Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikalawang Kabanata: Mga Pundamental na Suliranin ng Sambayanang Pilipino



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


Sa pagharap sa problema, dapat makita ng Marxista ang kabuuan at pati ang mga parte. Sabi ng palakang nasa balon, "Ang langit ay kasinlaki lamang ng bunganga ng balon." Hindi iyan totoo, dahil ang langit ay hindi kasinlaki lamang ng bunganga ng balon. Kung sinabing "Kasinlaki ng balon ang isang parte ng langit," iyan pa ang totoo, dahil tumutugma sa katotohanan.-- Mao Zedong

I. Lipunang Malakolonyal at Malapyudal

Malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino ngayon. Ang katayuang ito ay itinatakda ng imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo na ngayo'y walang awang nagsasamantala sa malawak na masa ng mamamayang Pilipino. Ang tatlong kasamaang ito na bunga ng kasaysayan ang mga pundamental na suliraning nagpapahirap sa lipunang Pilipino.

Ang malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino ay pangunahing itinatakda ng imperyalismong EU. Kahit sinasabi ng mga reaksyonaryo na independyente na ang Pilipinas, hindi ito ganap dahil sila na rin ang kumokontra sa sarili sa pagsasabing "ibinigay" o "ibinalik" lamang ng imperyalismong EU ang independensya ng Pilipinas. Ang totoo ay patuloy na nilalabag ng imperyalismong EU ang pambansang soberanya sa pangalan at pagkaraang ibigay ito, sinigurado ng imperyalismong EU na patuloy nitong kokontrolin ang ekonomya, pulitika, kultura, militar at ugnayang panlabas ng Pilipinas. Nakapangikil ang imperyalismong EU ng di pantay na mga tratado at makaisang-panig na mga pribilehiyong lumalabag sa pambansang soberanya, integridad ng teritoryo at pambansang mana ng sambayanang Pilipino. Patuloy na inaangkin ng imperyalismong EU ang pribilehiyong bigyan ng armadong proteksyon ang mga lokal na mapagsamantalang uri. Kahit may ilusyon ngayon na nagpapasya sa sarili ang kasalukuyang gobyerno, ang mga saligang patakaran nito at ang eleksyon at pagnonombra ng pinakamatataas na upisyal ay pangunahing itinatakda ng imperyalismong EU. Ang mga engklabe sa ekonomya na pinaghaharian ng mga empresa ng EU at pati ang malalaking base militar ang pinakamalinaw na ebidensya na kolonya pa rin ng Estados Unidos ang Pilipinas. Maaalis lamang ang mga kolonyal na engklabeng ito sa pamamagitan ng armadong pambansang rebolusyon na maggigiit sa independensya ng Pilipinas.

Ang malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino ay pangunahing itinatakda ng pagkakapasok ng monopolyong kapitalismo ng EU sa lumang pyudal na paraan ng produksyon, at ng pagkakapailalim ng sistemang ito sa monopolyong kapitalismo ng EU. Ang kongkretong resulta ng pagkakasanib ng dayuhang monopolyong kapitalismo at katutubong pyudalismo ay ang pagka-agnas at pagkalusaw ng natural na ekonomyang nakakasapat sa sarili, na naging ekonomyang pangkalakal. Dahil dinidiktahan ng dayuhang monopolyong kapitalismo ang ekonomyang pangkalakal, ginagamit ito para pigilan ang pag-unlad ng pambansang kapitalismo at pwersahing mabangkrap ang mga may-aring nagbubungkal at tagayari ng handikrap. Ginagamit ang ekonomyang pangkalakal para panatilihin sa pyudal na pagkaalipin ang malawak na masa ng mamamayan, at kasabay nito'y likhain ang relatibong surplus na populasyon, ang malaking reserbang hukbo ng paggawa, at sa gayo'y mapanatiling mababa ang presyo ng paggawa. Sa agrikultura ng Pilipinas, patuloy na umiiral ang lumang pyudal na paraan ng produksyon kaagapay ng kapitalistang pagsasaka, na pangunahing isinasagawa para sa produksyon ng ilang pananim na pang-eksport na kailangan ng Estados Unidos at iba pang bayang kapitalista. Sa katunayan, mas malawak pa rin ang mga sakahang ginagamitan ng lumang pyudal na paraan ng produksyon kaysa mga sakahang kapitalista. Ang pyudalismo ay pinasisigla at pinananatili ng imperyalismong EU para mapamalaging naghihirap ang malawak na masa ng mamamayan, supilin ang pinakamalaking uri, ang uring magsasaka, at manipulahin ang atrasadong kalagayan ng bayan nang sa gayo'y makakuha rito ng murang paggawa at murang hilaw na materyales. Sa ganitong pakahulugan sinasabi na batayang panlipunan ng imperyalismong EU ang pananatili ng pagsasamantala ng mga panginoong maylupa. Kailangan ang rebolusyong agraryo para mawasak ang ugnayan ng imperyalismong EU at pyudalismo at alisan ng batayang panlipunan ang imperyalismong EU.

Naging malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino dahil na-iimpluwensyahan at umaasa sa isa't isa ang imperyalismong EU at pyudalismo. Hindi talaga interesado ang imperyalismong EU na paunlarin ang ekonomyang kolonyal at agraryo para maging tunay itong independyente at umaasa-sa-sarili. Natural sa modernong imperyalismo na ang gawing posible lamang ay ang tagibang at pasumpong-sumpong na pag-unlad. Ang mga monopolyong kapitalista ng EU ay interesado lamang na makakuha ng sobra-sobrang ganansya mula sa kolonyal na palitan ng hilaw na materyales na galing sa Pilipinas at yaring kalakal na galing sa Estados Unidos, mula sa direktang pamumuhunan sa mga kolonya at malakolonya na nagsasampa ng mas mataas na ganansya, at mula sa internasyunal na pang-uusura.

Ang mga pundamental na problema ng sambayanang Pilipino ay hindi maaasahang lutasin ng kasalukuyang reaksyonaryong estado dahil, unang-una, likha at papet na instrumento ito ng imperyalismong EU at pyudalismo. Sa bawat antas ng kasalukuyang reaksyonaryong estado, mula sa pambansang antas hanggang sa antas ng munisipalidad, nariyan ang mga burukratang kapitalista na tuta ng imperyalismong EU at pyudalismo. Ang burukratang kapitalismo mismo ay bukod pang kasamaang nagpapahirap sa buong bansa. Ginagampanan nito ang ispesyal na papel na pag-ugnayin ang mga interes ng mga dayuhan at katutubong mapagsamantala at supilin ang determinadong paglaban ng rebolusyonaryong masa. Itinayo ang mga ito para maging mga papet na administrador ng imperyalismong EU ayon sa patakarang "sanayin na mamahala sa sarili".

Mas gusto pa ng mga burukratang kapitalista na ibulsa ang nananakaw nila sa gobyerno at manghingi ng konsesyon sa kanilang mga among dayuhan at pyudal kaysa ipaglaban ang pambansa-demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Walang saysay at mali na asahang babaguhin nila ang malakolonyal at malapyudal na mga saligang patakaran ng reaksyonaryong papet na gobyerno. Ang karaniwang ginagawa ng mga bulok na opisyal na ito ng gobyerno ay gumamit ng kontrarebolusyonaryong dalawahang taktika para lokohin ang mamamayan at mas mahusay na pagsilbihan ang mga naghaharing uri. Ipinoproklama nila ang sarili na mga "populista", "makabayan", "demokrata" o "sosyalista" pa nga, at kaya rin nilang magnakaw ng mga kataga sa rebolusyonaryong kilusang masa. Ang pakikipagkaibigan nila sa mga lokal na rebisyonistang taksil at mga sosyal-imperyalistang Sobyet ay pinalalabas pa nga nilang patunay ng pagiging makabayan at progresibo. Pero hinding-hindi sila nag-aatubiling maging lantarang pasista at gumamit ng pwersang militar para supilin ang rebolusyonaryong masa. Sila ang mga katiwala ng reaksyonaryong estado, na instrumento sa pamimilit sa malawak na masa ng mamamayan. Ang burukratang kapitalismo ang batayang panlipunan ng pasismo.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.