Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Unang Kabanata: Pagriripaso sa Kasaysayan ng Pilipinas



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


5. Ang Papet na Rehimeng Macapagal, 1962-65

Sa pagtatamasa ni Macapagal ng pampulitika at pampinansyang suporta ng mga monopolyo ng EU, tinalo niya si Garcia sa eleksyong presidensyal ng 1961 kahit ginamit ni Garcia ang pera at pasilidad ng gobyerno sa sariling kampanya. Sa panahong ito ng modernong imperyalismo, hangal na tumakbo si Macapagal ayon sa plataporma ng "malayang pag-iinisyatiba" at "desentralisasyon". Nakipagkoalisyon sa Grand Alliance ang Partido Liberal, na ang pangunahing kandidato ay si Macapagal, para mabuo ang United Opposition. Walang kahihiyang sinunod ng koalisyong ito ang mga idinidikta ng mga imperyalista ng EU sa pamamagitan ng WB at IMF, bukod pa sa karaniwan nang mga adbayser ng EU.

Ang unang ehekutibong hakbang ni Macapagal nang maging papet na presidente siya noong 1962 ay iproklama ang kagyat at ganap na dekontrol. Nakapag-uwi ng malalaking ganasya ang mga lokal na empresa ng EU kahit hindi na kailangang itago ang mga ganansyang iyon sa pamamagitan ng sobrang pagpepresyo sa mga kalakal at serbisyong binibili sa puno't mga kapatid na kumpanya sa Estados Unidos, o sa iba pang bayan. Mabilis na sinunggaban ng malaking burgesyang komprador at malaking uring panginoong maylupa ang dolyar na kinikita nila sa pag-eeksport ng hilaw na materyales at malayang ipinalit sa dolyar ang piso nila para makapag-import ng mga yaring kalakal. Mula sa Bangko Sentral ay nalipat ang katiwalian sa Kawanihan ng Adwana at sa mahabang baybayin ng kapuluan nang ang sistema sa pamamahagi ng dolyar ay palitan ng inayos uling sistema sa taripa na ang layunin ay magkaroon ng kita ang gobyerno.

Nang maubos ang reserbang dolyar ng reaksyonaryong gobyerno, ibinaba sa P3.90 ang halaga ng piso bawat dolyar mula sa dating itinakdang halaga na P2 bawat dolyar. Para panatilihin ang halagang ito sa palitan, ang papet na rehimeng Macapagal ay napilitang tumanggap sa mga bangko ng EU ng mabibigat na pautang sa "istabilisasyon". Dahil sa bagong halaga sa palitan ng dolyar at piso, dumanas ang malawak na masa ng mamamayan ng mataas na presyo na nagpaliit sa tunay nilang kita. Wala kahit isang kalakal sa Pilipinas na di naapektuhan ng tumaas na gastos sa pag-iimport sa mga yaring kalakal, hilaw na materyales, pyesa, panggatong at iba pa mula sa Estados Unidos. Samantalang bumaba nang halos isang daang porsyento (100%) ang halaga ng piso, ang itinakdang minimum na sahod ay tumaas nang limampung porsyento (50%) lamang, at makakamit lamang ito ng mga sumasahod sa pamamagitan ng pakikibakang masa.

Ang krisis mismo sa ekonomya na likha ng imperyalismong EU ay ginawang dahilan ngpet na rehimeng Macapagal para maitaguyod ang patakarang papasukin nang husto ang pamumuhunan ng EU. Lumaki ang pamumuhunan ng EU pero di kasinlaki ng mga iniuuwing ganansya. Pinalala lamang ng pamumuhunang ito ang pagiging tagibang ng malakolonyal at malapyudal na ekonomya. Kinuha ng mga mamumuhunan ng EU ang mga empresang hindi na makabayad ng utang sa mga dayuhan, at nagpasok sila ng bagong puhunan sa plantasyon, planta at abono at iba pa. Ayon sa sariling patakaran ng mga monopolyo ng EU na pigilan ang paglabas ng dolyar mula sa EU, ginamit nila ang taktikang huthutin ang perang naiipon ng mga Pilipino at ang kapital na ipinapautang ng mga bangkong ari o kontrolado ng EU sa gobyerno ng Pilipinas, napapalaki nila ang kanilang pangangapital sa pamamagitana ng lokal na pangungutang. Ang lahat ng ito ay pinadali ng papet na presidente sa pamamagitan ng Ahensya sa Pagpapatupad ng Programa (Program Implementation Agency o PIA), isang upisinang sadyang nilikha para sa gayong layunin. Nilikha rin ang mga bagong ahensya sa pagpapautang para mapadali ang pagkasaid ng dayuhang pautang.

Ang mga korporasyon ng gobyerno ay direktang pinauutang ng WB. Ang mga pribadong korporasyon at bangko ay sinulsulan ng direktang umutang sa mga bangko ng EU at iba pang dayuhang bangko, at ang mga bangko ng gobyerno ang pinagagarantya. Noong panahon ni Macapagal, napakalinaw na sadyang ipinapapasan sa reaksyonaryong gobyerno ang maraming utang sa dayuhan para ganap na mawasak ang ilusyon ng mga makabansang burges na magagamit nila ang papet na estado sa pagkuha ng mga ari-arian ng EU sa Pilipinas.

Inumpisahan ang isang programa sa mga proyekto sa obras publikas na ang pangunahing intensyon ay ubusin ang mga dayuhang pautang at waldasin ang piso at buong ekonomya. Inumpisahan iyon sa kabila ng katotothanang hindi makuha ng papet na rehimeng Macapagal sa Konggreso ang mga batas sa buwis na kailangan para madagdagan ang kita ng gobyerno na tutugon sa lumalaking gastos nito. Itinayo ang walang kabuluhang Pangasiwaan sa Pangkagipitang Pag-eempleyo (Emergency Employment Administration o EEA) para makapagsagawa ng huwad na obras publikas at malikha ang ilusyon na may maraming trabaho sa panahong maraming nasisante.

Sa tangka ng papet na rehimeng Macapagal na disimulahin ang lantarang pagkapapet nito sa imperyalismong EU, inilipat ang "araw ng independensya" sa Hunyo 12 mula Hulyo 4. Ang pabulang "ibinigay" ng Estados Unidos ang independensya sa sambayanang Pilipino ay pinalitan ng ganoon ding kaaroganteng pabula na "ibinalik" iyon ng Estados Unidos. Nauso sa mga papet na pulitiko ang purihin ang mga pangyayari at bayani ng lumang demokratikong rebolusyon para magkaroon ng bahid na kayumanggi ang pagkapapet nila. Inilagay sa Unibersidad ng Pilipinas si Romulo, na matagal nang tuta ng imperyalismong EU, para laging makonsulta ni Macapagal sa pagpapaganda ng mga patakarang maka-imperyalsita at para mapahusay ang unibersidad ng estado bilang kasangkapan ng imperyalismong EU at mga lokal na mapagsamantalang uri.

Para lalong magmukhang progresibo ang papet na rehimeng Macapagal at malinlang ang uring magsasaka, pinagtibay ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura. Nagbanal-banalang ipinahayag ng Kodigo na "kontra sa patakarang publiko" ang pakikisamang partihan at ipinangakong palalayain daw ang masang kasama. Sa kabila ng matatayog na pananalita tungkol sa pagpapalaya sa masang kasama, naroon ang lubos na pagbibigay ng katiyakan sa lahat ng panginoong maylupa na bibigyan sila ng "makatwirang bayad" kung kukuhanan sila ng reaksyonaryong gobyerno ng kapirasong lupa. Hindi kaya ng masang kasama ang presyo ng lupa at hindi kasya ang pondo ng rekasyonaryong gobyerno para kumuha ng higit pa sa iilang piraso ng lupa.

Itinakda rin ng kodigong iyon na bago kunin ng gobyerno sa panginoong maylupa ang anumang lupa, kailangang munang "mamwisan" ang masang kasama, na pinagbabayad ng takdang upa na ang halaga ay ang dalawampu't limang porsyento (25%) ng karaniwang taunang neto ng ani batay sa tatlong taong normal na ani bago pumasok sa kasunduang "buwisan" ang panginoong mayalupa at kasama. Obligado ang kasama na akuin ang lahat ng gastos sa pagsasaka at magbayad ng itinakdang upa sa panginoong maylupa, anupaman ang resulta ng ani, magkaroon man ng baha, tagtuyot o peste. Hindi talaga bumababa ang upa sa pamumuwisan; isa lamang itong porma ng pakikisamang partihan. Pero pinalalabas ng kodigo na "maaalis" na ang pakikisamang partihan kapag pinairal ang pormang ito ng pakikisama.

Inumpisahan ng papet na rehimeng Macapagal ang pag-angkin ng Pilipinas sa Sabah at ang planong itayo ang Maphilindo (Malaysia, Philippines at Indonesia) para ipatupad daw ang patakarang bawiin ang dating teritoryo (irredentist policy), pero ang tunay na layunin nito ay padaliin ang pagkilala sa Pilipinas bilang tagapamagitan at tagsuporta sa "Malaysia" na gawa-gawa ng mga Briton at Amerikano. Ang Maphilindo ay walang iba kundi imperyalistang salamangkang ginawa para isahan ang gobyerno ni Sukarno ng Indonesia at para makapangikil ng mas marami pang pribilehiyo ang mga monopolyo ng EU sa Malaya at Hilagang Kalimantan. Sa labas ng Pilipinas, pinawalan niya ng bisa ang Tratado sa Pangkalahatang Relasyon ng EU at RP, pero pinayagang magpatuloy ang lahat ng iba pang di pantay na tratadong nagdiditalye sa tratadong iyon.

Kakatwa na samantalang ang soberanya ng Pilipinas at hurisdiksyon sa mga base militar ng EU sa loob ng Pilipinas ay hindi maigiit ng papet na rehimeng Macapagal, hinangad pa nitong makuha ng mas maraming teritoryo sa labas. Nang dumami ang mga kasong pagpatay sa mga Pilipino ng mga tauhang militar ng EU, nakipagsabwatan ang rehimen sa embahador ng EU sa dati nang salamangka na makipagnegosasyon para susugan ang Kasunduan ng EU at RP sa mga Base Militar. Ang mga susog na napagkasunduan ay nagpalawak pa nga sa hurisdiksyon ng kumander ng base ng EU. Gayunman, hindi naman seryosong gumawa ng hakbang para iharap ang mga susog na ito sa Senado ng Pilipinas at mapagtibay.

Inilantad nang husto ng rehimeng Macapagal sa lahat ng mamamayang Asyano ang pagkapapet nito sa imperyalismong EU nang masugid itong nagkampanya na magpadala ng mga mersenaryong tropang Pilipino para lumahok sa gerang agresyon ng EU laban sa mamamayang Byetnames. Ang mga Pilipinong ahente ng CIA, na nagkaroon na ng malaking interes sa negosyo sa gerang agresyon ng EU sa Indotsina, ang pinakamapilit na nakiisa kay Macapagal sa panawagan niyang magpadala ng mga mersenaryong tropang Pilipino sa Byetnam. Kunwari'y mga pangkat ng mga inhiyero't doktor ang mga unang mersenaryong ipinadala sa Byetnam ayon sa batas na pinagtibay ng papet ng Konggreso.

Para maisulong ang imperyalistnang sosyohan ng EU at Hapon sa pagsasamantala sa mamamayang Asyano at para mapalaki ang papel ng Hapon bilang panrehiyong punong papet ng imperyalismong EU sa Asya, itinaguyod ng papet na rehimeng Macapagal ang kumperensya na humantong sa pagtatayo ng Bangko sa Pagpapaunlad ng Asya (Asian Development Bank o ADB) na kontrolado ng EU at Hapon, at inalok na maging punong-tanggapan ng ADB ang Maynila. Ang ADB ay isa na namang institusyon sa pinansya na itinayo para manipulahin ang papet na gobyernong Pilipino na pananatilihin nito ang malakolonyal at malapyudal na ekonomya na magsusuplay ng hilaw na materyales, pangunahin sa Estados Unidos at Hapon. Noong panahon ni Macapagal, tumaas sa dalawampung porsyento (20%) ang parte ng Hapon sa kalakalang panlabas ng Pilipinas.

Sumulong ang rebolusyonaryong kilusang masa sa syudad sa pagkontra sa mga reaksyonaryong patakaran ng papet na rehimeng Macapagal. Palaki nang palaking mga demonstrasyong protesta ang inilunsad ng mga manggagawa, magsasaka, istudyante at iba pang makabayan. Noong Oktubre 2, 1964, nagdemonstrasyon ang mga manggagawa't istudyante laban sa mga karapatang pariti ng EU at mga base militar ng EU, una sa harap ng embahada ng Estados Unidos at pagkatapos ay sa harap ng palasyo ng Malakanyang at dito'y nakipaglaban sila sa mga gwardya ng presidente. Ang mga pinakamilitanteng demonstrador ang naging mga myembrong tagapagtatag ng Kabataang Makabayan. Itinatag ang Kabataang Makabayan noong Nobyembre 30, 1964 at naging isang matatag at importanteng salik sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya.

Noong Disyembre 28, 1964, isang malaking miting ang idinaos ng mamamayan ng syudad ng Angeles at mga kalapit-bayan para tuligsain ang pagpatay sa mga Pilipino sa loob ng mga base militar ng EU at para igiit na alisin ang mga baseng ito. Noong Enero 25, 1965, dalawampung libong (20,000) manggagawa, magsasaka, istudyante at walang hanapbuhay ang nagmartsa papunta sa papet na Konggreso at pagkatapos ay sa embahada ng EU para komprehensibong ilantad ang mga ginagawa ng imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Paulit-ulit na nagdemonstrasyon laban sa "Malaysia" na gawa-gawa ng mga Briton at Amerikano, at laban sa gerang agresyon ng EU sa Byetnam.

Bago gawin ang mga demonstrasyong ito at pagkatapos, nagkakaroon ng mga miting-pag-aaral sa maraming lugar para puspusang talakayin ang mga isyu. Sa kabuuan, ang mga militanteng demonstrasyon at miting-pag-aaral ay ibayong pag-unlad ng pambansa-demokratikong tipo ng rebolusyon sa kultura na inumpisahan ng demonstrasyong anti-CAFA noong 1961. Gumanap ang kabataan ng tungkulin na maging taliba sa mga aksyong masang ito. Mas malaki sanang papel ang magagampanan ng mga manggagawa't magsasaka kung hindi ipinagpatuloy ng reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc ang mahigit isang dekadang pananabotahe sa rebolusyonaryong kilusang masa.

Sa kanayunan, patuloy sa rebolusyonaryong pagsisikap ang mga Pulang kumander at mandirigma na tumangging isagawa ang panawagan ng liderato ni Jesus Lava na itigil ang armadong pakikibaka. Gayunman, ang mga nagpatuloy sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan ay madaling natangay sa pananaw ng pangkat na rebeldeng lagalag at naging biktima ng pag-agaw ng pangkating maton nina Taruc at Sumulong sa liderato, dahil walang depinidong lideratong Marxista-Leninista na kayang magbagsak sa kontrarebolusyonaryong liderato ng reaksyonaryong pagkating burges nina Lava at Taruc. Sa kabila ng pag-agaw ng reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc at ng pangkating maton nina Taruc at Sumulong sa liderato, iginiit ng malawak na masa ng mamamayan na dapat magkaroon ng tamang rebolusyonaryong lideratong proletaryo.

Inilantad ng solong liderato ni Jesus Lava ang lubos na pagkabangkarote nang magpadala ito ng mga sulat na sumusuporta sa mga patakaran ni Macapagal, laluna sa Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura, at nang pagkatapos ay ayusin ng nasabing liderato ang pagsurender nito noong Mayo 1964. Bago sumurender si Jesus Lava, nagpilit siyang guluhin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa pamamagitan ng basta-bastang pagnonombra na parang kumikilala sa independyenteng kaharian ng pangkating maton nina Taruc at Sumulong, pero nagsulsol naman sa ilan niyang kamag-anak na agawin ang liderato ng Partido, kahit hiwalay sila sa masa at ang totoo'y kasabwat sa pagsurender niya.

Ang Masaka, isang repormistang samahan ng magsasaka, ay ginamit ng independyenteng kaharian nina Lava para ipagpilitan ang huwad na awtoridad nito sa rebolusyonaryong kilusang masa at para tuparin ang pangako ni Jesus Lava na susuportahan ang huwad na programa sa reporma sa lupa ng reaksyonaryong gobyerno.

Pagkaraang sumurender ni Jesus Lava kay Macapagal, ang mga kontrarebolusyonaryong kilos nina Lava at Taruc ay pinuna at itinakwil ng mga Marxista-Leninista na lumitaw sa rebolusyonaryong kilusang masa. Noong una, ispontanyo ang mga pagpuna at pagtatakwil. Naging masaklaw na kilusang pagwawasto ang mga ito. Kinailangan pa ng kilusang pagwawasto ang ilang taon para makasulong sa yugtong maitatayo na ang Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Zedong at maitatatag na uli ang Partido Komunista ng Pilipinas sa dakilang patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Hindi madaling naalis sa Partido ang matagal na paghahari ng dinastiya nina Lava at Taruc.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.