filoil, at Getty Oil)16 ay kontroladong-kontrolado ng mga monopolyong kapitalismo ng EU sa langis. Sa pamamagitan lamang ng kalakal na ito, kontrolado na ng monopolyong kapitalismo ng EU ang lahat ng iba pang kalakal na ibinibiyahe o pinoproseso sa Pilipinas. Isinusuplay ng mga monopolyo ng EU sa langis ang mahigit siyamnapung porsento (90%) ng enerhiyang kailangan ng bansa. Kontrolado rin ng mga dayuhang empresa, pangunahi'y sa EU, ang produksyon ng goma ng sasakyan, pangangalakal ng materyales sa konstruksyon, pangangalakal ng mga import-eksport at pamamakyaw. Kontrolado nila ang malakihang pagbebenta sa mga konsyumer tulad ng malalaking plantang panserbisyo. Kahit parang umalis na ang mga kapitalista ng EU sa larangan ng gamit-publiko, ibinenta nila ang malaking parte ng sosyo nila sa Meralco (kuryente) at PLDT (telepono) pagkaraan lamang tambakan ang mga empresang ito ng pautang mula sa EU at makakuha ng mga garantiya sa mga institusyong pampinansya ng gobyerno. Ang mga empresang ito ay patuloy nilang kinukunan ng malalaking bayad sa interes at lalo ngayong namimiligrong mabawi sa pamamagitan ng mga bonong ibinebenta sa Wall Street.

Ang mga imperyalista ng EU ang may-ari ng pinakamalalaking bangkong komersyal, kumpanya sa seguro at iba pang institusyon sa pinansya. Kung gayon, kontrolado nila ang sistema ng pagbabangko sa Pilipinas. Kinakamkam nila ang naiipon ng mamamayan at ginagamit para tustusan ang mga empresa ng EU rito. Kaugnay nito'y madalas sabihing halimbawa ng katusuhang Kano ang pangangapital ng Philipine-American Life Insurance Company noong umpisa, na wala pang isang milyong piso, at ang mabilis na paglago nito hanggang maging bilyong-pisong korporasyon sa loob lamang ng dalawampung (20) taon pagkaraan ng huling gera. Hindi lamang sa mga bangko rito ng EU nangungutang ang mga empresa ng EU kundi pati sa mga bangkong pag-aari ng Pilipino. Makikita sa produksyon ng ginto ang isa sa garapal na kaso ng kahayukang Kano. Sa mahabang panahon sa ilalim ng Batas sa Sabsidyo sa Ginto, ang Bangko Sentral ay bumibili ng ginto sa Benguet Consolidated at iba pang kumpanya ng EU sa pagmimina sa presyong limampu't pitong dolyar ($57)hanggang animnapu't pitong dolyar ($67) bawat onsa, ibig sabihin mas mahal ng dalawampu't dalawang dolyar ($22) hanggang tatlumpu't dalawang dolyar ($32) kaysa presyong pandaigdig na noo'y tatlumpu't limang dolya ($35) bawat onsa.

Mula 1960 hanggang kalagitnaan ng 1969, ang mga dayuhang mamumuhunan (pangunahi'y Amerikano) ay humiram ng labintatlo't kalahating bilyong piso (P13,500,000,000) sa mga lokal na pautangan. Noong 1962-68, ang mga empresa ng EU na lamang ay nakautang ng walong bilyong piso (P8,000,000,000) sa malinaw na pagsunod sa dating gawing imperyalista, at sa malinaw ding pagtupad sa patakaran ng EU na limasin ang lokal na pautangan sa mga kolonya at malakolonya para mapagaan ang krisis ng EU sa balanse ng bayaran. Sa isang pag-aaral sa sandaa't walong (108) empresa ng EU na sinasabing bumubuo sa pitumpung porsyento (70%) ng pamumuhunan ng EU sa Pilipinas, nalantad na walumpu't apat (84%) na porsyento ng kapit at pondo sa pagpapatakbo ng mga iyon ang nanggaling sa Pilipinas at labing anim na porsyento (16%) lamang (kabilang ang ganansyang nakuha sa Pilipinas na pinuhunan uli) ang nanggaling sa Estados Unidos noong 1956-65. Sa loob ng panahon ding ito, ang 108 empresang iyon ng EU ay nag-uwi ng mahigit tatlong daa't walumpu't anim na milyong dolyar ($386,000,000), halos pitong beses ang laki sa aktwal na kabuuan ng bagong pamumuhunang limampu't walo at kalahating milyong dolyar ($58,500,000) na ipinasok ng mga iyon sa Pilipinas. Sa bayad na kapital ng mga empresang iyon, dalawampu't walang milyong dolyar ($28,000,000) lamang ang nadagdag sa panimulang kapital na pitumpu't apat na milyong dolyar ($74,000,000) noong 1956, na naging isang daa't dalawang milyon at limang daang libong dolyar ($102,500,000) noong 1965, samantalang ang ganansyang iniuwi nila ay mahigit sanlibo't tatlong daang posyento (1,300%) ng ganoon kaliit na dagdag sa bayad na kapital.

Ipinapakita ng istadistiko ng Bangko Sentral na noong 1960-69 ay nagpasok ang mga dayuhang mamumuhunan, na karamiha'y Amerikano, ng sandaa't animnapung milyong dolyar ($160,000,000) na bagong kapital, naglabas ng di kukulangin sa apat na raa't walumpu't dalawang milyong dolyar ($482,000,000) na binawing kapital at iniuwing ganansya. Hindi ngayon lamang nangyari na nag-uwi ng napakalalaking ganansya ang mga empresa ng EU. Noong mga taon ng dekadang 1950, nang may kontrol pa sa dayuhang pera at ginaganyak ang mga empresa ng EU na ipuhunan uli sa lokal na ekonomya ang kanilang ganansya, namuhunan sila ng dalawang daa't labinlimang milyon, sandaang libong dolyar ($215,100,000).

Inaamin agad ng istadistiko ng EU na ang ganansya sa pamumuhunan ng EU sa Pilipinas ay mas mataas nang mahigit dalawampu't limang porsyento (25%) kaysa karaniwang ganansya sa pangkalahatang pamumuhunan ng EU sa ibang bayan.17

Upisyal na iniulat ng reaksyonaryong gobyerno ng Pilipinas na ang iniuwing ganansya ng mga empresa ng EU ay umabot sa ilampung milyong dolyar taun-taon noong dekadang 1960, karaniwa'y mahigit nang kaunti sa apatnapung milyong dolyar ($40,000,000) taun-taon. Gayunman, sa mga rekord ng Bangko Sentral, may mga di natutukoy na transaksyong nagkakahalaga ng ilandaang milyong dolyar taun-taon na kabayaran daw sa mga import, sa paglalakbay sa ibang bayan, at iba pang transaksyong ginagamitan ng dayuhang pera. Ayon sa tantya ng Economic Monitor, ang mga empresa ng EU na may limang daang milyong dolyar ($500,000,000) na pamumuhunan sa Pilipinas ay nag-uwi ng ganansyang dalawang bilyon, dalawang daang milyong dolyar ($2,200,000,000) mula 1962 hanggang 1969, o karaniwa'y tatlong daa't labing-apat na milyong dolyar ($314,000,000) taun-taon. Dagdag dito, ang kabayarang dolyar sa iba't ibang di hayag na pinagkagastusan (invisibles) ay dalawang bilyon, pitong daang milyong dolyar ($2,700,000,000) lahat-lahat, o karaniwa'y tatlong daa't walumpu't limang milyong dolyar ($385,000,000) taun-taon. ayon sa mga Amerikano para sa Kapayapaan sa Indotsina (Americans for Peace in Indochina), asosasyon ng mga Amerikanong nasa Pilipinas na tutol sa gerang agresyon ng EU, noong 1969 lamang ay nag-uwi ang mga mamumuhunan ng EU ng tatlong bilyong dolyar ($3,000,000,000) mula sa Pilipinas.

Isang tusong paraan ng pag-uwi ng ganansya ng mga empresa ng EU na nasa ibang bayan ay ang pagbili ng kalakal at serbisyo na pinasosobrahan ang presyo mula sa kanilang mga punong kumpanya o kapatid na kumpanya sa Estados Unidos. Dito naman sa Pilipinas, ang mga empresa ng EU na nasa negosyong eksport at muling pag-eeksport ay nagpapababa ng presyo ng kanilang kalakal at pagkatapos ay sa ibang bayan nila iyon ibinebenta sa tunay na presyo at doon kinukuha ang tunay na ganansya. Isa pang paraan ang ginagawa ng mga kumpanya ng EU sa pagmimina, na nag-eeksport ng tanso at bakal na marami ring kahalong ginto, pilak, nikel at iba pang sangkap na di lubusang kinukwenta dito sa Pilipinas.

Dahil sa kolonyal at agraryong katangian ng ekonomya ng Pilipinas, masyado itong umaasa sa kolonyal na sistema ng kalakalan, ibig sabihi'y sa palitan ng lokal na hilaw na materyales at yaring produktong dayuhan, laluna iyong galing sa EU. Di mapatip-patid ang ugnayan ng dalawa: ang kolonyal na sistema ng kalakalan - na matagal nang pinauunlad ng imperyalismong EU sa pamamagitan ng pagiging suki ng Pilipinas at sa pamamagitan ng sistemang kota - ay nagpapanatili naman sa kolonyal at agraryong katangian ng ekonomya ng Pilipinas. Sa biglang tingin ay parang nakakabuti sa Pilipinas ang malayang kalakalan, pero kung susuriin ang mga kwenta, malinaw na ang nakikinabang lamang ay ang mga imperyalista ng EU at ang mga pangkatin ng komprador-panginoong maylupa sa Pilipinas. Noong kalakasan ng malayang kalakalan sa ilalim ng Batas Bell, mula 1946 hanggang 1954, ang Estados Unidos ay nag-eksport sa Pilipinas ng mga kalakal na nagkakahalaga ng dalawang bilyong dolyar ($2,000,000,000) na libre sa taripa samantalang ang Pilipinas ay nag-eksport naman sa EU ng mga kalakal na nagkakahalaga lamang ng walong daan walumpu't siyam na milyong dolyar ($889,000,000) na libre sa taripa.

Dahil sa katangian ng mga eksport ng Pilipinas, ang ang kalakha'y asukal, troso, tabla, produkto ng niyog, abaka, tabako at di pa napoprosesong mineral, hindi magawang kumita ng sapat na dolyar na pambayad sa imported na mga yaring produkto, unang-unan na mula sa EU na mas matataas ang presyo. Noong 1968, walo tuldok tatlong porsyento (8.3%) lamang ng eksport ng Pilipinas ang nasa kategorya ng yaring kalakal. Masyadong di pantay at tagilid ang ekonomya ng Pilipinas, kaya kailangan nitong mag-import ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng mga produkto ng manukan, produkto ng gatasan, pagkaing butil at iba pang produktong gawa sa butil, na kabilang pa rin sa sampung (10) pangunahing import. Sa pandaigdigang pamilihang kapitalista, laging pinatataas ng mga dayuhang monopolyo ang presyo ng kanilang yaring produkto at iba pa, at pinamumura naman ang hilaw na materyales na binibili nila sa mga kolonya at malakolonya tulad ng Pilipinas. Ang resulta ay ang paulit-ulit na depisit sa kalakalang panlabas ng Pilipinas. Ang taunang depisit na ito ay tumaas mula sandaa't apatnapu't pitong milyon, sandaang libong dolyar ($147,100,000) noong 1955 hanggang maging dalawang daa't apatnapu't siyam na milyon, pitong daang libong dolyar ($249,700,000) noong 1967 at tatlong daa't isang milyon, siyam na raang libong dolyar ($301,900,000) noong 1968. Ang mabilis na paglaki ng depisit na ito ay resulta ng pagsusumikap ng imperyalismong EU at lahat ng iba pang kapangyarihang imperyalista na pigain ang higit pang ganansya sa kanilang kalakalang panlabas, bilang hakbang sa paglutas ng sarili nilang problema sa balanse sa bayaran. Buong kasamaan nilang ipinapapasan ngayon sa mga kolonya at malakolonya nila ang kanilang pangkalahatang krisis, sa pamamagitan ng pagpaparami ng sarili nilang eksport, pag-eeksport ng implasyon, pamimilit sa mas mahihinang bayan na babaan ang halaga ng kanilang pera (debalwasyon), at pang-uusura.

Ang ekonomya ng Pilipinas ay walang industriyang gumagawa ng kalakal para sa produksyon (capital goods industry), at walang anumang pagbabago sa istruktura ng lokal na pagmamanupaktura.18 Noong 1968, pitumpu't lima at kalahating porsyento (75.5%) ng minamanupaktura ay mga produktong di nagtatagal tulad ng pagkain, inumin, sigarilyo't tabako, tela, sapin sa paa, papel, goma, kemikal at iba pa. At dalawampu't apat tuldok tatlong porsyento (24.3%) naman ng minamanupaktura ay mga produktong nagtatagal tulad ng mwebles at mga ikinakabit sa bahay at mga nirereasembol na makinarya, produktong metal, kasangkapan sa bahay, sasakyan at iba pa.

Nitong nakaraang dalawang taon ay ipinapangalandakan na napakaraming dolyar ang ginastos ng reaksyonaryong gobyerno ng Pilipinas dahil pangunahi'y nag-iimport ng makinarya, kagamitan sa transportasyon, panggatong at hilaw na materyales para sa lokal na pagpoproseso. Ang ibig palabasin ay mabilis daw na nagtatayo ng mga industriya sa Pilipinas. Malaking kasinungalingan ito dahil ang mga import na ito ay pangunahing ginagamit sa mga proyekto sa obras publikas, pagpapagawa ng mga gusaling pang-upisina at mga asukarera, pagmimina, pyesa ng makina, pagrereasembol ng mga sasakyan at kasangkapan sa bahay, at iba pa na kung tawagin ay intermedyang industriya tulad ng industriya ng tela, arina at asero na umaasa sa imported na sinulid, trigo at bakal.

Habang artipisyal na pinananatili ang ekonomyang kolonyal ng Pilipinas, nagkaroon ang reaksyonaryong gobyerno ng panloob na utang na di kukulangin sa anim na bilyong piso (P6,000,000,000) at panlabas na utang na isang bilyon, siyam na raang milyong dolyar ($1,900,000,000) (inirekord noong Hunyo, 1970)19 na karamiha'y mula sa mga bangko ng EU, na mataas ang interes at maikli ang taning sa pagbabayad. Mataas na implasyon at debalwasyon ang naging resulta ng mga utang na ito. Bilang malakolonya, hindi patuloy na makakaandar ang Pilipinas kung walang sapat na suplay ng dolyar. Pero habang nagsusumikap ito na magkaroon ng dolyar, lalo lamang itong nalulubog sa kolonyal na pagsasamantala at krisis. Dahil laging kulang ang dolyar na kinikita sa pagbebenta ng hilaw na materyales, kailangang mamalimos ang reaksyonaryong gobyerno ng Pilipinas sa mga monopolistang bangko ng EU at mga internasyoal na institusyon sa pinansya na kontrolado ng EU, para makakuha ng mas maraming pautang sa pabigat nang pabigat na kundisyon. Kay daling naisasangla at naisusubasta ang Pilipinas. Umabot na sa pinakapeligrosong antas ang pangungutang sa dayuhan, kaya paulit-ulit na ipinapataw ang debalwasyon ng piso at tulirung-tuliro ang reaksyonaryong gobyerno kahit sa usapin lamang ng pagbabayad sa dating mga utang. Pero kailangan pa ring makakuha ito ng bagong pautang sa mas mabibigat na kundisyon, para makaimport ng mga yaring produktong hindi nagagawa sa kolonyal na ekonomya. Desidido ang papet na pangkatin ni Marcos na dagdagan pa ang utang na panlabas ng Pilipinas, sa pamamagitan ng hinihinging awtoridad na makapangutang ng isa't kalahating bilyong dolyar ($1,500,000,000) pa sa loob ng susunod na apat na taon.

__________________________

14 Tinutukoy dito ang pagrerepina at pagbebenta ng mga produkto ng petrolyo. Ilang dekada ring pinagsasabi ng mga kumpanya ng langis ng EU na walang deposito ng langis sa Pilipinas, pero sila ngayon ang naghahari sa larangan ng paghahanap ng langis at binabalak nilang buksan ang mga deposito ng langis para sa sariling pakinabang.

15 Ayon sa isang pag-aaral na ipinagawa ng Pambansang Kunseho sa Ekonomya (National Economic Council o NEC), ang nakatalang halaga ng mga ari-arian ng EU noong 1965 ay di kukulangin sa isang bilyon, sandaa't limampung milyong dolyar ($1,150,000,000), at walong daa't pitong milyong dolyar ($807,000,000) dito ang pag-aari ng sandaa't walong (108) nangungunang empresa ng EU. Sa tantya ng embahada ng EU, isang bilyong dolyar ($1,000,000,000) lamang daw ang halaga ng mga ari-arian ng EU noong 1968. Ang ibinilang lamang dito ay ang isandaa't pitumpung (170) empresa na ang puhunang sosyo ng EU ay apatnapung porsyento (40%) o higit pa, at ang pamumuhunan ay isang milyong dolyar ($1,000,000) o higit pa. Nagkakahalaga raw ng mahigit siyam na raang milyon ($900,000,000) ang mga empresang ito. Kulang na kulang ang mga pagtantyang ito, dahil maaaring ang batayan sa pagtantya ng halaga ng lupa't gusali ay ang presyong ibinayad nang bilhin ang mga ito ilang dekada na ang nakaraan. Hindi rin pantay-pantay o ganap na isinaalang-alang ang paulit-ulit na debalwasyon ng piso.

16 Briton ang may-ari ng Shell.

17 Inamin ng embahada ng EU kamakailan na ang mga mamumuhunan ng EU ay naglalabas ng tatlong dolyar mula sa Pilipinas sa bawat dolyar na ipinapasok nila. Siyempre, pinababa na ang halagang ito.

18 Nitong nakaraang mga taon, sinasabi ng mga reaksyonaryo na ang Iligan Integrated Steel Mills, Inc. o IISMI ay pruweba na hindi naman pinipigilan ng imperyalismong EU ang industriyalisasyon. Ilang dekada na mahigpit ang paggigiit na magtayo ng mga pabrika ng asero. Pero nang sa wakas ay maitayo ang IISMI, ipinakarga rito ng mga imperyalista ang mabibigat na pautang (mahigit dalawang daang milyong dolyar ($200,000,000) at piniga ang malalaking patubo; siningil ito nang mataas para sa konsultansya, serbisyo sa engineering at kontrata sa pamamahala; at pinasobrahan ang presyo ng mga kagamitang inilagay dito. Bago pa man makayari ang IISMI ng kahit anong klase ng asero, nilimitahan na ng mga nagpautang ang produksyon at pagbebenta ng kumpanya.

19 Sa kabuuang panlabas na utang na dalawang bilyon, sandaa't tatlumpu't apat na milyong dolyar ($2,134,000,000) noong Pebrero 1972, mga animnapu't anim na porsyento (66%) ang inutang sa Estados Unidos at Hapon; apatnapu't limang porsyento (45%) sa EU at dalawampu't isang porsyento (21%) sa Hapon. Bukod dito, labindalawa't kalahating porsyento (12.5%) lahat-lahat ang nanggaling sa mga bangkong kontrolado ng EU tulad ng WB, IMF at ADB; sa WB lamang ay mahigit nang kaunti sa kalahati nito ang inutang.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.